4,705 guests

Hindi madali ang trabaho ng BoC commissioner

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 377

BAGO ang lahat, nakikiramay tayo sa mga kamag-anak ng mga nasawi sa naganap na pagsabog noong Biyernes ng gabi sa Davao City. 

Maagang paggaling naman ang dasal natin para sa mga nasugatan na karamihan sa kanila ay nasa ospital pa. 

Muli, ang aming taus-pusong pakikiramay.

* * *  

Ang pambobombang naganap sa isang night market sa siyudad ng Davao ay nagpapakita ng bangis ng mga terorista.

Wala silang pakialam kung bata, matanda o babae ang mapapatay nila.
   
Para sa kanila, ang mahalaga ay maipakita sa mundo na handa silang pumatay ng mga inosenteng sibilyan.
   
Ang pagkamatay ng 15 sibilyan at pagkakasugat ng mahigit 70 pang iba ay maliwanag na hamon sa mga otoridad, lalo na kina Pangulong Duterte at PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa, na parehong taga-Davao City.
   
Ang ibig sabihin nito ay hindi sila natatakot sa dalawang lider na nangunguna ngayon sa giyera laban sa iligal na droga at terorismo.
   
Kung hindi sila natatakot na bombahin ang Davao City ay lalong hindi sila mangingiming sumalakay sa iba pang lugar ng bansa.
   
Paghihiganti at panghihiya sa administrasyong Duterte ang motibo ng Abu Sayaff dahil sa tinatamo nilang pagkatalo mula nang ilunsad ng pamahalaan ang all-out  war laban sa kanila ng pwersang militar.
   
Kaya nananawagan tayo sa ating mga kababayan na tulungan nating lahat ang administrasyong Duterte upang mawakasan na ang problema ng bansa laban sa iligal na droga at terorismo.

* * *   

Pagpasok ng pangatlong buwan ng panunungkulan ng administrasyong Duterte noong nakaraang linggo ay ramdam na siguro ni BoC chief Nicanor Faeldon ang pagkakaiba ng “giyera” sa aduana.
   
Hindi kagaya ng nakasanayan niyang giyera nang siya ay nasa Philippine Marines pa, ang giyera sa aduana ay walang baril, bala at kanyon.
   
Dito ang gamit ng mga kalaban ay pera, impluwensiya, pananakot at panloloko.
   
Kaya nga hirap pa rin ang BoC na abutin ang kanilang collection target.
   
Sa tagal na ng kanilang pamamayagpag sa aduana ay na-perfect na yata ng mga mandurugas ang art of cheating the government.
   
Sa isang banda, mahirap din naman ang sobrang higpit. Kailangan hindi masyadong mahigpit dahil baka matakot naman ang mga lehitimong importer na magparating ng inaangkat na produkto. Isang halimbawa ay nang higpitan noong araw ng BoC ang regulasyon sa mga imported na prutas.
   
Ang siste, bagsak ang importasyon, bagsak ang koleksyon at hanggang ngayon patuloy na tumataas ang presyo ng mansanas, ubas at iba pang imported na prutas. Noon, makakabili maging ang mahihirap ng mansanas sa halagang  P20 at ubas na tig-P80/kilo.
   
Dahil nga sa higpit, naniguro na ang mga importer na eksakto lang sa order ang aangkating produkto upang hindi sila malugi. Malaking kalugihan nga naman kapag inabot ng pagkabulok ang mga ini-import nilang prutas.
   
Ang hindi alam ng marami, hindi madali ang trabaho ng isang customs commissioner.
   
Hindi pwede ang sobrang higpit at lalo naman siyempre hindi pwede ang sobrang luwag. Kung baga sa makina ng sasakyan, kailangan ang tamang “tune-up.”
   
Iyan ang reyalidad sa pagiging hepe ng BoC.

Kaya panalangin natin, sana ay gumanda ang dating ng mga importasyon sa mga nalalabing buwan ng taon.
   
Ito ay para lumaki ang revenue collection ng ahensiya.
   
Dapat lang maging listo at alerto ang mga taga-BoC sa pagdagsa ng mga tinatawag na Christmas items.
   
Huwag hayaang makapasok sa bansa ang mga depektibong Christmas lights, mga banned firecracker at pyrotechnic devices.
   
Tama ba, former Commissioner Titus Villanueva?

* * *   

Mabuti naman at na-postpone ang barangay at SK elections.
   
Ang maganda dito, biglang natigil ang bangayan ng mga nagbabalak na tumakbo sana sa nasabing halalan.
   
Tama ang pahayag ni Pangulong Duterte na may nakaambang panganib kung matutuloy ang nasabing eleksyon dahil may giyera ang gobyerno laban sa iligal na droga at terorismo.
   
Sigurado nga namang  gagamitin ng mga walang kaluluwang drug lord at mga terorista ang sitwasyon kung matutuloy ang eleksyon.

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).