6,293 guests

Si ‘Mr. Mafiosi’ ng DILG at ‘intriga’ sa BI

  • Written by Paul Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 335

Paul's Alarm

BAGO ang lahat, ipinapaabot natin sa lahat na tuloy bukas, Agosto 14, ang ‘4th NPC Racing Festival’ na gaganapin sa Metro Manila Turf Club Racetrack sa Malvar, Batangas.

Ang perang malilikom natin dito ay gagamitin natin upang patuloy na pondohan ang ating mga proyekto, partikular na ang ‘scholarship assistance program’ ng NPC para sa mga anak ng mga mamamahayag, isang proyekto na ating ipinatutupad halos isang dekada na ngayon.

May ‘coaster’ para sa mga kasapi ng NPC sa kagandahang-loob ng Metro Turf sa pangugnuna ni Chairman Dr. Norberto Quisumbing at NPC lifetime member, Andy Sevilla na aalis sa NPC compound alas-10:30 ng umaga. Magkita-kita tayo mga “kapatid” at ‘Bayang Karerista.’ Ayos!!!

* * *

“Pinag-iingat” ng mga empleyado ng DILG at ilang mga “nagmamalasakit” na “kabaro” natin sa media, si SILG Mike Sueño.

Hindi tayo nagtataka sa bagay na ito dahil agad nilang nakita ang “tunay” na liderato at pagbabago sa DILG nang maitalaga ni Pres. Rody si Sec. Mike.
    
Pag-upo sa puwesto ng kalihim, nagsumbong kaagad sa kanya ang mga ordinaryong empleyado ng DILG tungkol sa malalang nangyari na katiwalian at korapsyon noong nagdaang administrasyon.
    
Subalit, sadyang mabait ang bagong bosing ng DILG. Sa halip na “sibak” kaliwa’t kanan sa mga opisyales at empleyado na may kuwestyon sa serbisyo, hindi niya muna inalis ang mga ito.
    
Kumbaga, ayaw ni Sec. Mike na maging ‘judgemental’ o “mapanghusga” sa kanyang kapwa.
    
’Yun nga lang, napansin ng ating mga kaibigan sa DILG na dahil sa kanyang magandang asal, tila “nakakalusot” sa kanyang atensyon ang umano’y “malansang rekord” nitong isang DILG undersecretary na kung tawagin ng mga empleyado ay si ‘Mr. Mafiosi.’
    
Mga taga-DILG ang nagbansag mismo sa opisyal na ito dahil “talo” pa niya umano ang estilo ng MAFIA sa Italya. Kumbaga, magaling siyang “kumamada” kung paano palalakasin ang kanyang “emperyo” sa loob ng DILG.
    
Ayon sa mga miron, “inuna” ni ‘Usec. Mafiosi’ na bigyan ng ‘plantilla position’ ang mga dapat ay ‘co-terminus’ lang ng mga isinalpak ni PNoy at Mar Roxas sa departamento.
    
Nang maupo na ang kanyang piling tauhan at kumampi na ang maraming opisyal sa kanya dahil sa sobrang takot at “bilib” dahil nga nakikita nilang “bow” dito kahit ang mga naging kalihim ng DILG sa panahon ni PNoy, nabuo na ang kanyang “sindikato” na binansagan din na ‘Unholy Trinity.’
    
Paano raw kaya mabubungkal ni Sec. Mike ang operasyon ng sabwatang ito?
    
Aber, unahin daw muna ang mga record ng “BUB” (bottoms up budgeting) na bilyones ang pondo. Isama na rin umano ang nadugas, agh, “nawawalang” P7.2 bilyon pondo ng DILG.
    
At dahil “natatakot” si Mr. Mafiosi na mabisto ang kanyang mga paikot at palundag sa bagong DILG secretary, “pinalutang” umano ang “multo” ng ‘death threat’ kay Sec. Mike kung kaya nagawa nitong “kontrolin” ang mga taong gustong lumapit at makipag-usap kay SILG.
    
Kumbaga, ‘na-cordon sanitaire’ na si Sec. Mike ng wala siyang kaalam-alam.
 
Kailangan umanong “higpitan” ng grupo ni Usec. Mafiosi si Sec. Mike dahil halos “mapaihi” sa pantalon ang mga ito sa mga pagkakataon na hindi nila ‘namu-monitor’ ang kanyang mga lakad at mga taong kausap.
    
Eh, paano nga naman kung ang isinusumbong na pala ay ang kanilang mga naging kabuktutan sa DILG? “Tapos kang bata ka!”
 
Mensahe naman kay Sec. Mike ng mga matitinong opisyal at empleyado ng DILG, kasama na ang mga kasapi ng media na bistado ang mga nangyayari sa departamento: “Kasama mo kami Secretary MAENG sa paglilinis mo diyan sa DILG.
   
Naghihintay ang mga empleyado at opisyal mo. Imbestigahan mo agad si Usec. Mafiosi at ang ‘Unholy Trinity’ sa loob ng DILG.”
   
Sa ganang atin naman, eh, di… abangan ang susunod na kabanata!

* * *
   
Hindi na rin tayo nagtataka, mga kabayan, kung bakit “target” na rin ng mga intriga, tsismis at mga ‘black propaganda’ sina Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente at ang kanyang mistah sa PMA ‘Dimalupig’ Class of 1981, si BI chief intel, Charles Calima.
    
At “pinakabago” sa mga intrigang ito ay ang “pinakagasgas” namang estilo sa lahat -- na mayroon silang mga ‘bagman’ na “nag-iikot” ngayon sa buong kapuluan upang “mangikil” sa mga may transaksyon sa BI.
    
Bagaman hindi ko personal na kilala si Comm. Morente, alam natin isa siyang disente at may prinsipyong tao.
    
Aber, “minalas” pa nga si Comm. Morente sa huling taon niya sa PNP at “natapon” sa kangkungan dahil “kinontra” niya umano ang “gustong mangyari” noon ni SILG Mar Roxas na bigyan ng sensitibong posisyon sa ating pambansang pulisya ang isa niyang tuta, ayy, “bata” bagaman wala itong kuwalipikasyon.
    
Dating miyembro si Comm. Morente ng SOPPB (Senior Officers Placement and Promotions Board) ng PNP at dahil hindi siya pumayag sa kapritso, ehek, gustong mangyari noon ni Sec. Mar, ayun, “itinapon” sa Mindanao, aguy, aguy, aguy!
    
Nagretiro naman bilang “DI” (director for intelligence) si Charles (2-star general) sa PNP bagaman nga tatlong “bolitas” pa lang (colonel) ang nakabalagbag sa kanyang balikat ay personal na nating kilala ang kanyang integridad at propesyunalismo.
    
“Dagdag-patunay,” DOJ Sec. Vitaliano Aguirre na “matitino” itong sina Comm. Morente at Charles ay ang katotohanan na nagretiro sila sa PNP na mga “simpleng tao” pa rin -- at hindi mga milyonaryo.
    
Kumbaga, hindi sila naging magnanakaw sa panahon nila sa PNP -- na hindi puwedeng sabihin sa mga naging kasabay nila sa serbisyo.
    
At ngayon, “ipinagkakalat” na mayroon silang mga ‘bagman?’ Aber, hindi ba malinaw na paninirang-puri lang ito, Sec. Aguirre?
    
Sa “talaksan” ng mga taong nakakakilala dito kina Comm. Morente at Charles, alam nilang “mas importante” sa dalawang ito ang kanilang mga dangal at malinis na pangalan ng paglilingkod sa bayan.
    
Aber, hindi lang “bobo,” bagkus, “gago” pa, Sec. Aguirre, ang maniniwala sa intrigang ito laban sa kanila.
    
‘Friendly advice’ pa, Sec. Aguirre: Huwag ka sanang maniwala sa mga taong “nagmamalasakit” umano sa iyo at sa BI; malay mo, may ‘vested interest’ pala at ‘polluted source’ ang mga nagbibigay sa iyo ng “dero.” Abangan din, dear readers, ang susunod na kabanata.