4,851 guests

Matteo, kalaban ng insurance ni Sarah

  • Written by Leo Bukas
  • Published in Showbiz
  • Read: 468

KAHIT magkarelasyon sina Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo ay magkaiba sila ng insurance company na ini-endorse. Si Matteo ang celebrity endorser ng Sun Life kasama sina Piolo Pascual, Judy Ann Santos at Charo Santos. Ibang insurance company naman ang kay Sarah na hindi na lang namin babanggitin.

Ayon kay Matteo, hindi naman isyu kahit magkaiba pa sila ng insurance company na ini-endorse ni Sarah. Pero aminado ang binata na mas magaling daw na endorser ang kanyang girlfriend.
   
Panay naman ang smile ni Matteo kapag tinatanong siya kung para na ba sa future nila ni Sarah ang ginagawa niyang pag-i-invest ngayon. Obviously, si Sarah na talaga ang gustong mapangasawa ni Matteo.
   
Bata pa lang si Matteo ay tinuruan na siyang tatay nia na mag-invest at magpa-halaga sa perang kinikita. Hindi naman daw siya kuripot kundi nasa lugar lang ang paggastos.
   
“Akala lang nila kuripot ako, pero hindi naman,” sabay tawa niya. “Alam ko lang kung saan ko dadalhin ang mga kinikita ko,” dagdag pa niya.
   
Nang tanungin naman si Matteo kung ano’ng feeling na kasama niya sina Piolo, Juday at Charo sa Sun Life company as endorser ang sabi niya, “sobrang flattered ako at natutuwa siyempre.”
   
Hiwa-hiwalay daw kasi ang pagsu-shoot nila ng TV campaign ng Sun Life kaya hindi sila nagkikita-kita. Nagulat na lang daw siya nang lumabas na ang ad campaign na kasama siya ng tatlo.