5,058 guests

Kakayahan ni Cesar sa Tourism, kinukuwestiyon

  • Written by Chit Ramos
  • Published in Showbiz
  • Read: 360
Cesar Montano Cesar Montano

MALAKING karangalan para kay Cesar Montano ang pagkaka-appoint sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Chief Operating Officer (COO) ng Tourism Promotions Board.

Nagbunyi rin ang kanyang mga kaibigan na kabisado kung paano siya mag-trabaho para sa anumang responsibilidad na iniaatang sa kanyang balikat.

Sa ilang mahahalagang  okasyon sa buhay ni Cesar, naging saksi ang inyong lingkod sa likas niyang pagmamahal sa kanilang bayan sa Bohol at kung paano niya ito i-promote sa kanyang mga pelikula. Ganoon din noong ikasal siya para maipakita sa mundo kung gaano kaganda ang kanilang simbahan at kung gaano kahusay ang kanilang choir (Loboc) na sumikat sa buong mundo.

Ngayon ay mas malawak na ang kanyang gagawin dahil buong Pilipinas na ang kanyang gagalugarin. Dapat alam ni Cesar na willing din ang kanyang mga kaibigan na makipaghawak-kamay sa kanya para matupad ang mga plano niya ngayon sa turismo. (Gustong sumama?—Ed.)

May ibang kumukwestiyon sa kakayahan ni Cesar (lalo na sa social media), pero, hindi naman nila kilala ang aktor.
   
Balitang may isang babaeng may mataas na katungkulan sa gobyerno ni Pang. Duterte na may sarili ding choice para sa nasabing position ni Cesar. Pero matatag si Pang. Duterte sa kanyang desisyon na si Cesar ang ilagay sa naturang posisyon. Dapat, patunayan ni Cesar na karapat-dapat siya roon.
   
Una nang in-appoint ni Pang. Duterte sina Arnel Ignacio (sa PAGCOR) at sina Aiza Seguerra at Liza Diño-Seguerra (sa Film Development Commission of the Philippines). Balitang they are doing well.
  
Nangangahulugang hindi sila na-aapoint dahil sinuportahan lang nila sa nakaraang eleksyon si Pang. Duterte. May sarili silang kakayahan.

PAOLO: GUSTO KONG MAGING BEST ACTRESS

NATUTUWA si Paolo Ballesteros sa pagbabalik sa “Eat Bulaga.” Alam naman niyang makakabalik din siya roon dahil madali namang magpatawad ang mga astig niyang bosses.
   
Blessing-in-disguise siguro ang six months suspension niya sa noontime show. Nakagawa siya ng isang indie movie, ang “Die Beautiful” na nagpanalo sa kanya  bilang Best Actor sa Tokyo International Film Festival.
   
“Hindi nila alam, how I wished na sana’y best actress ang napanalunan ko,” sabi niyang natatawa. “Pero talagang hindi ko na makakalimutan ang moment na iyon. Super VIP treatment at red carpet pa. Tapos, pagdating ko rito, nakuha pang entry ang pelikula ko sa MMFF. May mga bagay talagang hindi inaasahan. Tawa na lang ako nang tawa. May pa-birthday interview pa sa akin si Mother Lily (Monteverde). Feeling VIP na naman ako. Imagine, solo interview ko iyon.”
   
Sulit na sulit, ayon kay Paolo, ang matinding pagod niya sa nasabing indie movie. “Maraming make-up transformations akong ginawa sa sarili ko. Halos apat na oras ang ginugugol ko sa bawa’t isa. Dusa talaga, pero, sobrang fullfilled naman.”
   
Mula sa Idea First Productions nina direk Jun Lana at Perci Intalan, at ire-release ng Regal Entertainment ni Mother Lily ang “Die Beautiful.”
   
Umaasa ba si Paolo na mananalo rin siya bilang best actor dito sa MMFF?
   
“Bahala na sila!” tangi niyang sagot.

PBB PLAIN-LOOKING GIRLS, MAY KATAPAT NA SUPER GUWAPO

ANONG magic kaya mayroon si Big Brother ng PBB para magawa niyang ma-in love ang isang dream boy sa isang ordinary looking girl na kinukuha niyang housemate?
   
Nakakailang odd pair ng PBB housemates ang nagkatuluyan.
   
Na-in love si Gerald Anderson kay Kim Chiu. Actually, hindi lang si Gerald, kundi ang isa pang housemate noon na si Mike Tan.
   
Hindi kagandahan noon si Kim, pero nag-bloom siya sa harap ng camera. Tumagal nang mahigit limang taon ang relationship nina Kim at Gerald na tinawag na Kimerald.
   
Sumunod sina Melai Canteveros at Jason Francisco. Guwapo si Jason kung ikukumpara sa dating karelasyon ni Melai. Dala marahil ng magic ni Kuya, nagkatuluyan sila. May isang anak na sila at may kasunod pa.  
   
Hindi rin inaasahan ang sumunod na sina Miho at ang guwapong si Tommy Esguerra. Akalain mong mai-in love nang husto ang guwapong si Tommy kay Miho na plain-looking na, may anak pa?
   
Ngayon, inaabangan din kung magkakatuluyan sina Edward Barber at Maymay Entrata na tinatawag ngayon na May-Ward. Ang problema lang, mas marami ang boto kay Kisses para kay Edward.
   
Ang suntok sa buwan at malaking hamon ay kung mai-in love ang super guwapong si Tanner kay Baninay.
   
Manalo kaya uli ang magic ni Big Brother at maging Cinderella-like ang buhay ni Baninay?