5,673 guests

Drug gang leader, alalay nasakote sa Baguio

  • Written by Cesar Reyes
  • Published in Provincial
  • Read: 225

BAGUIO City -- Nasakote ang isang lokal lider ng isang drug syndicate at ang kanyang alalay sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operations ng pinagsanib na anti-narcotics agents ng Philippine Drug Enforcement Agency Cordillera, La Trinidad Municipal Police Station at Baguio City Police Office kamakailan.

Kinilala ang alalay na si Rashid Amito Lazim, alias Alex, 41, may asawa, vendor, tubong Marawi City, at kasalukuyang nakatira sa Buyagan, La Trinidad, Benguet, na nadakip sa nasabing tirahan sa pagbebenta ng tatlong sachets na naglalaman ng shabu, na tumitimbang ng 15 gramo, sa isang PDEA-CAR agent.
   
Nakumpiska rin ang isang mobile phone at ang P30,000 na buy-bust money.
   
Sa follow-up operation kamakalawa, nadakip naman si Abdullah Lumano Mangoranca, ang lider ng local drug group, 33, may asawa, negosyante, tubong Marawi City, at kasalukuyang nakatira sa Central Fairview, Baguio City, na nahuling nagbebenta ng tatlong sachets na naglalaman ng shabu sa nagpanggap na buyer na nagkakahalaga ng P4,000 malapit sa kanyang tirahan.
   
Nakumpiska kay Mangoranca ang buy-bust money at ang karagdagang 12 pang heat-sealed sachets na naglalaman ng shabu na tumitimbang na humigit kumulang sa 42.92 gramo na may street value na P215,673 at kulay brown na sling pouch.
   
Si Mangoranca ay pansamantalang nakakulong sa temporarily detained facility ng PDEA-CAR Regional Office.
   
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong violation of Section 5 (sale of dangerous drugs), Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.