4,247 guests

‘Delicadeza’ naman, Atorni

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 448

NAGING matagumpay ang ginanap na ‘4th NPC Racing Festival’ noong Linggo sa Metro Manila Turf Club Racetrack sa Malvar, Batangas. Layunin ng proyektong ito na makakalap ng pondo para sa tuluy-tuloy na pag-aaral ng mga anak ng mamamahayag na ang edukasyon sa kolehiyo ay patuloy na sinusuportahan ng NPC sa halos 10 taon na ngayon.

At muli, pinasasalamatan natin ang pamunuan ng MMTCI sa pangu­nguna ni Chairman, Dr. Norberto Quisumbing, sa kanyang walang sawang pagtulong sa NPC sa ‘fund raising activities’ nito sa mga nakaraang taon.

Siyempre, kredito rin kay NPC lifetime member, Andy Sevilla, ang marketing/advertising boss ng MMTCI, sa kanyang suporta at sa kanyang ginawang mga ‘television spots’ para sa ating pa­karera na nakatulong nang malaki upang ipaliwanag sa publiko at sa “Bayang Karerista” ang mga ginagawang aktibidades at mga proyekto ng NPC para sa ating mga mamamahyag.
    
Kudos din siyempre, kay NPC lifetime member Jun Alano na ‘adviser’ pala ngayon ni Chairman Quisumbing.
    
At salamat ulit, chairman, sa “donasyon” ng MMTCI na panibagong motorsiklo para sa NPC.
    
Sa ‘3rd edition’ ng NPC Racing Festival noong isang taon kung saan ang inyong lingkod din ang ‘project director,’ motorsiklo rin ang “iniregalo” ni Chairman Quisumbing sa NPC.
    
Sabihin, malaking tulong ito sa ating samahan.
    
Sa lahat ng mga sumuporta -- PHILRACOM, PCSO, PHILTOBO, FFCCCII, VM Maca Asistio, at iba pang mga kaibigan ng NPC na ayaw nang magpabanggit ng pangalan, isa na lang ang masasabi ko: Hanggang sa susunod hane, hehehe! Salamat!
    
Habang “abala” naman ang inyong lingkod at iba pang mga opisyales ng NPC dahil nga sa karera sa Metro Turf, ang “malungkot” na balitang natanggap natin ay kasama pala ang NPC building sa mga “sina­lanta” ng “buhawi” na tumama sa Maynila at Quezon City noon ding araw ng Linggo.
 
Translation? Eh, panibagong ‘fund-raising activity’ na naman ang kailangang gawin ng NPC para pondohan ang pagpapaayos ng ating gusali. ‘Yun lang, aguy, aguy, aguy!

* * *   

Nagulat tayo sa balita, mga kabayan, na isang notoryus, agh, isang hindi naman kagalingan na abugado mula sa Bureau of Customs (BoC) ang aplikante pala ngayon sa isang mataas na posisyon sa National Food Authority (NFA).
    
Susme naman! Hindi ba ‘ma-gets’ nitong mga katulad ni ‘Atorni B’ (as in ‘’Bukol’) ang ‘campaign promise’ ni Pang. Rody na ‘change is coming?’
    
Na sa “pagbabago” na gustong mangyari ni Pres. Rody sa ating pamahalaan, “hindi kasama” dito ’yung mga may “malalansang” reputasyon?
    
Eh, “sino” naman kaya ang ‘backer’ sa “Palasyo ni Digong” nitong si Atorni at malakas ang loob na mag-apply sa NFA? Kung sino ka man, “mahiya” ka naman sa ating presidente, bosing!
    
Dangan kasi, kung si dating BoC Deputy Commissioner for Intelligence Jessie Dellosa ang tatanungin, naniniwala tayong ang dapat sa mga aplikante na katulad ni Atorni B ay ’andun sa NBI o kaya ay sa CIDG at iniimbestigahan sa mga akusasyon ng ‘extortion’ at pagbibigay proteksyon sa mga smuggler d’yan sa pantalan.
    
Aber, tanda pa natin na marinig pa lang ni DCI Jessie ang pangalan nitong si Atorni B, aba’y “wasak,” as in, “sira” na agad ang kanyang araw matapos mabisto na ito palang damuhong ito ang isa sa mga “nagyayabang” na ‘bagman’ ng IG!
    
At kung may ‘dossier’ ang Palasyo hinggil sa lawak ng mga “koneksyon” nitong sina Davidson Bangayan, a.k.a. ‘David Tan’ at alias ‘J Teves’ sa Aduana, aba’y naniniwala tayong imposibleng hindi nakasulat doon ang pangalan nitong si Atorni -- kasama na ang pangalan ng isang mataas na opisyal ngayon ng ahensiya.
    
Hmmn. Hindi naman kaya “naiinggit” itong si Atorni sa kanyang mga kasamahan (na nabisto lahat ng IG ang mga gawaing tiwali) na “balita” sa Aduana ay “kinakalinga” pa rin hanggang ngayon ng mga bagong opisyales ng BoC na ipinuwesto naman ni Pres. Rody sa pag-asang “seryoso” nilang lilinisin sa katiwalian ang ahensiya.
    
(’Yan ang akala mo, Mr. President, hehehe, ayy, huhuhu!)
    
’Yun bang… dahil masyado na siyang “sikat” sa Aduana at “mahihirapan” nang makakuha pa ng ‘juicy position’ doon kaya ito namang NFA ang kanyang “puntirya?”
    
Oh well. Harinawang “mahimasmasan” ang Palasyo sa aplikanteng ito dahil “insulto” ito sa palaging sinasabi ni Pres. Rody na “bawal” ang mga tiwali sa kanyang gobyerno.
 
At kaunting ‘delicadeza’ naman po, Atorni. “Namayagpag” ka na sa BoC.
    
Bigyan naman natin ngayon ng pagkakataon ang tunay na pagbabago sa ating gobyerno. Period!