5,289 guests

2 workers nagduelo sa martilyo, itak

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 237

TINAPOS sa dahas ng dalawang construction workers and kanilang matagal ng alitan nang magduwelo gamit ng isa ang itak habang martilyo naman ang sa kaaway kahapon ng ha-tinggabi sa Malabon City.

Nakaupo sa harap ng isang tindahan malapit sa kanilang bahay ang biktimang si Romeo de Pablo, 50, ng 40-G Orchids St., Bgy. Longos, matapos ang pag-inom ng alak nang dumating ang lasing na ring si Roel Pampanga, 43, ng 74 Orchids St. dakong alas-12:30 ng hatinggabi na armado ng itak.
    
Bigla umanong pinagtataga ni Pampanga ang biktima na bagama’t sugatan ay nagawa pa ring makatakbo sa loob ng kanilang bahay at makadampot ng martilyo na siyang ginamit naman para paluin sa ulo ang kaaway.
    
Nang matiyak na hindi siya tatantanan ng kaaway, kaagad na nagtatakbong palayo si Pampanga habang isinugod naman ng kanyang mga kaanak sa Tondo Medical Center si De Pablo upang malapatan ng lunas ang mga tinamong taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
    
Nadakip naman sa ginawang follow-up operation ng pulisya si Pampanga matapos magpagamot din ng tinamong sugat sa ulo sa Pagamutang Bayan ng Malabon.
 
Napag-alaman sa imbestigasyon ni PO2 Benjamin Sy na matagal ng may alitan ang magkapitbahay at palaging nagtatalo sa tuwing malalasing.