5,068 guests

Ex-konsehal patay sa ambush

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 583

PATAY ang isang dating konsehal ng Malabon City at sugatan ang tatlo nitong kaibigan nang pagbabarilin ng isa sa mga armadong riding in tandem habang masayang nag-iinuman ang mga biktima kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.

Dead on the spot ang biktimang si Eddie Nolasco, 61, siyam na taon naging konsehal ng nasabing lungsod at residente ng #54 Mangusta St., Brgy., Potrero, sanhi ng mga tinamo nitong mga tama ng bala sa kanyang katawan.
   
Ginagamot naman sa Manila Central University Hospital sina Servando Sotto, 56, retiradong fireman ng 4-F, Rivera St., sanhi ng tama ng bala sa kaliwang kamay at paa at si Fernado Tongco, 63 ng #10 Rivera St., sanhi ng tinamong tama ng bala sa likuran habang sa Jose Reyes Memorial Medical Center naman ginagamot si Michael Servando, 38, ng #136 Brgy. Hulong Duhat sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa kanan at sa kaliwang braso.
   
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang tunay na motibo at ang pagkakilanlan ng mga suspect.
   
Sa ulat ng Malabon City Police, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa harapan ng bahay sa # 4 Rivera Street ng nasabing barangay.
   
Dumalo si Nolasco sa birthday party ng kanyang kaibigan na si Erlinda San Mateo sa nasabing lugar at habang nakikipag-inuman ito sa kanyang mga kaibigan ay bigla na lamang dumating ang hindi kilalang mga suspect na sakay ng motorsiklong hindi nakuha ang plaka at kapwa naka-helmet.
   
Bumaba ang nakaangkas sabay bumunot ng hindi mabatid na kalibre ng baril at walang sabi-sabing pinagbabaril si Nolasco na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan habang mabilis na tumakbo ang gunman at sumakay sa naghihintay na motorsiklong minamaneho ng kasama nito sabay harurot ng motorsiklo papalayo.
   
Anim na basyo ng bala ng baril ang narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente habang nabatid naman na kapwa kasalukuyang nasa serbisyo ng pamahalaan ang dalawang anak ng nasawi na sina si Edward Nolasco, konsehal sa district 2 ng lungsod habang chairwoman naman ng Brgy. Potrero ang kapatid nitong si Shirley Nolasco.