5,437 guests

Hinanakit ng non-commissioned officers ng PNP

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 252

On the beat

KAHIT pala naunsiyami ang malaking halaga ng Christmas bonus na tatanggapin sana ng mga matataas na opisyal ng kapu­lisan na nai-anunsiyo ni PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, hindi pa rin nawawala ang hinanakit sa maraming non-commissioned officers.

Pakiramdam kasi nila, mukhang hindi raw nasisilip ng pamahalaan at maging ng pamunuan ng PNP ang kanilang gina­gampanang tungkulin lalo na’t sila ang nasa front line at nagsisilbing tagasunod sa utos ng nakatataas sa kanilang opisyal.

Sabi nga ng isang kaibigan nating pulis na hindi na natin babanggitin ang pangalan, hindi naman daw sila humihingi ng malaking bonus ngayong Pasko kundi maambunan man lang daw sana sila ng biyaya sa halip na tangkaing ipagkaloob ang malaking halaga sa mga matataas na opisyal.

Kung tutuusin daw kasi, kahit hindi na tumanggap ng malaking biyaya mula sa gobyerno ang mga regional, provincial, district directors at mga chief of police ng malalaking lungsod ngayong Pasko, buong taon o sa panahon naman ng kanilang panunungkulan ay namumula na ang kanilang hasang at namumutok na ang kanilang bulsa sa mga “parating” na biyaya mula sa mga ilegalista.

Hindi naman daw kasi natigil ang jueteng, lotteng, sakla, video karera, color games, pergalan, sauna massage na front ng prostitusyon, club na may malalaswang palabas, gay bar, illegal terminal, illegal vendors, illegal logging at maging smuggling kung saan pasok siyempre ang mga regional, provincial, district directors at chiefs of police. Ibig sabihin ng kaibigan nating pulis, tanging ang intelihensiya lang sa iligal na droga ang natigil.
   
Kung may non-commissioned officer daw na naambunan ng biyaya ng mga matataas na opisyal, ’yun ay ang mga pulis na ginagamit nila bilang mga kolektor o bagman at iilan lamang ang mga ’yun, kumpara sa kanila na nagtatrabaho at tumutupad sa sinumpaang tungkulin. Sa ngayon nga raw, marami sa mga chief of police, district directors, regional at police director ang gumagamit na ng sibilyan bilang bagman para kung sakali at ma-indulto, puwede nilang itanggi o itatwa ang mga ito. Ang resulta, mas makapangyarihan pa nga raw ang mga sibilyang kolektor kumpara sa mga Police Chief Inspector o Senior Inspector dahil nakakapagdikta sila sa mga regional, provincial, district directors at chiefs of police kung sino ang dapat sibakin sa puwesto o kung sino ang irerekomenda nilang maluklok sa presinto.
   
May mga district director at city police chief pa nga raw na pinalalabas na hindi sila pumapatong sa mga iligal na nasa kanilang nasasakupan at itinuturo pa ang kanilang alkalde o gobernador na nagbibigay ng basbas sa mga iligal kaya tali ang kanilang mga kamay sa panghuhuli. Ang sagot dito ng kaibigan nating pulis, lokohin niyo lelong niyong panot!
   
Kung tutuusin nga raw, hindi lang naman sa mga ilegalista nanggagaling ang malaking kita ng maraming opisyal dahil sa maintenance and other operating expenses (MOOE) lang ng isang city police chief at district director, mabu­bundat na ang kanilang mga tiyan lalo na’t kakasangkapanin lang nila ang kanilang finance officer na mag-aayos ng liquidation at siyempre, aambunan ng biyaya at presto, sa bulsa na nila napupunta ang malaking halaga ng kanilang MOOE. Kadalasan nga raw na isinusumite sa liquidation ay ang pagkukumpuni sa mga sirang mobile patrol at iba pang gamit sa presinto o headquarters pero huwag ka, sa personal na sasakyan at personal na gamit ang naipakumpuni.
   
Meron naman daw mga opisyal na naku-konsensiya o nahihiya sa kanyang mga opisyal at tauhan kaya’t ipinamamahagi pa rin ang MOOE ng parehas pero iilan na lang daw ito habang ang ilan ay sobra-sobra na ang parating mula sa ilegalista kaya’t hindi na masyadong pinagi-interesan ang MOOE.
   
Anu’t ano man daw ang nangyari sa pera na naging bato pa, siguro raw ay sinadya na ito ng tadhana para naman makonsensiya man lang ang mga district, regional, provincial director at city police chief na busog na busog na sa intelihensiya ay nagnanais pang magkaroon ng karagdagang biyaya mula sa perang nagmumula sa buwis ng sambayanan.

SUMBONG NG READERS
   
Sa text ng isang taga-Pasay City na ang huling numero ay 6858, dalawa raw ngayon ang mukha ng kanilang lungsod, ang isa ay malinis habang ang malaking bahagi ay nangingitata sa dumi sa dami ng illegal vendors, illegal terminals at iba pang kuyagot sa lansangan.
   
Isinahalimbawa niya ang mga kalye ng Kapitan Ambo, Park Avenue Ext. at kahabaan ng F.B. Harrison na nasa kalye na raw ang mga sagabal sa lansangan tulad ng illegal terminals at illegal vendors. Sa Buendia at Taft Avenue nga lang daw ay kabi-kabila ang illegal terminals kaya masikip ang daloy ng trapiko habang nagtatago raw ang traffic enforcers para maka-kotong sa mga motorista.

* * *
   
Sa reklamo ng isang motorista, unti-unti na naman daw sinasakop ng mga sidewalk vendor ang mismong lansangan sa Blumentritt na ipinalinis na ni Mayor Erap Estrada. Matapang pa raw magpa-alis ang mga vendor na babae sa mga motoristang mauunang pumarada sa lansangan dahil ilalatag nila doon ang kanilang paninda. Dati na raw lumuwag sa daloy ng trapiko ang lugar pero sumikip na muli dahil sa kapabayaan ng mga pulis sa Blumentritt detachment na hindi raw malayong nakikinabang sa mga pasaway na vendor.

* * *
   
Sa mga sumbong at reaksiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0916-6492023