5,631 guests

Sinagip na naman ng Juvenile Justice Law ang mga batang kriminal

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 221

Hala bira!

PUWEDE bang ibahin naman ng mga truck driver ang kanilang katwiran kapag nakakasagasa sila?

Ang karambola ng mga trak sa Nagtahan bridge na ikinamatay ng isang babaing sakay ng kotse ay sanhi ng binabanggit ng driver ng trak ng buhangin na nawalan siya ng preno.

Isipin mo, isang trak  na puno ng buhangin ang karga ng 10-wheeler tapos humahagibis habang palusong sa matarik na Nagtahan Bridge, sino pa ba ang makakaligtas d’yan?

Marami nang mga inosenteng pedestrian, bystanders at mga pasahero ang nabiktima ng mga ganitong klase ng pagmamaneho.

Ang totoo, utak at hindi preno ang nawala sa ganitong klase ng driver na sa maraming pagkakataon ay walang pakialam sa kanilang mga nadadaanan.

Puwede kayang walang piyansa ang ganitong klase ng kaso para madala ang mga kaskaserong truck driver?

* * *
   
Wala bang plano si Senador Kiko Pangilinan na depensahan ang mga kabataang nambato ng bus sa Mindanao Avenue, Quezon City?
   
Gawain na ng mga batang ito ang pambabato ng mga bus matapos suminghot ng rugby or solvent.
   
Salamat sa Barangay officials ng Tandang Sora dahil nadakip nila kinabukasan ang dalawa sa mga may kagagawan sa tulong ng kanilang malinaw na CCTV.
   
Ang good news para kay Kiko, minor age ang isang arestado, 17 years old lang kaya hayun, nasa DSWD na naman at pinaghehele ng kanyang Juvenile Justice Law.
   
Habang balik na sa kalinga ng kanyang pabaya at iresponsableng magulang ang menor de edad, ang mga sugatang pasahero na sumabog ang ulo ay nagpapagaling pa sa ospital.
   
Salamat sa batas ni Kiko, mas marami nang kriminal na menor de edad sa ating bayan!
   
Attention House Speaker Bebot Alvarez, bilisan n’yo na ang pag-amyenda sa Pangilinan Law para mapanagot ang mga batang kriminal na madalas ay sinasagip ng kunsintidor na batas na ito.

* * *
   
Salamat nga pala kina Vic Lima at David Oro na may programang Tandem sa DZMM 630khz tuwing Sabado ng alas-8 hanggang alas-9:30 ng  umaga.
   
Palaging ginagamit nila Vic at David ang People’s Tonight/People’s Journal sa kanilang mga talakayan kapag Sabado na lalong nagpapasigla sa kanilang programa.
   
Kung gusto n’yo ng masaya at break muna sa matensiyon at marahas na mga balita ng buong linggo, tune in kayo sa Tandem kapag Sabado.
   
Mabuhay ang Tandem nina Vic at David, laging magkasama, hindi naman mag-ama.
   
Muchas gracias amigos!

* * *
   
Ang kahabaan ng Edsa mula sa North Avenue, Quezon City hanggang Ortigas ay namumutiktik sa rugby boys.
   
Sana lang aksiyunan na ito nina Mayor Herbert Bautista at  Mayor Guia Gomez bago pa sila masagasaan sa pagpapatintero sa highway.
   
Inspeksiyunin n’yo lang araw-araw ang mga halamanan sa center island at ang ilalim ng mga MRT/flyover, sangkatutak ang mga batang babae at lalaki na tumitira ng rugby at solvent doon.
   
Iyong iba, doon na nagtatalik sa ilalim, sila-sila na rin, tapos kapag na-bad trip, basta na lamang tatawid sa Edsa.
   
Huwag naman natin iasa lahat kay Pangulong Duterte ang paglilinis ng ating bayan, tumulong naman sana ang mga lokal na pamahalaan.
   
Mr. DJ, can I make a request? Baka naman maluwag pa ang bahay nina Senador Kiko at Ate Shawie, pakihatid doon ang mga batang adik na ito kaysa naman naroon sila sa highway at naglalagay sa peligro sa buhay ng mga motorista.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.