4,805 guests

Nang topakin si Agot Isidro

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 989

NGAYON lang nag-sink-in  sa aktres na si Agot Isidro na natalo ang kanyang kandidato sa pagkapangulo noong eleksiyon.

Naiisip na niyang bigla kung bakit nagkaganoon ang halalan. Mga disenteng tao naman ang kanyang inindorso sa Liberal Party kumpara sa palamurang si  Rody Duterte.
   
Pagkatapos ng isandaang araw, pumasok sa isip ni Agot kung bakit napakaraming mga drug addict at kriminal ang namamatay, lalo na nang ipag-utos ni Duterte na walang ningas kugon sa kampanya laban sa droga.
   
Nagising na lang si Agot, para siyang tinotopak na hindi makapaniwala sa nangyayari sa bansa matapos matalo ang kanyang kandidato. Nasanay kasi ang aktres na makapanood ng balita na may mga batang pinatay at ginahasa ng adik, may mga lolo’t lola na minasaker ng sariling apo habang bangag sa shabu.
   
Sanay si Agot na nababalitaang inaakyat-bahay ang ating mga kababayan, hinoholdap at pinapatay ang mga call center agent na umuuwi kapag hatinggabi. Alam na alam ni Agot na agresibo ang kilos ng lahat ng uri ng sindikato, lalo na ang mga Dugu-Dugo Gang na bumibiktima sa mga peace-loving citizen ng bansa.
   
Katulad niya, bilang aktres, okey naman ang kanyang buhay. Nakasasakyan, may maayos na kita, hindi bahagi ng araw-araw na populasyong nakikipaglaban para makaligtas sa kamay ng mga kriminal na adik.
   
Pero kahit anong ingat ni Agot, nadadale rin naman siya ng mga krimimal na malayang nakakakilos sa panahon ng kanyang mga inindorsong kandidato.
   
Noong December 2014, sa kalakasan ng paborito ni Agot na Aquino administration ay nabiktima siya ng Dugu-Dugo Gang. Ayon nga sa mga report, aabot sa P3 milyon na halaga ng alahas at pera ang natangay mula sa bahay ni Agot matapos linlangin ng sindikato ang kanyang kasambahay.
   
Ang magandang balita para kay Agot, posibleng kasama na sa mga napatay sa police operations nila General Bato ang mga miyembro ng Dugu-Dugo Gang na tumira sa kanya ng P3 milyon.
   
At baka hindi alam ni Madame Agot, magmula noong July 1, matapos malusaw ang pet niyang Aquino administration, bumaba na sa 50% ang crime rate. Sa buong bansa’ yan, Madame.
   
At ang latest, mahigit 70% ng ating mga kababayan ay kumpiyansa kay Pangulong Duterte at suportado ang kanyang kampanya para linisin ang bansa na kinalatan ng mga sinasabi ni Agot na disenteng tao. Kabilang na ang mga kasamahan niyang sugapa aa droga sa showbiz.
   
Karapatan nating lahat na magpahayag ng lahat ng gusto nating sabihin. Kung sa tingin ni Madame Agot ay may topak ang ating Pangulo dahil sa kanyang paghagupit sa  foreign countries na bumabatikos sa kanyang drug campaign, nasa kanya iyon.
   
Ang importante naman rito ay ang end result, kung ano ang dinaranas na kaayusan ng ating bansa ngayon dahil na pinipintasan ni Agot ang Pangulo na kailangang magpatingin sa psychiatrist.
   
Pero sabi nga sa pamosong kanta, ang natutuwang baliw, awit niyang walang laman, dahil ari niya raw ang araw pati ang buwan.
   
Ngunit kung tayo ay hahatulan nang sabay, sa mata ng Maykapal, sila ang tunay na banal.
   
Hindi ko huhusgahan si Agot at lalong hindi ko ikukumpara ang kanyang pagkatao kay Pangulong Digong.
   
Basta ang importante, gusto nating iparating kay Agot na ang kanyang pinakawalang salita laban sa Pangulo ng bansa ay bunga ng mga salitang nagmula sa latang walang laman.
   
Kung ang paghuhusga ni Agot sa Pangulo ay makasasapat para maka-recover siya sa pagkatalo ng kanyang kandidato at makapagpapabalik sa kanyang ulirat, well and good.
   
Kailangan niyang bumalik sa tunay niyang kaisipan, sa normal na timbangan ng katotohanan at mga pangyayari sa bayan.
   
Ang pagkatopak  sa ngalan ng mga kabiguan ay mahirap hanapan ng rason bagkus ay nangangailangan ito ng masidhing pang-unawa.
   
Kailanman ay walang magiging timbang para sa akin ang salita na nagmula kay Agot Isidro dahil kahanay at kauri din naman siya ni Mystica na hinalibas si Duterte nang husto hanggang dumating ang isang umaga, mas miserable pa sa daga ang kanyang buhay.
   
Peace be with you, Ms. Agot Isidro.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.