6,918 guests

Gaya-gaya si Riza

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 422

NAGTATAWANAN ang mga beteranong mamamahayag na nagkukober sa Senado.

Gaya-gaya, puto-maya raw kasi ang ‘peg’ ng bagong senadora na si Riza Hontiveros.

Paano ba naman, kopyang-kopya ang ipinasa nitong panukalang batas sa inihain ding panukala ni Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Tungkol ito sa mental health issue kaya mahalagang mapagtibay ito lalo’t maganda ang layunin  para na rin sa mga kababayan nating may kapamilyang may problema sa pag-iisip.
   
Normal na  sa Mataas at Mababang Kapulungan ang tinatawag na ‘xerox copy’ sa mga panukalang batas dahil hindi naman lahat ng panukala ay naaaprubahan at naisasabatas.
   
Kaya lang, madaling napansin ang  ginawang ‘panggagaya’ ni Riza, dahil inihain ito, ilang buwan lamang ang nakalipas nang maunang maghain ng panukalang batas ang beteranong mambabatas na si Sotto.
   
Unang nagsumite ng Senate Bill 09 si Tito Sen na may titulong “An act promoting mental health, promulgating a national mental health policy towards the enhancement of integrated mental health services. The promotion and protection of persons using utilizing mental health services and the establishment of a Philippine Mental Health Council.”
   
Si Hontiveros naman ay naghain ng Senate Bill No. 1190 na tinawag niyang Philippine Mental Health Act of 2016  o “An act establishing a national mental health policy for the purpose of enhancing the delivery of integrated mental health services, promoting and protecting persons utilizing psychiatric, neurologic and psychosocial services, appropriating funds therefor and for other purposes.
   
Taong 2014 pa ay isinusulong na ni Sotto ang nasabing panukalang batas dahil inihain din niya ito na may markang SBN 2484 o Philippine Mental Health Act of 2014.
   
Dahil hindi napagtibay noong 16th Congress, muling inihilera ni Sotto ang nasabing  panukalang batas.
   
Bilang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, dapat i-orient nang husto ni Hontiveros ang kanyang legislative staff na galingan ang pagsaliksik kung may mga nakabinbin nang panukalang batas na katulad nito.
   
Maganda ang layunin ng nasabing panukala, pero mas maganda naman siguro na hindi naman magmukhang nangungopya lang ang isang mambabatas para hindi siya maging katawa-tawa.
   
Sabagay, bagitong senadora pa lamang si Hontiveros pero hindi na siya bago bilang Kongresista. Kung uso sa Kongreso ang pabandying-pandying lang at basta mangopya ng panukala, ibahin niya sa Senado.
   
Siguro, baka nanganganay pa rin ang senadora kaya sana sa susunod ay maging maingat na sila sa pagsusulong ng panukalang batas.
   
Muli, sinusuportahan po natin ang panukalang batas na ito nina Sotto at Hontiveros dahil tayo mismo ay maraming kilala na nangangailangan ng tulong mula sa suporta ng pamahalaan patungkol sa mga may problema sa pag-iisip.

Kahit nga iyong mga magulang na may anak na ADHD (Attention Deficit Hyperactivity Disorder) dahil mga may pera lamang ang nakakatugon sa problema ng kanilang mga supling para magabayan sila nang husto samantalang ang mga mahihirap na pamilya ay binabalewala na ang nasabing ‘kakulangan’ na naging dahilan kung bakit maraming kabataan ngayon ang naliligaw nang landas at nagugumon sa iba’t- ibang bisyo.
 
Sana, maaprubahan na ang batas na ito bago pa man matapos ang 17th Congress.

***

Nagdiwang ng ika-100 taong anibersaryo ang Senado kamakailan.
 
Dahil dito, isang Senate Centennial Dinner ang isinagawa sa National Museum sa Maynila noong nakalipas na Miyerkules na dinaluhan ng mga dati at kasalukuyang senador.
 
Ilan sa mga dumalo ay sina dating Senators Santanina Rasul, Eva-Estrada Kalaw, Anna Dominique Coseteng, Rene Espina, Edgardo ‘Eddie’ Ilarde, Loi Estrada, Wigberto Tanada, Victor Siga, Francisco Tatad, dating Vice-President Noli de CastroJuan Ponce Enrile, Aquilino “Nene” Pimentel Jr., dating President Joseph Ejercito Estrada, Heherson Alvarez, Joey Lina, Rodolfo Biazon at dating Manila Mayor Alfredo Lim.
 
Present siyempre si Senate President Koko Pimentel, Majority Leader Tito Sotto,  Senators Grace Poe,  Risa Hontiveros; Manny Paquiao, Cynthia Villar, Nancy Binay, Richard Gordon, Franklin Drilon, Leila de Lima, Bam Aquino IV, Gregorio Honasan II, Ralph Recto, Juan Miguel “Migz” Zubiri, , JV Ejercito, Sonny Angara, Joel Villanueva, Chiz Escudero at Win Gatchalian.
 
Bihira ang isang okasyong ito. Ang nakapagtataka lang, hindi pinadalhan ng imbitasyon ang mga media na nagkokober sa Mataas na Kapulungan.
 
Himutok tuloy ng lahat, bakit pinalagpas ang ganitong uri ng pagkakataon na kaming mamamahayag sana ang magko-chronicle ng nasabing ‘historic event.’
 
Ika ‘nga, hindi naman kumpletong ritrato lang.
 
Ang nasabing centennial celebration ay recollection ng pillars ng Senado. Magandang mailahad sa taumbayan ang magkakasabay na komento nila kung paano ikumpara ang dati at kasalukuyang Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
 
Magandang pagkakataon din sana ito para magkaroon ng ‘yard stick’  na magiging sukatan kung paano pa mami-meet ang expectation ng taumbayan lalo na kung ikukumpara ang kalidad ng mga dating senador sa mga kasalukuyang batang senador.
 
Pagkakataon din sana ito para muling gunitain ang mga makasaysayang ratipikasyon at nagawang batas ng Senado mula sa pagpapatalsik sa Base Militar ng Estados Unidos hanggang sa impeachment trial ni Erap at ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
 
Ang centennial dinner ng mga dati at kasalukuyang senador ay hindi dapat natapos lang sa simpleng sosyalan at ‘cocktail’ ng ating mambabatas.
 
Mas makabuluhan ito kung isa-isang inalala ang mga mahahalagang nagawa ng senado — paalalahanan ang mga kasakukuyang senador na panatilihin ang dignidad at integridad ng Mataas na Kapulungan at higit sa lahat, mangyayari ito kung may mamamahayag na pinapunta sa nasabing okasyon at hindi nilimita sa pang-photo ops lamang.
 
Tanong tuloy ng karamihan sa mga veteran newsmen sa Senado, kanino na naman kayang palpak na ideya ito na i-ban ang mga reporter sa napakahalagang okasyon?
 
Kung simpleng committee hearing nga ay nagagawa nyong magimbita kahit minsan ‘late’ na rin ang imbitasyon, ganitong centennial celebration pa kaya?
 
Talagang sarap manabunot ng buhok na kulot!
 
Sana may senador na kumuwestyon sa katarantaduhang ito!
 
Tito Sen, ano ba yang mga bata mo sa PRIB?
 
Pakibalasa nga!