9,579 guests

BPO palakasin

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 180

NANANATILI ang suporta ng Estados Unidos sa Pilipinas sa kabila ng mga pasaring ni Pangulong Rodrigo Duterte sa liderato ng Amerika sa katauhan ni US President Barack Obama na sumasawsaw sa giyera kontra iligal na droga ng gobyernong Duterte.

Magandang senyales ito kaya dapat ay huwag panghinaan ng loob ang ating mga kababayan lalo na ang nasa Business Process Outsourcing (BPO) o ang mga nasa call center  na sinasabing maaapektuhan sakaling tuluyan nang dumistansiya ang Pilipinas sa US.
   
Sa ating nakalap na record ay pumapalo na sa ngayon sa mahigit 700,000 mga Pinoy ang nagtatrabaho sa mga BPO. Ibig sabihin ay marami na pala talaga tayong mga kababayan ang nabubuhay sa tulong ng BPO na talaga namang isa sa patuloy na umuunlad na sektor sa ating lipunan.
   
Dahil sa halos isang milyong mga kababayan nating nagtatrabaho sa mga BPO ay umaabot na raw sa US$18 bilyon ang naipasok na pera ng BPO industry sa ekonomiya ng Pilipinas at talagang napakalaking   kawalan kung  mawawala.
   
Pero alam nating hindi ito mangyayari ng basta ganun-ganon na lang dahil malalim ang pagkakaibigan ng dalawang bansa, lalo na sa larangan ng kalakalan.
   
Bukod diyan ay naniniwala akong hindi mawawala ang kasarinlan at pagiging independente ng ating Pilipinas kung patuloy na makikipagmabutihan sa super power na katulad ng US.
   
Kaya ang sa akin, huwag sanang mawala ang napakagandang oportunidad na ito para sa ating mga kababayang karamihan ay naging opsyon na lamang ang pagpasok sa BPO dahil sa kabiguang makakuha ng trabaho sa pinasok na kurso.
   
Subalit sa kabila ng pagiging opsyon lamang na makapasok sa BPO ay mas naging matagumpay ang mga ito kaya nakatulong sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
   
Ating tandaan na napakarami nang naitulong at patuloy na tumutulong at nagbibigay ng mahusay na trabaho ang sektor ng BPO kaya sana ay huwag nang bulabugin ang sitwasyon.
   
Bilib tayo sa mga nangyayaring pagbabago sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa ika-100 araw na ng kanyang pamamahala bilang Pangulo ng bansa pero hindi lahat ng pagbabago ay kailangan lalo na kung ang pagbabago ay may pangit na epekto.
   
Kinikilala rin natin ang isinusulong na independent foreign policy ng Pangulo na napakatalinong desisyon pero kagaya ng kanyang hangaring makahikayat ng maraming kakampi o zero enemy ay huwag sanang humantong sa pagdausdos ng imbes na pag-ungos ng ating ekonomiya.