7,244 guests

Sana manalo sila

  • Written by Paul Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 381

Paul's Alarm

SA isang press release kahapon, ipinagyayabang, agh, ibinalita ng PIAD (Public Information and Assistance Division (PIAD) ng Aduana na “wala” pang talo ang itinayong ‘basketball team’ ni Comm. Nick Faeldon sa ika-5 edisyon ng ‘UNTV Cup’ habang nasa ikalawang puwesto naman ang ‘women’s volleyball team’ ng BoC sa pagpapatuloy ng ‘Shakey’s V League.’

At sa ganang atin, maganda naman ang argumento ni Comm. Nick na ang mga ganitong kumpetisyon ay “naka­tutulong” upang “iangat” ang mabantot pa ring imahe ng ahensiya.

Kumbaga, mga kabayan, kung hindi kaya ng ‘powers’ ni Comm. Nick na magsulong ng makatotohanang kampanya laban sa katiwalian sa loob ng ahensiya dahil sa napakaraming balakid at dahilan, makatutulong naman ang ganitong mga liga upang mapaniwala ang publiko na mayroon ngang nangyayaring mga pagbabago sa Aduana.

Kaya nga ‘Transformers’ ang tawag sa mga nasabing ‘teams,’ gets ninyo?

“’Yun nga lang, nagtatanong ang ilang miron kung ‘totoo’ raw kaya ang sinabi ng PIAD na may ‘select employees’ ang ‘BoC Transformers’ sa basketball team at ‘BoC Lady Transformer’ sa volleyball team na naglalaro sa mga nasabing kumpetisyon?
   
Dangan kasi, nalaman natin na bilang pag­hahanda sa mga nasabing torneo, aabot sa 28 katao ang  ‘job order contracts’ na nilagdaan ni Comm. Nick.
   
Kung magkano ang kanilang mga “kontrata” at kung ano ang kanilang mga partikular na trabaho sa Aduana bukod sa pagiging ‘professional athletes,’ si Comm. Nick na ang dapat sumagot nito sa Commission on Audit at sa Ombudsman -- sakaling makarating dito ang nasabing mga katanungan.
   
Ang nasisiguro lang natin, batay sa nakuha nating kopya ng Customs Special Order (CSO) 58-2016, si Atty. Mandy Therese M. Anderson, ang ‘chief of staff’ ni Comm. Nick, ang pumipirma sa kanilang mga “DTS” (daily time record), “in the interest of the service.”
   
Kung ang pagpirma namang ito ni Atty. Anderson ay naayon pa rin sa batas at regulas­yon ng Civil Service Commission at EO 292 (Administrative Code), alam nating kayang kaya niya itong sagutin dahil isa siyang ‘bar topnotcher.’
   
At harinawang hindi naman magprotesta ang ating kaibigan na si Remmy Princesa, ang bagong presidente ng BoCEA (Bureau of Customs Employees Association) sampu ng kasapian nito, sa paniwalang ‘unfair’ ang “kalakarang” ito sa mga regular na empleyado ng BoC.
   
Eh, huwag na nga kayong umangal d’yan sa BoCEA hane?
   
’At least,’ wika nga, ‘undefeated’ naman ang inyong basketball team at ‘second place’ sa ‘overall standing’ ang inyong volleyball team, hehehe!
   
Matagal na tayong “tumamlay” sa ‘sports’ mga kabayan kaya hindi na tayo ‘familiar’ sa pangalan ng ating mga professional athletes bagaman nga kahit paano ay kilala pa rin natin sina:
   
Kenneth Duremdes, Marlo Aquino, Edward Joseph Feihl (basketball) at Allysa Valdez (volleyball), na ilan sa mga pa­ngalan na naka-payroll, agh, naka-kontrata ngayon sa BoC.
   
Sina Aquino, Duremdes, Dave Arguelles, Dante Canaway, Valdez, Parley Tupaz at Sherwin Meneses ay pawang nakatalaga sa mismong tanggapan ni Comm. Nick (Office of the Commissioner) habang ang iba pa ay sa Intelligence Group (IG) at isa naman sa AOCG (Assessment and Operations Coordinating Group).
   
Harinawang magkampeon sa mga nasabing torneyo itong itinayong ‘teams’ ni Comm. Nick, hindi ba, mga kabayan?
   
Una, para naman “masulit” ang kanilang mga suweldo na ayon pa sa mga miron ay sinasabing ‘confidential’ (mabuti naman hindi ginawang ‘state secret, hehehe) kaya hindi ito alam ng publiko.
   
Eh, kung matalo kasi, aba’y ‘triple whammy’ ito para sa BoC, hindi ba?
   
’Yun bang… hindi na nga malaman kung ano ang kontribusyon at talagang mga trabaho ng 28 kataong ito sa BoC na sinusuwelduhan ni Juan dela Cruz, hindi na nga makuha ng BoC ang target nitong koleksyon sa buwis sa ilalim ni Comm. Nick at pagkatapos, matatalo pa sa kumpetisyon, napakasakit naman, Kuya Eddie, ahuhu!!