4,974 guests

Paano naman ang mga ‘pasaway’ na chairman, Boss Erap?

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 188

BAGO ang lahat, pinasasalamatan muna natin, bilang pangulo ng National Press Club (NPC) ang lahat ng mga kaibigan at ‘organizational partner’ ng mga mamamahayag sa kanilang ginawang pagtulong at pagsuporta upang maging makulay at masaya ang ginanap na ‘NPC Christmas Party’ noong nakaraang Biyernes.

Bagaman kulang ang espasyo upang “isa-isahin” natin sila dito, marahil hindi naman sila “magtatampo” kung ang “tukuyin” lang muna natin ay si Quezon City Police District (QCPD) director, Chief Supt. Guillermo Eleazar at si retired Philippine Marines spokesman at ngayon ay BoC spokesman, Col. Neil ‘Star’ Estrella.
   
Dangan kasi, ‘heavily loaded’ ang ‘schedule’ ni DD Eleazar noong Biyernes subalit “ginawan” pa rin niya ng paraan upang siya ay makadalo kaya... “nakaltasan” pa tuloy, hahaha, ayy, huhuhu!
   
Muli, maraming salamat, Gen. Eleazar, sir, dahil sobrang ‘touch’ naman kami sa ‘effort’ mo, peksman!
   
At mamayang gabi, sa Christmas party ng QCPD Press Corps, magkita-kita ulit tayo kung saan inaasahan natin na… muli kang makakaltasan, hahaha!
   
Sa panig naman ni Col. Star, “nagkakaisa” ang buong Aduana at iba pang ‘stakeholders’ dito na “siya” ang ‘saving grace’ at ‘redeemer’ ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon at mga “sablay” na binitbit nito sa BoC katulad nitong si Mike Sabban -- na siya umanong “bosing” sa ‘BoC ComCen’ (Command Center).
   
Aber, kung wala pa itong si Col. Star sa grupo ni Comm. Nick, hindi na tayo magtataka kung wala nang magandang sinasabi ang mga miron at wala na ring paborableng mga “balita” na lumalabas sa bakuran ng BoC.
   
At marahil pa, kahit ang mga empleyado (na minsan nang binantaan na “papatayin” ni Comm. Nick), matagal nang “nagbarikada” d’yan sa pantalan sa sobrang pagkayamot dito sa kanilang commissioner at mga abusado niyang mga kasamahan sa grupong ‘Magdalo.’
   
“Mabuhay” ka Col. Neil as many people are unanimous in calling you by your new “appellation” as ‘Mr. Redeemer.’ Puwede rin naman na ‘Mr. Shock Absorber,’ hahaha!

* * *   

“Malapad” ang ngiti ngayon ng mga barangay chairman sa Maynila dahil hindi lang nila nakikita, bagkus, “damang-dama” pa nila ang atensyon na ibinibigay sa kanila ni pangulong-mayor, Joseph ‘Erap’ Estrada.
   
Dangan kasi, dito sa ikalawang termino ni Boss Erap, aba’y talaga namang “siksik, liglig at umaapaw” ang tulong at suporta niya sa mga ito partikular na sa ayudang pinansiyal.
   
Pansinin natin mga kabayan na matapos “burahin” ni Erap ang higit P5.5 bilyon na utang ng lungsod, “ibinuhos” naman niya ang pondo sa mga lokal na komunidad nito.
   
Kung P950 milyon lang ang ‘allotment’ ng 896 barangay sa Maynila noong 2014, nadoble na ito noong 2015 sa halagang P1.96 bilyon! Saan ka pa, aber, hehehe!
   
Ngayong taon naman, patuloy na “bumubuhos” ang salapi mula sa city hall papunta sa mga barangay ng lungsod.
   
Oops! hindi dahil “nangangampanya” na ngayon pa lang si yorme, bagkus, “kinikilala” niya ang “krusyal na papel” ng mga barangay kung serbisyo publiko at paglaban sa krimen, partikular na nga ang iligal na droga, ang pag-uusapan.
   
Kumbaga, ‘nothing comes free’ kaya kung “liberal” si Boss Erap sa pagtulong sa mga barangay, aba’y inaasahan din naman niya na gagampanan ng mga ito ang kani-kanilang mga tungkulin na dapat lang naman, hindi ba, mga kabayan?
   
Eh, paano naman kaya kung talagang “masamang asal” at “pasaway” ang ilan sa mga barangay chairman, aber? Hindi ba dapat din naman silang “kalusin” ni Boss Erap?
   
Katulad na lang nitong si Bgy. 350 Zone 35 Chairman, Felipe Falcon Jr.
   
Kung hindi tayo nagkakamali, inireklamo na ito noon kay Boss Erap, sinibak sa puwesto pero, nakabalik pa rin, talaga rin naman!
   
Alam kaya ng city hall na batay sa reklamo sa atin, hanggang ngayon, hindi pa nakukuha ng mga kagawad dito ang kanilang mga ‘honoraria’ para sa taong ito?
   
Ang sumbong pa, “ginigipit” sila ni Chairman Falcon dahil lang sa pulitika!
   
At isa umano sa “pinakamakulit” sa isyu ng pagkuha sa kanilang honoraria (na itinakda naman ng batas) ay itong si Barangay kagawad Edmund Carranza.
   
’Yun nga lang, Boss Erap, kung gusto mong makausap itong si kagawad Carranza upang marinig naman ang kanilang reklamo laban sa kanilang chairman, imposible na.
   
Dangan kasi, binaril (pinatay) si Carranza sa tapat mismo ng kanyang bahay sa M. Natividad St., Sta. Cruz, noong umaga ng Oktubre 22.
   
At patuloy umanong nagdadalamhati ang kanyang mga kaibigan at pamilya dahil hindi pa rin umano nareresolba ang kanyang kaso.
   
Siyempre pa rin, “dagdag-dalamhati” sa kanyang mga naiwang kasamahan sa Bgy. 350 Zone 35 na patuloy pa rin umanong ayaw ibigay ni Chairman Falcon ang kanilang honoraria.
   
Abangan!!!