4,463 guests

Comelec binasura poll protest ni Recom

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Top Stories
  • Read: 396

IBINASURA ng Commission on Elections (Comelec) ang protesta ni dating Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri laban sa pagkapanalo sa halalan ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan dahil sa “insufficiency in form and content” o kakulangan sa porma at laman ng naturang reklamo.

Sa desisyon na nilagdaan kahapon ng 1st Division Presiding Commissioner Christian Robert S. Lim at nina Commissioners Luiz Tito F. Guia at Ma. Rowena Amelia V. Guanzon, hindi binanggit sa protesta ni Echiverri ang mga kinu­kwestiyong mga presinto at ang bilang ng mga boto na inirereklamo.
   
Matatandaan na landslide ang pagkapanalo sa halalan ng pagka-mayor ni Mayor Malapitan o mahigit 300,000 votes laban sa mahigit 160,000 votes ni Echiverri, o may inilamang si Malapitan ng mahigit 130,000 votes.
   
Naghain naman ng protesta sa Comelec si Echiverri noong July 25, 2016 na nagsabing dinaya umano siya sa lahat ng presinto at balota  sa buong Caloocan City.
   
May 4,312 ang pre­sinto sa Caloocan o 963 clustered precincts.
   
Hiniling ni Echiverri sa Comelec na maging liberal sana ito sa kanilang interpretasyon ng mga alituntunin sa pagsasampa ng reklamo.
   
Ayon sa desisyon ng pagbasura sa reklamo ni Echiverri, walang umanong masabing paliwanag ang nagprotesta kung bakit “ampaw” ang isinampang reklamo, at ang paghiling ng “li­beralismo” nito ay hindi maaaring gawing pangtakip sa anumang pagkakamali, kapabayaan at kawalan ng kaalaman sa batas.
   
“Dahil sa walang laman ang election protest, lalung-lalo na sa mga botong inirereklamo sa bawat presinto, ang kawalan ng detalye ng mga paratang na iregularidad, pandaraya o anomalya, at ang kawalan ng paliwanag kung bakit wala lahat ang impormasyong ito, “the instant election protest is hereby DISMISSED...,” ayon pa sa desisyon ng Comelec 1st Division.
   
Ikinatuwa naman ito ni Mayor Malapitan at nagsabing “napakaliwanag naman ang naging desisyon ng mga taga-Caloocan, na ipinakita ng milya-milya kong kalamangan sa boto. Mabuti naman at nakita ng Comelec na walang laman ang protesta at ang hinala ko ay isinampa ito ng aking kalaban para hindi siya masyadong mapahiya. Kumbaga sa boxing, kahit knock-out na, ipakita mong sumusuntok ka pa.”