5,086 guests

Mga pabaya sa office ni VP Leni at sa GSIS!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 416

ALAM ko nang mula’t-mula ay bulaklak lang ng dila ni Vice President Leni Robredo ang pagtulong sa mga sinasabi niyang nasa “laylayan ng lipunan.”

Ang mga kababayan nating biktima ng panloloko ng developer sa Sucat, Parañaque, na humingi ng tulong sa tanggapan ni VP Leni ay hindi man lang pinapasok sa opisina ng Bise Presidente.
   
Ang dahilan, under construction pa raw ang tanggapan ni VP noong magpunta ang grupo ng mga senior citizen sa pa­ngunguna ng isang Mrs. Zoila Manlangit, sabi ng tumanggap ng sulat na si Joma Panesa. Petsang July 18, 2016 nang magpunta ang mga kababayan natin sa VP office sa New Manila na dating Executive House ng Quezon City government.
   
Pero nang balikan ko ang victory party ng office ni Madame Leni, June 30 din pala iyon na, ang nakapasok ay 300 guests.
   
Bakit ang grupo nila Manlangit at ang walong kasama niya ay hindi pinapasok? Kasya ang 300 guests pero walang space para sa siyam na taong mahihirap?
   
Paano sasabihih ni VP Leni na tutulungan niya ang mga nasa laylayan ng lipunan gayong nasa pintuan n’yo na nga hindi n’yo pa pinapasok?
   
Hindi na nga nila tinulungan, ipinasa pa sa Integrated Bar of the Philippines ang problema ng mga tao sa halip na bilang housing czar ay sila ang dapat umasikaso!
   
Puwede ba, tigilan na ang kaartehan ng propaganda at tumulong kayo nang totohanan kung talagang sersoyo kayo d’yan sa Office of the Vice President?
   
Ang isa pang pahirap sa bayan ay ang pangkat din ng pabaya sa GSIS na kung tutuusin ay nagpalaki ng problema ng mga residenteng humingi ng tulong sa atin.
   
Ang ugat ng problema nila, bumili sila ng property sa Topland Realty Development Corporation noong 1990. Naglabas ng certification ang Topland na nabili nila sa GSIS ang lupa na kinatitirikan ng mga bahay nila Manlangit at ng kanyang mga kapitbahay.
   
Sa mga taong 1997, umaabot pa lang sa P85,074.24 ang dapat maging balanse ni Manlangit sa pagkakabili ng 224-square-meter sa San Antonio Village 15.
   
Noong 1998, nagdeklara ng bankruptcy ang Topland pero ang balanse na lamang ni Manlangit ay P37,811.12.
   
Pero ang problema, nadiskubre na nila Manlangit na may problema ang lote dahil peke pala ang certification na ginamit ng Topland para sabihing kanila na ang lupa na nabili sa GSIS. Halos magkakatulad ang kaso ni Manlangit at ng kanyang mga kasamahang dumulog sa OVP at GSIS.
   
Para mas maigsi ang kuwento, lahat pala ng binabayad ng mga residente kasama na ang mga kapitbahay ni Manlangit ay para lamang sa Topland at walang kinalaman ang GSIS dahil nga seller in bad faith naman ang developer.
   
Paulit-ulit sumulat at nagpunta ang mga residente sa GSIS para hilingin na panghimasukan na ang isyu ng kani­lang pagkakabili ng lote sa nanloko sa kanilang developer pero walang ginawa ang ahensiya ng gob­yerno mula pa noong 2006.
   
Ang ending, to date, umabot na umano sa mahigit P2 million ang appraisal ng lote nila Manlangit na kailangan nilang bayaran sa GSIS.
   
Ito ang bad news, noong May 30, 2016, nagpadala ng “notice to vacate within 30 days” ang GSIS sa mga grupo ni Manlangit at kailangan nilang bayaran ang present value para hindi sila palayasin.
   
Pero nang magpunta ang mga residente sa opisina ni Danilo S. Martinez, Officer IV ng Property Administration Department ng GSIS na pinagmulan ng notice to vacate, hindi naman nila ito nakausap dahil sabi ng kanyang staff na si Allan Fernandez ay nasa abroad ang kanyang boss. Bakit Mr. Fernandez, dala ba ni Boss Martinez ang buong opisina ng GSIS at walang puwedeng kumausap sa kanila?
   
Tanong, aabot kaya sa P2 milyon ang valor ng property na ito kung nakipag-usap man lang ang mga taga-GSIS sa mga residente habang nasa panahong nadiskubre nilang naloko sila ng developer?
   
Ibig sabihin, wala talagang planong maglingkod ang ibang tao sa GSIS kaya marami sa ating mga kababayan ang nahihirapang makipagtransaksiyon sa kanila.
   
Saan kukuha ng pera ang mga taong ito gayong nabili nga nila ang property sa presyong mahigit tatlong dekada na ang nakalilipas?
   
At ang kanilang pagiging pabaya, kawalang malasakit at pagiging tiwali ng iba sa kanila ang dahilan kung bakit gusto na silang sabuyan ng kumukulong gasolina ni Pangulong Duterte.
   
Pambihira kayo, mga buyer in good faith ang mga biktimang ito hindi n’yo man lang bigyan ng pansin, Madame Vice President? Kunsabagay, paano n’yo malalaman ang solusyon kung hindi n’yo man lang tinapunan ng kahit konting pagtingin?
   
Kayong mga nasa opisina ni Vice President Robredo at mga taga-GSIS ay makaramdam naman sana kayo ng hiya, tapos na ang tuwid na daan sa kapabayaan at makakapal ang mukha kaya sana naman ay magbagong-buhay na kayo.
   
O, baka naman gusto n’yong makisuyo pa kami kila Secretary Bong Go at Executive Secretary Bingbong Medialdea para sila na ang maghagis ng molotov bomb d’yan upang mauntog kayo sa inyong kapabayaan?

* * *

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..