4,792 guests

Bakit ba talaga ‘inarbor’ ni Digong si Supt. Marcos?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 394

IKAAPAT na pagdinig na ang ginawa sa Senado kahapon hinggil sa pagkakapatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.

Nag-‘face to face’ na rin sina Ronnie Dayan at Kerwin Espinosa. Nagkita  rin uli ang dating mag-lover na sina Dayan at Senadora Leila de Lima. 

Tulad ng inaasahan, magkaiba ang testimonya nina Dayan at Espinosa kung paano ba sila nagkakilala sa isa’t isa.
   
Para sa self-confessed drug lord na si Kerwin, si Dayan mismo ang tumawag sa kanya, pero pinanindigan ng ex-dyowa ng senadora  na ang senadora ang nag-utos sa kanya para tawagan ito sa telepono upang manghingi ng ‘campaign fund.’
   
Hindi rin natin maintindihan kung sino ang papaniwalaan  kina Kerwin at Chief Insp. Jovie Espenido, hepe ng Baybay City police station.
   
Si Espenido ang sinasabi ni Kerwin na unang tumawag sa kanya para abisuhan na tatawag si Ronnie, driver-bodyguard ni De Lima.
   
Ani Kerwin, madalas silang magkausap sa telepono ni Espenido. Bilang patunay, ibinigay pa nito ang numero ng telepono ng opisyal na  09177243499, gayundin ang kanyang dalawang telephone number na 09173424121  at  09773424122.
   
Sa halip na malinawan ang publiko kahapon, lalo lamang nalito ang taumbayan.
   
Kahalintulad ang sitwasyong ito kung bakit ba talaga tinawagan pa ng Pangulong Rodrigo Duterte si PNP chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa  para pabalikin sa puwesto si Marcos.
   
Kahapon din, sinabi ni Bato na si Special Assistant to the President Bong Go ang tumawag sa Chief PNP. Siyempre, ‘super alter ego’ ni Digong si Bong Go.
   
Kung si Presidente nga ba o si Bong Go ang umarbor kay Marcos, tungkulin nilang dalawa na ipaliwanag sa publiko kung bakit ba talaga nila inatasan si Bato na ibalik sa puwesto si Supt. Marvin Marcos.
   
Lalo kasing nakalutang sa ere ang mga katanungan kung bakit bukod sa pag-reinstate ay may nauna pang pahayag si Digong na mas pinaniniwalaan niya ang bersiyon ng grupo ni Marcos.
   
Hanggang ngayon, walang malinaw na detalye kung nagkaroon ba ng interes si Duterte na alamin ang motibo ng ginawang pagpatay ni Marcos kay Mayor Espinosa.
   
Palaging ipinagmamalaki ni Digong na dati siyang piskal at bilang magaling na abogado o Presidente, maganda sigurong makita natin kung mismong  si Duterte ang magbigay ng opinyon kung  makatwiran ba ang ginawang  pag-apply ng search warrant ng grupo ni Marcos bago patayin ang matandang Espinosa.
   
Maganda ang ginawang paghawak ni Senador Ping Lacson sa mga nakalipas na pagdinig.
   
Bilang dating PNP chief at chairman ngayon ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kahanga-hanga ang kagalingan ng senador.
   
Alam natin na nag-aaral lagi ng ‘leksiyon’ niya si Lacson bago gawin ang pagdinig.
   
Tulad nating lahat, kahit si Lacson ay nagtatanong kung sino ba talaga ang ‘direct line’ ni Supt. Marcos kay Presidente.
   
Kung bakit sa dami ng sinisibak na police offcials na sangkot sa ipinagbabawal na gamot ay si Supt. Marcos lamang ang ‘inarbor’ ni Digong o ni Bong Go.
   
Ang catch pa, bakit matapos siyang pabalikin sa puwesto ay pinatay si Mayor Espinosa na testigo sana ng pamahalaan sa kampanya kontra droga?
   
Sa mga pangyayaring ito, dapat sigurong magmuni-muni ang mga ‘adviser’ ng ating mahal na Pangulo.
   
Sana, kahit hindi anti-De Lima ang detalye na ipinararating kay Presidente ay maging ‘consistent’ siya sa gagawing pahayag tungkol sa mga personalidad na sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
   
Ang nangyayari kasi, kapag hindi anti-De Lima ang detalye, dedma lang si Digong, pero kung para sa ikasisira ng senadora, mabilis pa sa alas-kuwatro kung magbigay siya ng maaanghang na komento.
   
’Wag sana nating kalimutan na ang tunay na motibasyon ng pamahalaan ay giyera kontra droga at hindi lamang giyera kontra De Lima.
   
Sana ay malinawan natin ito sa hinaharap.