4,519 guests

Vigilante group, katuwang sa pagsugpo sa iligal na droga

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 460

On the beat

AMININ man o hindi ng puwersa ng kapulisan, malaking tulong sa kanilang maigting na kampanya laban sa iligal na droga ang nagaganap na extra judicial killings, lalo na ang pag-atake ng mga riding-in-tandem sa mga lugar na talamak ang bentahan at paggamit ng iligal na droga.

Kung tutuusin nga, mas marami ang napapatay na pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga ang mga vigilante group kumpara sa drug personalities na napapatay ng kapulisan.

Sa kasalukuyan, sa dami ng mga napapatay ng naturang grupo sa northern area ng Metro Manila, wala isa man ang lumulutang na kaanak na nagsasabing hindi sangkot o hindi gumagamit ng iligal na droga ang kanilang napapatay na kaanak.

Maliban siyempre sa ilang mga insidente ng pamamaslang na hindi naman gawa ng vigilante group kundi personal na motibo, pulitika o may kaugnayan sa negosyo o trabaho.

Pero sa kabuuan ng halos araw-araw na nangyayaring pagpatay sa area ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) na kagagawan ng hinihinalang vigilante group, halos lahat ay may kaugnayan sa kampanya laban sa iligal na droga.
    
Ito marahil ang dahilan kaya’t relaks na relaks at hindi sineseryoso ng kapulisan ang pagtukoy, pagda­kip at pagsisiyasat kung sino ang mga nasa likod ng araw-araw na nangyayaring pagpatay sa mga sangkot sa iligal na droga.
    
Sa katunayan, mistulang paggawa lang ng spot at progress report ang pinagtutuunan ng mga  imbestigador at tila walang follow-up investigation para matukoy kung sino ang nasa likod ng mga nangyayaring pamamaslang.
    
Sino nga ba naman ang magpupursiging siyasatin pa ang nangyayaring pamamaslang kung nakakatulong naman ang mga ito sa kanilang kampanya laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa pagbebenta at paggamit ng iligal na droga?
    
Kung tutuusin, sa dami ng nangyayaring pamamaslang na iisang estilo lang ang pamamaraan, madali na para sa kapulisan na matukoy kung anong grupo o sino ang nasa likod nito, lalo na’t nagkalat naman ngayon sa bawat lungsod ang mga CCTV camera na posibleng nakahagip sa pangyayari.
    
Ang mabigat pa, puwersahang pinapasok ng grupo ng hinihina­lang vigilante group ang loob ng bahay ng ilang hinihinalang sangkot sa droga at binabaril kahit sa harap ng kanilang anak, asawa o kaanak. Ganyan kapangahas ang pagpatay ng mga grupo at ewan kung saan sila humuhugot ng lakas ng loob para gawin ang mapangahas na hakbang.
    
Sa laki kasi ng problema sa iligal na droga, imposibleng maabot ng kapulisan ang anim na buwang pangako ni Pa­ngulong Duterte na magiging drug free ang bansa kung hindi kukunsintihin ang pagtulong ng vigilante group pero sana, hindi ito maabuso at magamit para naman sa paglikida sa mga taong walang kinalaman sa iligal na droga kundi personal na motibo lang o nabayaran lang para paslangin ang inosenteng mamamayan.

Kamandag ni Rocky
    
Hindi pala umubra ang kamandag nitong isang alyas “Rocky” sa pani­nindigan ni Pasay City police chief Senior Supt. Noli Bathan na tablahin ang koleksiyon sa lahat ng iligal sa lungsod.
    
Ipinangalandakan pa raw ni Rocky ang pangalan ni Southern Police District (SPD) Acting Director Tomas Apolinario para saklawin ang koleksiyon ng mga iligal na sugal, KTV bar, night clubs, red house at iba pang establisimiento sa Pasay City pero tinabla pala ito ng hepe ng pulisya.
    
Sa madaling salita, hindi pinanindigan ng balahibo si Col. Bathan sa kamandag ni Rocky dahil hindi pinahintulutan ng naturang opisyal na kumolekta ang huli sa nasasakupan niyang lungsod.
 
Problemado raw ngayon si Rocky kung paano mapupunan ang pangakong biyaya sa mga taong kanyang pinangakuan lalo na’t nasulot pala niyang muli ang puwesto sa tulong daw ng isang alyas Trajano.

Text ng readers
   
Talamak pa rin daw ang iligal na droga sa Mercedes Home 3 sa Biñan, Laguna na kinukunsinti ng barangay chairman at mga kagawad. Sana raw ay aksiyunan ito ng kapulisan.
 
Sa text naman ng isang reader, hindi raw natigil ang bentahan at paggamit ng droga sa Misamis Oriental sa Lapasan, Tagoloan, Bugo, Puerto, Balingasag. Tikom daw ang bibig ng alkal­de, ex-mayor, kapitan at kagawad ng barangay, pati chief of police. Sa Cagayan De Oro lang daw nakatuon ang kapulisan at napapabayaan ang Misamis Oriental.

* * *
   
Sa mga puna, reaksiyon at suhestiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0915-6492023.