6,753 guests

Si De Lima, si Alcala at ang narco-politics

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 474

HINDI na raw tutukuyin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘final drug list’ na hawak niya dahil baka sa sobrang dami ng mga personalidad na sangkot dito ay maiyak lamang ang masang Filipino.

‘Discretion’ ng Pangulong Duterte kung pangalanan man sila o hindi. Nasisiguro naman natin na sa mga susunod na araw, ay lalo pang maraming ‘high value target’ (HVT) ang maaaresto o mapapatay ng pulisya.
   
Kamakalawa ay napatay sa ‘police operations’ si Mayor Samsudin Dimaukom ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao, kasama ang siyam na tauhan nito.
   
Kabilang si Dimaukom sa ilang narco-politicians na naunang tinukoy ng Pangulong Duterte. Sumuko na ito kay PNP chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, ngunit hindi nangangahulugan na ligtas na siya sa anumang pagmamanman na gagawin ng mga alagad ng batas.
   
Anang Pangulo, asahan na aabot pa sa 20,000 hanggang 30,000 katao ang tiyak na mapapatay sa police operations. Lalo na kung manlalaban sila sa ating mga awtoridad.
   
Naaresto  naman kamakailan si  Toni Ann Alcala, 33,  sa buy-bust operation. Kasama niyang naaresto ang inang si Maria Fe, 58,  at kapwa sila nakuhanan ng shabu  na nagkakahalaga ng P10,000.
   
Si Maria Fe ay dating asawa ni Cerilo “Athel” Alcala, kapatid ng dating Agriculture Secretary Proceso Alcala.
   
Si Sec. Alcala, para sa kaalaman ng lahat ay makailang ulit na pinuri ng dating Pangulong Noynoy Aquino sa mga nakalipas nitong State of the Nation Address (SONA).
   
Magaling at masipag daw kasing opisyal si Alcala, ayon pa sa kuya ng palaos na artistang si Kris Aquino.
   
Kabilang naman ang mga Alcala sa tinukoy din ng Pangulong Duterte na bahagi ng narco-politics, lalo na sa lalawigan ng Quezon.
   
Samantala, hindi pa rin matigil ang mga kontrobersiyang kinasangkutan ni dating Justice Secretary at ngayo’y Senadora Leila de Lima.
   
Nagsumite na nga ng disbarment case sina dating National Bureau of Investigation (NBI) deputy directors Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala dahil sa pagkakasangkot nito sa sindikato ng ipinagbabawal na gamot.
   
Alam na naman siguro ng lahat na lahat halos ng mga high-profile inmate sa New Bilibid Prisons (NBP) ay si De Lima ang itinuturong ‘protektor’ nila kaya naging talamak ang sindikato ng droga hindi lamang sa loob ng bilibid kundi sa iba’t ibang panig ng bansa.
   
Tulad ng napatay na si Mayor Dimaukom at pamilya Alcala ng Quezon, si De Lima ay tinukoy din ni Digong sa kanyang narco-list at ang senadora rin ang paboritong batikusin ni Duterte ngayon.
   
Sina De Lima at Alcala ay kapwa ‘cabinet secretary’ o ‘alter-ego’ ni PNoy.
   
Kung hindi siguro determinado si Digong na sugpuin ang problema ng ipinagbabawal na gamot sa Pilipinas, malamang ay hindi madudumihan ang pangalan nina De Lima at Alcala dahil kahit kailan, hindi sila nakitaang batikusin kahit isang beses ng dating Pangulo ng bansa.
   
Oktubre 2001, naaresto ng NBI at PNP Narcotics Group si Mayor Ronnie Tena Mitra sa bayan ng Panukulan, probinsiya ng Quezon.
   
Gamit ang isang ambulansya, kasama ni Mitra sa nahuli ang Chinese national na si Willie Yap; at mga security aide na sina Javier Morilla at Roel Dequilla.
   
Nakuha sa kanila ang 498 kilo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1 billion.
   
Ayon kay Duterte, dahil sa kapabayaan ng mga dating administrasyon, umabot na sa tatlo hanggang apat na milyong Filipino ang lulong sa ipinagbabawal na gamot.
   
Mabigat ang mga asuntong kinakaharap nina De Lima at Alcala ngayon.
   
Itanggi man nila ang bintang na sangkot sila sa ipinagbabawal na gamot, may ‘moral obligation’ silang dapat tuparin dahil pareho silang mga government official.
   
Alam kong hindi rito magtatapos ang kampanya ni Pangulong Duterte. Naniniwala akong nasa unang sigwada pa lang sila sa kanilang giyera kontra droga.
   
Sana, marami pang ulo ng malalaking isda sa sindikato ng droga ang masampulan ng Duterte administration.
   
Sigurado tayo na hindi lamang sina De Lima at Alcala ang sasabihing sangkot sa ipinagbabawal na gamot. Nasisiguro rin natin na hindi sila sasantuhin ng kasalukuyang pamahalaan.
   
Sa kabilang dako, gusto nating saluduhan si Quezon Gov. David Suarez sa ginawa nitong pagtatag sa Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) sa kanilang lalawigan.
   
Bukod sa PADAC, binuo rin ni Suarez ang Quezon Provincial Anti-Organized Crime Group Task Force na kinabibilangan ng pulisya, local government officials at ilang concerned government agencies.
   
Pagpapakita  ito na suportado nila ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot.
   
Umabot na rin sa 52 government employees ng Quezon province ang napilitang mag-resign kamakailan matapos silang mag-positibo sa drug test.
   
Magandang dahilan ito para gayahin sila at maging ehemplo ng iba pang local government units (LGU). Si Gov. Suarez pa lang kasi ang nakakagawa na manibak o magpa-resign ng empleyadong positibo sa drug test.
   
Sinabi ng Pangulong Duterte na hindi niya kayang mag-isa ang paglaban sa sindikato ng ipinagbabawal na gamot. Kailangan niya ang suporta at tulong ng iba’t ibang sektor ng lipunan.
   
Sa halip na bumatikos at sumakay sa mga ‘kargang anggulo’ ng kampong dilawan, gumawa na lang tayo ng iba pang hakbangin na makatutulong sa digmaan laban sa illegal drugs.
   
Kahit saan naman kasi tingnan, nakaalarma ang balitang dahil sa narco-politics, umabot na sa apat na milyong Pinoy ang ‘hook’ ngayon sa ipinagbabawal na gamot.
   
Kung hindi tayo kikilos para tulungan ang ating pamahalaan, hindi ko na alam kung saan pa papunta ang kinabukasan ng mga susunod nating henerasyon.