11,501 guests

Self-interest ng miyembro ng MMFF execom at screening committee, binanatan ni Roselle

  • Written by IAN FARIÑAS
  • Published in Showbiz
  • Read: 245

Chavit, inihalintulad ni Eric kay Dolphy

RAVE ang mga nakapanood ng premiere screening ng Mano Po 7: Chinoy sa SM Megamall nu’ng Biyernes ng gabi, kaya iisa ang naging tanong ng lahat sa Regal producers na sina Mother Lily at Roselle Monteverde: Sa ganda ng pelikula, heartwarming para sa buong pamilya lalo na ngayong Kapaskuhan,  husay ng direksyon at acting ng cast, paano ito hindi pumasa sa panlasa ng Metro Manila Film Festival screening/executive committee?
   
Na-corner ng press si Roselle tungkol dito sa cast dinner matapos ang screening at game naman niyang sinagot ang hindi matapus-tapos na isyu ng nakakapagtakang pagkalaglag ng Mano Po sa MMFF Magic 8 slate ngayong taon.
   
Aniya, “Actually, ’yun nga sana ang gusto kong mangyari, ’di ba? And I’m happy na most of… majority of the audience, especially, ’yun na nga, kayo, na-appreciate n’yo at nagandahan kayo sa movie.
   
“I mean, it’s not just coming from me. Kasi baka sabihin, self-serving ako, ’di ba? Very biased. So, it really has to come from people who’ve seen it.
   
“Siyempre, as a producer, honestly, I felt that way. Pero sana naman, kasi di Christmas ’yan, talagang mapanood pa rin naman ng mga tao, para naman hindi talaga sila ma-shortchange, ’di ba?
   
“So, it goes both ways, ’di ba, hindi lang naman ako, pati rin du’n sa mga pwede sanang makapanood din, ’di ba?”
   
Diin pa ni Roselle, hindi basta-basta pelikula ang Mano Po, dahil talagang pinag-iisipan nang husto’t inaalagaan ang kalidad nito, mula sa istorya hanggang sa direksyon, potograpiya at pagpili ng mga magsisiganap na artista.
   
“We never did Mano Po na basta-basta lang. Lahat ng Mano Po namin, inalagaan namin, lalo na ito kasi matagal nawala. So, talagang binantayan lahat.
   
‘And then the director (Ian Lorenos) did his best, ha? Ang gagaling ng mga acting ng lahat ng artista, kahit mga bit player, lahat inalagaan, hindi lang naman mga big star. Ang gaganda ng kanyang visuals, ’di ba?”
   
Ano ang palagay niya sa sinasabi o tinatawag ng MMFF na “renaissance” o “rebirth” ng local cinema?
   
Sagot ni Roselle, “Well, it’s really a renaissance. We’ve seen it and it happened. But how it will be accepted is another story. So they really want the change. They (MMFF) just want to prove that they want the change.”
   
At dahil ang Mano Po, kumbaga, ay ‘suki’ na ng taunang pestibal ng mga lokal na pelikula at talagang humahakot ng major awards, tingin ni Roselle, “kaya siguro siya na-ostracize.”
   
Hindi rin pabor si Roselle sa paraang ginamit ng execom at selection committee para igiit ang sinasabing pagbabago sa MMFF line-up, “Parang I felt that even before, I thought that a lot of the… some people from the execom and the selection committee, may self-interest din, eh, ’di ba, so, baligtad lang nga ngayon siguro, ’di ba?
   
“So, nagka-campaign din sila, ’di ba? What saddens me is that one member from the execom can say a lot of things, you know, saying what he feels, but he’s part of the execom. Dapat hindi siya nakikialam du’n, ’di ba? Dapat walang ganu’n, he has to be fair,” aniya nang walang binanggit na pangalan ng execom member.
   
Sa ngayon, ilang linggo bago opisyal na magbukas ang MMFF, halos lahat ng mga taga-industriya, nakatutok sa magiging kapalaran ng entries na pawang walang malakas na box-office draw.
   
Palagay ng marami, na-defeat ng execom ang orihinal na purpose ng festival sa pagpilit nitong ipasok ang mga hindi popular pero de kalidad din namang mga pelikula sa Magic 8.
   
Matatandaan kasing binuo ang pestibal para makalikom ng pondo na susuporta sa ilang organisasyon ng showbiz workers, gaya ng Mowelfund. Mula nang mag-umpisa ito hanggang sa kasalukuyan, nadagdagan nang nadagdagan ang mga naghahating benepisyaryo nito, kabilang na ang ilang ahensiya ng gobyerno, tulad dati ng Optical Media Board (OMB).
   
Nang sumambulat ang imbestigasyon sa Kongreso kaugnay ng naging kontrobersiya sa MMFF nu’ng nakaraang taon, kung saan agarang natanggal sa mga sinehan ang mahihinang pelikulang Honor Thy Father at Nilalang, nabunyag na hulugan pala natatanggap ng beneficiaries ang pondong dapat sana’y buong nakalaan sa kanila.
   
Ang seryosong concern ngayon ng showbiz insiders ay ito: Kayanin kayang ma-raise ng 2016 MMFF ang sapat na pondong kakailanganin ng beneficiaries nito gayong walang kasiguraduhan na titipak nga sa mga sinehan ang napiling entries?
   
Pareho lang naman ng hangad ang indie at main players sa industriya. Na tangkilikin ng publiko ang lahat ng pelikulang Pilipino.
   
Pero sad to say, wala sa mga kamay nila ang pagpapasya tungkol dito. Nasa kamay pa rin ng publiko.

* * *

BALIK-TELEBISYON ang Mano Po 7: Chinoy cast member na si Eric Quizon sa pamamagitan ng bagong travel show with a cause na Happy Life ng White Lion Media Productions, Inc. ng pamilya ni dating Ilocos Sur Gov. na ngayo’y Councilor Chavit Singson.
   
Aminado si Eric na matrabaho ang naturang Sunday morning show na magsisimula nang mapanood ngayong Linggo, 9:30 a.m., sa GMA News TV. Pero dahil pakay ng show ang maipakita ang kagandahan ng Pilipinas kasabay ng pagtulong sa mga nangangailangang mga kababayan, fulfilling daw ang pagdidirek niya nito.
   
Actually, matagal na raw inalok ito sa kanya ni Coun. Chavit. Nagkataon lang na busy siya sa ibang mga proyekto kaya ngayon lang natuloy ang paghawak niya ng Happy Life.
   
Mismong siya raw, nag-ikot sa bansa para humanap ng mga taong deserving tulungan at nakaabot pa siya ng Ormoc para tumulong sa isang pamilyang nanganga-ilangan ng bagong bahay.
   
Generous kung i-describe ni Eric si Coun. Chavit. Ihinalintulad pa niya ito sa yumaong ama na si comedy king Dolphy. Marami raw similarities ang dalawa, bukod sa pagiging chick boy. Pareho raw mabait, mababa ang loob at matulungin ang daddy at producer niya.
   
Dahil pumupronta sa pagbibigay serbisyo sa publiko ngayon, natanong si Eric ng press kung game ba siyang pumasok sa pulitika sakaling may mag-alok sa kanya.
   
Pero tigas-tanggi ang actor-director. Dati pa raw siyang inaalok na tumakbo for public office, lalo na nu’ng kamamatay lang ni Dolphy.
   
“Inalok akong tumakbo for senator. Ayoko, ’no! Maski barangay captain, ayoko. Sabi pa nila, tamang-tama raw ang timing dahil nga kamamatay ng daddy. I don’t want to capitalize naman on my dad’s death,” aniya.
   
Samantala, ideya raw ni Eric na pawang beauty queens ang maging parte ng Happy Life. Katwiran niya, kung ipakikita na rin lang ang kagandahan ng bansa, simulan na sa pagpapakita ng kagandahan ng mga Pilipina.

Kaya, sa isang episode, isa sa magiging donors ay ang actress-ex-beauty queen na si Alice Dixson.
   
Magsisilbing hosts naman sina MJ Lastimosa, Bea Santiago, Jamie Herrell, Guilia Zahar, Sophie Rankin at Anthea Murfet.