5,584 guests

Merry Christmas hypocrisy

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 251

MARAMI sa atin ito, mula sa mga pribado at pampublikong kompanya, na pawang mga biktima ng kaipokrituhan sa paggunita ng Pasko.

Sa gobyerno, bawal tumanggap ng regalo. Ang mas worst, bawal din bumati ng Maligayang Pasko. Ito raw ay pagpaparinig na nanghihingi ng aginaldo. Kotong ito kapag karaniwang panahon pero nagiging aginaldo kapag Kapaskuhan.
   
Pero mas matindi sa mga pribadong kompanya, lalo na sa media in general. Ito iyong panahong mas makutitap pa ang pagka-ipokrito ng ibang tao kaysa sa mga palamuti ng Pasko.
   
Silang mga amo, inilalagay sa numero ang kilos ng kanilang mga empleyado. Naku po, lalo na sa media, aakalain mong martial law sa maraming opisina na ginagawang mga aliping walang isip ang kanilang mga tao.
   
Hindi na tayo magbabanggit ng kompanya pero marami namang opisina ng media ang ganito ang kalakaran kapag panahon ng Kapaskuhan at panahon ng eleksiyon. Hindi ganito masyado sa print kumpara sa electronic media.
   
Sa print kasi, mas liberal ang samahan, mas kaibigan ng mga editor ang kanilang mga empleyado at alam ng mga boss dito na tuwing Kapaskuhan lamang naman nagkakaroon ng tiyansa ang mga empleyado na sumaya kahit paano.
   
Pero kahit ganito sa print, madalas, hindi naman nasasakripisyo ang pag-manage ng istorya.
   
May ibang opisina ng media, hindi papayagan ang mga empleyado na mag-solicit ng pa-raffle o humanap ng sponsor para sa kanilang pagkain sa Christmas party. Pero oobligahin nila ang mga nasa higher position na mag-ambagan para sa pagkain at dahil bawal ngang mag-solicit ng raffle prizes, hindi naman sila maglalaan para rito.
   
Dalawa ang magiging katwiran, cost-cutting dahil ibibigay ang bonus sa mga empleyado or unethical daw manghingi dahil conflict of interest sa media company.
   
Pero tingnan mo sa mga opisina ng kanilang mga boss, halos wala ka nang madaanan sa dami ng tinatanggap na regalo mula sa kung sinu-sinong in one way or another ay natulungan ng kanilang kompanya.
   
Iyong ibang boss nga, inililibre pa ng abroad with pocket money bilang pamasko pero iyong pobreng empleyado na tuwing Pasko lang posibleng makinabang ay pagbabawalang tumanggap ng mga raffle prize at aginaldo.
   
Marami na akong nakitang media entity na palaging priority ay kita ng kanilang kompanya at pakinabang ng mga boss kaysa sa pakinabang ng tao.
   
May mga style pa d’yan na kung papayagan kang tumanggap ng regalo, dapat ay may bracket sa presyo. Para sa kanilang mga konserbatibo kuno, dapat hindi tataas sa P300 ang halaga ng ireregalo sa iyo dahil kapag umabot ng P500 ’yan, korapsiyon na ’yan at conflict of interest.
   
Hindi nila naiisip na kung ilang istorya ang tinabunan at hindi inilabas ng kanilang kompanya dahil ang may-ari, kung hindi advertisers, kumare at kumpare ng mga bossing.
   
Hindi dito mahalaga kung ang pinatay na istorya ay magmumulat sa bayan o pakikinabangan ng mamamayan. Ang mas importante rito ay maproteksiyunan ang milyun-milyong kita ng kompanya. Pero iyong pobreng empleyado na umaasa lamang sa kapiranggot na biyaya ngayong Pasko, nilalatigo nang husto.
   
Aminin man natin o hindi, life is so unfair dahil lamang sa mga ipokritong tao na walang mahalaga sa kanila kung hindi ang mga sarili.
   
Hindi nila naiisip na may mga empleyado na tuwing ganitong panahon lamang nakakapag-uwi ng hamon at queso de bola para sa kanilang pamilya.
   
Kunsabagay, para sa ibang tao na marangya at kayang maghain ng isang buong baka sa kanilang lamesa sa gabi ng noche buena, walang karapatang sumaya ang mga mahihirap na empleyado.
   
Dapat sila lang, dapat manatiling dukha kahit Pasko ang mga empleyado.
   
That’s the spirit of giving, sa kanila lahat hanggang mabundat pero wala sa empleyado!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.