5,041 guests

Marami ng biktima ang imported na paputok

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 192

Muling nanawagan si Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa kanyang mga tauhan sa lahat ng port of entry sa bansa na maging alerto sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na paputok.

Kailangan daw na siguruhing hindi makapasok sa bansa ang mga imported na “finished” firecrackers, fireworks at iba pang pyrotechnic devices.”

Ang ban ay nakapaloob sa Republic Act (RA) No. 7183 at Joint Memorandum Circular (JMC) No. 1 (S 2014).

Ang pinapayagan lang ng RA 7183 at ng JMC No. 1 ay ang importasyon ng kemikal at explosive ingredients para sa paggawa ng paputok at pyrotechnic devices. 
   
Kailangang paalalahanan ni Faeldon ang kanyang mga tauhan dahil palapit na ang tinatawag na “New Year revelry.”
   
Taun-taon ay maraming namamatay at nasasaktan sa pagsalubong sa Bagong Taon.
   
Sa mga nakaraang taon, marami sa mga namatay at nasugatan ay  biktima at gumamit ng imported na firecrackers, fireworks at pyrotechnic devices.
   
Sinabi ni Faeldon na kumpiskahin ang lahat ng mga imported na paputok.
   
Pero dapat makipagtulungan ang mga lokal na opisyal at taumbayan para maging ligtas ang pagsalubong ng bagong taon.
   
Kahit anong higpit ng pulisya at iba pang otoridad ay walang mangyayari kung hindi tutulong ang publiko at lokal na opisyal.

* * *   

Akala siguro ng mga smuggler ay hindi na sila mapapansin habang subsob ang atensiyon ng lahat sa giyera laban sa iligal na droga at away sa pulitika.
   
Kaya sinubukan nilang magpalusot ng bigas na nagkakahalaga ng P40 milyon.
   
Ang hindi nila alam ay tutok na tutok sina Commissioner Faeldon sa kampanya laban sa smuggling.
   
Ang misdeclared shipment ay nakumpiska sa Manila International Container Port o MICP.
   
Ang kontrabando ay lulan ng dalawampu’t anim na container vans na idineklarang naglalaman ng glutinous supplies.
   
Galing daw ng Hong Kong ang bigas pero hindi sila naniniwala dahil hindi naman rice-producing country ang HK.
   
Kasalukuyang inaalam ng BoC kung nanggaling sa Vietnam o Thailand ang bigas.
   
Kadalasan kasi ay nanggagaling sa dalawang bansa ang ating rice importation.
   
Ang mga taong nasa likod ng pagpupuslit na ito ay mahaharap ng kasong economic sabotage.
   
Ayon sa batas, ang mga madedemanda ng economic sabotage ay hindi puwedeng magpiyansa.
   
Sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), ang pagpupuslit ng produktong agrikultura na nagkakahalaga ng P10 milyon pataas ay kuwalipikadong sampahan ng kasong economic sabotage.

* * *   

Tuloy na tuloy ang kampanya para amiyendahan ang Saligang Batas.
   
Kung hindi ay baka maunsiyami pa ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpalit tayo ng porma ng gobyerno.
   
Sa tingin ni Duterte ay matitigil na ang kaguluhan sa Mindanao kung babaguhin natin ang sistema ng gobyerno.
   
Ang gusto ng Pangulo ay mag-shift tayo from presidential to federal system.
   
Tama ang ginagawa ng mga kaalyado ng Malakanyang.
   
Ngayon pa lang ay sinisimulan na ang pagpapaliwanag kung bakit tayo kailangang magbago ng sistema ng gobyerno.
   
Sanay na ang mga tao sa presidential system.
   
Ang problema lang, nananatiling naghihirap ang karamihan ng ating mga kababayan.
   
Gustong malaman ng taumbayan kung mawawala ba ang kahirapan, korapsyon, kawalan ng trabaho kapag  nasa federal form of government na tayo.
   
Hindi na ba tayo magtatrabaho sa ibang bansa para mapakain natin ang pamilya natin?
   
Ito ang gustong malaman ni Juan dela Cruz.
   
Gusto rin nilang malaman kung sila pa rin ang pipili, sa pamamagitan ng eleksiyon, sa mga opisyal ng gobyerno.
   
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).