4,564 guests

Negatibo!

  • Written by Leo Bukas
  • Published in Showbiz
  • Read: 665

Enrique, Diego, Jake at 40 Star Magic artists, nagpa-drug test

NAGPA-DRUG test nu’ng Sabado (Aug. 27) ang ilang Kapamilya actors na diumano’y kasama sa listahan ng drug users ng PNP.  Boluntaryong nagpunta sa isang clinic sina Enrique Gil, Jake Cuenca at Diego Loyzaga para sumailalim sa drug test.

Nauna nang sinabi noon ni PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa  na may hawak silang listahan ng mga artistang talamak sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at papangalanan nila ang mga ito sa mga susunod na araw.   Bago pa ang takdang araw at kahit hindi naman direktang pinangalanan sina Enrique, Jake at Diego, minabuti na nilang magpa-drug test.
   
Base sa resulta ng drug test, lumabas na negatibo sina Enrique, Diego at Jake. Ibig sabihin, walang nakitang kahit anong illegal drug substance sa kanilang katawan.
   
“Clear naman! And ’yung initiatives na sila pa mismo ang magpa-drug test para malinis din ’yung pangalan nila, that is really a good sign na drug-free rin talaga sila,” sabi pa ng aming source.
   
Sa isang radio program, direktang isinangkot ng diumano’y “pusher” na ininterbyu ang pangalan ni Quen (Enrique) na  isa raw “user.” Hindi na nagpaliwanag si Enrique tungkol dito. Ang resulta marahil ng kanyang drug test ang patunay na  hindi siya involved sa droga.
   
“Bago pa lumabas ’yang sinasabing listahan na ’yan ng mga artistang drug user, gusto na talagang magpa-drug test ng ibang Kapamilya actors. Naging busy lang si Enrique sa Dolce Amore kaya hindi niya ito agad nagawa,” sabi pa ng aming source.
   
Ayon naman sa  statement na ipinadala ng Star Magic sa amin kahapon, halos 40 sa kanilang contract stars ang sumailalim na sa boluntaryong drug testing.
   
“Star Magic has just conducted a supervised and voluntary drug test for 40 of its artists to belay rumors of drug use in its community. Results were 100% negative for Jake Cuenca, Enrique Gil,  Diego Loyzaga and the rest of Star Magic artists.
   
“Star Magic believes in the efforts of the current campaign to keep our homes and working environments drug free,” bahagi ng kanilang official statement.
   
Dahil sa resulta ng drug test, hindi na pagdududahan ngayon sina Enrique, Diego at Jake na sila ay mga “user.” Hindi na rin sila kaagad huhusgahan ng mga tao na kadalasan ay nami-misinterpret ang kanilang mga ikinikilos.
   
Samantala, hindi naman ipinadala sa amin ang listahan ng mga pangalan na kabilang do’n sa 40 Star Magic artists na boluntaryo ring nagpa-drug test. Pero aalamin din namin kung sinu-sino ba sila.