6,736 guests

Huwag sayangin ang ibinigay na pagkakataon ni Faeldon

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 337

MUKHANG tuloy na ang barangay at SK elections sa Oktubre 31.

Ito ay pagkatapos na paboran ni Pangulong Duterte ang Con-Ass kaysa Con-Con.

Ang pagbabagong isip ni Duterte ay nakadismaya sa mga grupong nagmumungkahing ipagpaliban ang barangay at SK elections.
   
Ang gusto nila’y isabay sana sa 2018 ang dalawang halalan sa eleksiyon ng Con-Con delegates.
   
Dahil non-partisan ang barangay at SK elections, hindi dapat makialam ang mga politiko sa political exercise na ito.
   
At dapat walang mangyaring bilihan ng boto.
   
Dapat mismong si Pangulong Duterte ang mag-isyu ng babala sa mga nagbabalak mamili ng boto.
   
May dating sa taumbayan kapag si Duterte ang magbibigay ng warning.
   
Hindi gagawa ng mabuti ang mga bibili ng boto kapag sila’y nasa puwesto.
   
Gagawa sila ng katarantaduhan para lang mabawi ang perang ipinambili ng boto.
   
Sa totoo lang, vote-buying ang isa sa  dahilan kung bakit hindi mawala-wala ang korapsiyon at katiwalian sa gobyerno.
   
Hindi ba, Comelec Chairman Andy Bautista?

* * *   

Ang mga pagbabagong isinusulong ng administrasyong Duterte ay naglalayong mapaganda ang serbisyo publiko.
   
Kaya dapat suportahan ng publiko ang ginagawa ng administrasyon para matigil ang katiwalian at red tape sa gobyerno.
   
Sa aduana, kamakailan ay kinausap ni Commissioner Nicanor Faeldon ang mga tauhan niyang pinagsususpetsahang tiwali.
   
Mabuti nga at kinausap lang ni Faeldon ang mga opisyal at empleyadong ito.
   
Alam naman natin na sa ibang opisina ay inililipat kaagad sa ibang puwesto o itinatapon sila sa kangkungan.
   
Ito ay para hindi na sila makapinsala sa transacting public.
   
Noon ngang nakaraang administrasyon ay maraming matataas na opisyal ng BoC ang basta na lang  inilipat sa Department of Finance.
   
May mga kwento-kwento nga na wala yatang lamesa at pulos upuan ang pinaglipatang  opisina.
   
Mabait pa nga si Faeldon at kinausap pa ang mga kawaning ito.
   
Kung baga, binibigyan pa niya ng pagkakataong magbago ang mga lingkod-bayan na ito.
   
Kaya, mga kaibigan, huwag niyong sayangin ang pagkakataong ibinigay sa inyo ni Comm. Nick.

* * *    

Kita na ang tagumpay ng kampanya laban sa iligal na droga.
   
Ang kailangan na lang ay i-sustain ang anti-drug operations sa buong bansa.
   
Ngayon naman ay isunod nang pagtuunan ng pansin ni Pangulong Duterte ang pagtulong sa taumbayan, lalo na ang mahihirap.
   
Panahon na para ibaba ang presyo ng mga bilihin, katulad ng pagkain, gamot at produktong petrolyo.
   
Kung hindi bababa ang presyo ng mga ito ay siguradong sasabihin ng mamamayan na wala rin palang pagkakaiba ang administrasyong Duterte sa gobyerno ni Noynoy Aquino.
   
Huwag sanang kalimutan ni Presidente Duterte na kaya siya ibinoto ng taumbayan dahil gusto na nilang makawala sa kahirapan.
   
Dapat may mga libreng gamot na sa mga ospital at clinic na pagmamay-ari ng gobyerno.
   
Alam naman ng publiko na may pondong pambili ng gamot para sa mga pampublikong medical institutions.
   
Takot na ang mga drug pusher.
   
Dapat matakot na rin ang mga profiteer, hoarder at iba pang walang pusong negosyante para bumaba na ang presyo ng mga bilihin.

MGA REKLAMO

AT REAKSYON
   
Sana huwag kalimutan ni Pangulong Duterte ang pangako niyang dagdag pensyon ng mga senior citizen.-FB RUBIO ng QC.
   
Sana maalala ni Pres. Duterte ang DUTERTE clan dito sa Luzon. -ROGELIO B. DUTERTE ng Sta. Cruz, Tarlac.
   
Pres. Duterte, sana aksyunan niyo rin ang Cyber Net Cafe dito sa tapat ng Signal Village Elem. School. Maraming bata ang nalululong sa paglalaro ng computer. Kawawa naman ang mga bata at magulang nila. -MB ng Signal Village, Taguig City.
   
Salamat sa text nina BUDDY TAGUBA ng Montalban, ROMY E. ng San Fernando, Pampanga, KIT PARAS ng Manila, GLEN EDRALIN ng Manila, JOEL SANTOS ng QC, GINA FERNANDO ng Mandaluyong, CHYNNA A. ng Bataan, DAN OBRERO ng Las Piñas, EFREN RONQUILLO ng CSJDM, Bulacan; at NELIA SANTIAGO ng Bulacan.
   
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).