6,320 guests

Shabu pinadala sa LBC, nabuking!

  • Written by Jeffrey C. Tiangco
  • Published in Metro
  • Read: 328

DALAWANG babae ang naaresto dahil umano sa tangkang pagpapadala sa isang lalaki ng 20 gramo ng shabu na nakatago sa mga de latang pagkain sa pamamagitan ng LBC sa Muntinlupa City.

Sinabi ng pulisya na ang mga suspek na kinilalang sina  Sally Gunoon at Jessica Braganza, pawang  residente ng  Muntinlupa, ay inaresto kamakalawa nang ituro ni Avias Escano, alias Nognog, sa mga pulis ang bahay ng mga suspek.
   
Sa ginawang imbestigasyon, nabatid na inaresto ng mga pulis si Escano nang ang mga tauhan ng  LBC sa Bgy. Bayanan ay humingi ng tulong sa pulisya.
   
Sinabi ng mga tauhan ng LBC na nakakita sila ng apat na sachet na may  limang gramo na hinihinalang shabu na isinama sa pakete ng canned goods na gustong ipadala ni Escano sa Davao Del Norte.
   
Si Escano, na walang kamalay-malay ukol sa iligal na droga sa pakete, ay sinamahan ang mga pulis  sa bahay ng mga suspek na nag-utos sa kanya na dalhin ang pakete sa LBC.
   
Tumangging kilalanin ng pulisya kung sino ang tatanggap ng pakete upang ’di mabulilyaso ang gagawing follow-up operation.
   
Ang mga suspek ay kinasahan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.