7,044 guests

Lalaki niratrat sa harap ng katropa

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 142

Isang lalaki ang nasawi makaraang pagbabarilin sa isang basketball court sa harap mismo ng kanyang mga kaibigan sa Bgy. Culiat, Quezon City, kamakalawa.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), kinilala ang biktima na si Yasser Mangelen, 25, may-asawa, driver, ng 2-B, Basilan St., Salaam Compound, Bgy. Culiat.
   
Ayon sa pulisya, dalawang hindi nakilalang salarin, ang isa ay naka-helmet at kasama nito ay naka-bonnet at sakay ng kulay silver/black na XRM 125cc na hindi malaman ang plaka, ang tumira sa biktima.
   
Nangyari ang insidente sa may Bilfil covered court na matatagpuan sa Basilan St. harap ng Madrasatu Salaam, dakong alas-8:20 ng gabi.
   
Ang biktima ay chairman ng United Youth for Peace and Development (UNIPAD) sa kanilang lugar.
   
Diumano, nagpapa-hinga na ang biktima at ang ilang kaibigan matapos dumalo sa Ibadah (mass ng mga Muslim) sa lugar nang biglang sumulpot ang mga suspek na naka-motorsiklo.
   
Biglang pinagbabaril ng back rider ang biktima sa ulo at kanang balikat at bumuwal ito sa semento. Agad ding tumakas ang mga salarin makaraan ang insidente.
   
Ang biktima ay isinugod ng kanyang mga kaanak sa New Era Hospital para magamot subalit idineklara itong dead on arrival.