9,519 guests

18 years ang kailangan para purgahin ang Pilipinas

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 192

PALAGING naninikip ang dibdib ko.

Wala itong kinalaman sa anumang karamdaman dahil wala naman akong sakit.

Pananakit ng dibdib ito sa tindi ng sama ng loob kung bakit ganito ang sitwasyon ng ating bansa na dinatnan ni Pangulong Duterte.

Habang pinapakinggan ko ang hearing sa Kongreso, hindi ako makapaniwala na kayang gawin sa atin ng estado ang paglalagay sa peligro ng bawat mamamayan at ng buong bansa.
   
Ang pagkakabunyag ng operasyon ng sindikato ng illegal drugs sa loob ng Bilibid ay hindi ko matatanggap na isang tao lamang sa gobyerno ang makagagawa. Kung huhugutan ang sinasabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na mas mataas kay Senadora Leila De Lima ang posibleng may kinalaman rito, pinaniniwalaan ko ito dahil sa klase ng pagkilos ng mga drug operator sa Munti.
   
Sa ngayon, wala tayo sa posisyon para tukuyin ang sinumang mas mataas kay De Lima subalit hindi dapat tumigil ang gobyerno sa pagbusisi at pagtuklas sa pinakaugat nito.
   
Kung babalikan natin ang July 1, 2010 hanggang July 1, 2016, libu-libong kababayan natin ang mistulang napeste ng mga kriminal. Pinapatay, hinoholdap at ginagahasa ng mga kriminal na nasa impluwensiya ng droga.
   
Kahit saang lugar ka magpunta, dito sa Metro Manila hanggang sa kasuluk-sulukan ng bansa sa panahon ng Aquino administration, naroon ang mga kriminal, naroon ang mga tulak ng illegal drugs at naroon ang panganib sa ating lahat.
   
Ang mas masakit na bahagi ng nakaraang anim na taon, walang pakialam si Noynoy, walang pakialam ang PNP at walang pakialam ang buong gobyerno sa sinasapit ng ating mga kababayan sa kamay ng mga kriminal. Ang masakit, walang pakialam ang UN, ang Amerika at ang EU.
   
Katunayan, dinuktor pa nila ang crime statistics para pagtakpan ang tunay na sitwasyon. At ang media, hinahalibas ni Noynoy dahil mahilig daw sa sensationalism.
   
Pasensiya na po Senadora De Lima, hindi tayo mahilig manghusga ng kahit sino subalit kung pagbabatayan ang sitwasyon sa Bilibid na naging open market para sa drug transaction, hindi ko alam kung paano pa kayo nakakatulog sa nakaraang anim na taon.
   
Kung totoo ang sinasabi sa mga report na 75% ng supply ng droga sa buong bansa ay galing sa Bilibid, sapat na ito para mahiya kayong lumabas ng bahay.
   
For the sake of argument na halimbawang hindi protektado ng mga nasa gobyerno ang mga drug lord sa Munti, dapat pa rin kayong panagutin sa kapabayaan.
   
Kung sa Japan nga ito nangyari, palagay ko sangkatutak na ang dapat nag-suicide sa Aquino administration.
   
Pambihira, nasikmura n’yong ipalapa ang ating bansa sa mga sindikato ng droga.
   
Ang mas mabigat dito, si Pangulong Duterte na nagwawalis ng inyong mga kalat ay nagagawa n’yo pang batikusin.
   
Hindi tuloy natin maiwasang maghinala na may mga oplan talaga ang ibang grupo hindi lang para patalsikin si Digong bagkus ay ayaw nila itong magtagumpay sa pagsasaayos ng bayan dahil tuluyan na silang mabubura sa mapa ng pulitika kapag nagkataon.
   
Kunsabagay, sa nakita nating magnitude ng drug problem, krimen at korapsiyon sa ilalim ng mga trapo, baka nga hindi na sila makabalik sa puwesto dahil bistado na ng mamamayan ang kanilang istilo.
   
Kung gusto natin ng tuluy-tuloy na paglilinis ng bayan, humanap ulit tayo ng kasing-bagsik at kasing-seryoso ni Duterte sa 2022 at 2028 presidential elections para 18 years ng pagpupurga sa mga bulate ng problema ng bansa na pinataba ng mga nakaraang administrasyon.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.