9,907 guests

Collateral damage ng laban sa droga

  • Written by Kezia Grace Jungco
  • Published in Opinion
  • Read: 193

HABANG nag-iinit ang bangayan sa Senado at Kongreso patungkol sa EJKs, patuloy namang nadagdagan ang bilang ng mga nasawi sa laban sa droga. 

Sa kasalukuyan, ang Operation Tokhang o ‘knock and plead’ ay may 3,379 na casualties dahil sa laban sa droga simula noong Hulyo 1, ayon sa datos ng Philippine National Police. Sa bilang na ito ay 1,239 ang napaslang sa police operations at 2,140 naman ang biktima ng extrajudicial killings o vigilante-style killings.
   
Sa mga kasong ito, isa sa pinakabatang biktima ng extrajudicial killings ay si Danica May Garcia na limang taong gulang pa lamang. Si Danica ay napaslang noong Agosto ng mga ’di kilalang lalaki habang nananghalian kasama ang kaniyang pamilya sa kanilang munting tahanan sa Pangasinan. Ilang araw bago ang nasabing pagpaslang ay sumuko ang kaniyang lolo sa mga pulis para ayusin ang pagkakadawit ng pangalan sa listahan ng mga akusadong drug user.
   
Bago pa man mabiktima si Danica ay may ilang kabataan na ang nakitil ang buhay dahil sa pagkaipit sa mga drug operation ng kapulisan o ’di kaya’y napapaslang ng mga vigilante. Noong nakaraang Hulyo ay naibalita ang pagkapaslang kay Jefferson Bunuan, ang 20-anyos na foundation scholar. Kasama na napaslang ang kaniyang pinsan habang himbing na natutulog sa kanilang bahay sa Maynila. Iginiit ng mga pulis ng nasabing drug operation na nanlaban daw sina Jefferson at ang kaniyang mga kasama kaya sila ay napaslang. Mariin naman itong iginiit ng kanilang mga kaanak na nasa katabing bahay lamang nang mangyari ang barilan.
   
Ang kasalukuyang nangyayari sa Pilipinas ay taliwas sa nangyayari sa sitwasyon ng bansang Portugal. Nireporma noong taong 2,000 ang kanilang drug law at na-decriminalize ang paggamit ng droga. Ang repormang ito ay pinarisan ng mga dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa mga drug user. Layunin ng Portugal na tanggalin ang stigma upang maging bukas ang mga tinatawag na problem-user na humingi ng tulong sa gobyerno. Sa kasalukuyan, ay humina na ang paggamit ng droga sa bansang Portugal. Noong late 1990s pa lamang ay nasa 1 porsyento na lang ang mga gumagamit ng heroin. Sa kasalukuyan, mayroon na lamang 50,000 na katao sa buong bansa ang mga drug user at karamihan sa mga ito ay kabilang na sa substitution treatment.
   
Ang bawat bansa at lider ay may kaniya-kaniyang perspektibo sa paglaban sa droga. Ang bawat perspektibong ito ay maaaring magsalba o kumitil ng buhay. Subalit sa huli, sa bawat programa laban sa krimen at droga ay hindi maiiwasan ang crossfire na kumikitil sa buhay ng mga inosenteng sibilyan, pati na rin ang buhay ng mga batang paslit. Isa lamang si Danica sa milyun-milyong kabataang maaaring maging biktima ng collateral damage sa laban sa droga. Sa paglipas ng mga araw ay patuloy na naiiwan ang pangamba na sa patuloy na paglabag ng karapatang pantao ay unti-unting nagiging mapanganib ang kinabukasan para sa mga katulad ni Danica. Ang biktima ng crossfire na ito ay hindi lamang katumbas ng mga buhay na nawala. Isa rin itong simbolismo ng susunod na henerasyon na nanganganib mabuhay sa isang lipunan na laganap ang kultura ng karahasan. Hanggang saan ba tayo dadalhin ng laban sa droga? Ano nga ba ang kapalit ng tagumpay laban sa droga? Para sa mga katulad ni Danica, magiging matagumpay nga ba tayo?
   
Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / 0928-364- 2090.