6,190 guests

Quiet night, quiet stars

  • Written by Ike C. Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 436

Postmortem

NOONG 1992 ang kauna-unahan kong bisita sa Aparri, sa paanyaya ng isang matalik na hi-school classmate na ngayon ay nagmamayari ng dalawang hotel, isang bus transport at isang white sand beach sa lalawigan.

Siya ay si Crispin, tubong San Pablo, Laguna. Magkaeskwela kami mula elementarya hanggang hi-school. Hanggang kami nagkahiwalay -- at ’di nakapag-ugnayan -- nang halos tatlong dekada.

Higit pa sa magkapatid ang aming turingan. Nagiisa siyang anak ng sapatero at ang kanyang ina ay isang labandera. Kagaya namin, isang kahig, isang tuka ang aming buhay.

Halos ’di magkahiwalay ang aming yakapan nu’ng sinalubong niya ako sa airport. Nababasa ko ang mga maikling kwentong sinusulat mo sa isang pahayagan. Nahulaan ko na magiging mamamahayag ka. Nagtanung-tanong ako hanggang matunton kita. Magiliw niyang wika, habang hinahaplos ang aking dalawang palad. Talagang nagkasabikan kami sa isa’t isa.

Isang modernong kotse ang sinakyan namin patungo sa kanyang hotel. Dito namin tinuloy ang pananabik na kwentuhan. Magaalas-dos ng umaga nagyakag siya sa kanyang beach.
   
Maliwanag ang kala­ngitan. Ni isang ulap wala. Tahimik.
   
Nagpagawa siya ng isang kahoy na bonfire. Mahina ang daloy ng alon. Subalit ang lamig ng hangin ay nanunuot sa laman at buto.
   
Paraiso ng kalikasan ang Aparri. Inalagaan, ’di pinuksa. ’Di ko ipagpapalit ang Aparri sa ibang lugar sa mundo. Pasimula niya.
   
Tinitigan ko ang kanyang mukha. Tila may bumubulwak ng ibayong kaligayahan. Naruon pa rin ang kanyang nunal sa tabi ng ilong. At sa likod, nanlalagas na manipis niyang buhok.
   
’Di pa ako makapaniwala na si Crispin ang kausap ko. Napakatagal nang panahon. Binasbasan siya ng ibayong biyaya ng magandang kapalaran.
   
Sa isang iglap naalaala ko ang lagi namin pagsasalo ng sandwich, ice cream sa recess sa es­kwela. Kung papaano kami naghihiraman ng aklat, notebook at lapis. Kung papaano namin lalabhan sa gabi ang uniporme sa hi-school para isuot muli sa umaga. ’Di mawari ang hirap naming dinanas.
   
Kahit nagbago na ang estado ng buhay niya, ’di nagbago ang malumanay niyang pagsasalita, ang madalas pagpakumbaba. Palagay siya ang pinakamayamang negosyante sa lalawigan.
   
Napadako saglit ang paningin ko sa bonfire. Lalong nagliliyab ito. Ka­tulad ng naging pagliliyab ng ambisyon at pagsusumikap ni Crispin.

* * *

SAMUT-SAMOT
   
Noong ako’y nasa elementarya, pinakamimithi ko ay maging boy scout. Ngunit dahil sa pagdarahop ng aking magulang ’di natupad.
   
Iba ang imahe ng boy scout movement nuon. Aktibo sa mga civic work at nagdaragdag ng kaalaman ng wastong asal sa mga kasapi.
   
Ewan kung ano na ang nangyari ngayon sa Boy Scout Movement. ’Di idinaraos na jamboree ay ’di na nariringgan.
   
Nadawit pa sa isang kontrobersiya kamakailan dahil sa isang malaking pulitika.

* * *
   
Nakatulong nang konti sa labis na init ang pag-ulan kahapon. Nagpalamig din ito ng init ng nakaraang halalan. Sana’y tuluy-tuloy na ang tag-ulan.
   
Ngunit problema ay baha at trapik. Balik tayo sa mga dating pang-araw-araw na problema. Masusubukan ang galing ni Duterte.

* * *
   
Tinanggap ng educational sector ang appointment ni Peter Laurel, Pa­ngulo ng Lyceum Calamba at Batangas bilang Dept. Ed. Secretary. Very qualified si Peter. Ama niya si dating educator at senador Sotero Laurel.
   
Mahigit dalawang dekada ako nagtrabaho sa mga Laurel. Kahulihulihan kay dating VP Doy Laurel.
   
Matalino, mabait at makabayang angkan. Si Doy ay isa sa pinakamagaling na VP.

* * *
   
Biktima muli ako ng pagkabagot mga nakaraang araw. Wala akong interes sa datihan kong ginagawa. Blood pressure at blood glucose ay ayos naman.
   
Dumarating ang ganitong sitwasyon sa mga tumatanda. Baka dahil sa hormonal change.

* * *
   
Ang takbo ng justice sa ating bansa ay mabagal pa sa pagong. Inaabot ng dekada bago madesisyunan ang maraming kaso. Katulad ng Maguindanao Massacre na ikinamatay ng 74 na kabaro natin sa propesyon.
   
Dapat bigyan din ito ng masusing pansin. Ito ang isa sa mga dahilan kaya lumalala ang krimen. Walang “certainty of punishment” dahil sa bagal ng takbo ng hustisya.

* * *
   
Nangungulila pa kami kay Aling Nora, 25 taon namin kasambahay. Nagpaalam para magpahinga noong 2013. Hanggang ngayon tuluyang ’di na kami nagkaugnayan.
   
Malapit sa aming puso at buhay si Aling Nora. Lalung-lalo na ako. Siya ang para kong nagsilbing yaya. Mahusay magluto, areglado lagi sa bahay. Higit sa lahat, napapagtiwalaan.
   
Nasaan na kaya siya ngayon? ’Di man lamang mag-text o lumiham tungkol sa kanyang kalagayan.
   
Dalawang Pasko na siyang ’di namin kapiling. Hinahanap-hanap namin ang kanyang walang katumbas na kabaitan.
   
Sana’y magpasabi kung nasaan siya.