5,124 guests

Pinupukpok si Bato!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 281

MABIGAT ang sitwasyon ngayon ni Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), dahil pilit siyang pinipiga para kilalanin kung sinong ‘kumpare’ niya ang tumawag at nakiusap upang i-reinstate si Supt. Marvin Marcos, ang kontrobersiyal na director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Region 8.

Malinaw ang mga dating pahayag ni Bato na ‘zero tolerance’ sila sa pagdidisiplina sa hanay ng PNP na sangkot sa ipinagbabawal na gamot. Adik, tulak o drug protector ka man na nagtatago sa tsapa ng pambansang pulisya, tiyak ay may paglalagyan ka sa Duterte administration.
   
Walang duda, malinaw na ‘sindikato’ sa droga ang nasa likod kung bakit napatay  si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa,  tatay ng self-confessed drug lord na si Kerwin.
   
Si Marcos, kasama sina Chief Insp. Leo Laraga, ay inakusahan ni Kerwin na tumanggap sa kanya ng P3 milyon bilang ‘payola.’
   
Sila rin ang pumatay sa alkalde kahit nakakulong na ito  sa Baybay City sub-provincial jail noong nakalipas na buwan.
   
Ang nangyari tuloy, parang batang inagawan ng kendi ang Duterte administration dahil ‘pinatayan’ sila ng isang pangunahing saksi na malaking tulong sana sa kampanya ni Digong sa giyera sa droga.
   
Bago ang itinakdang pagdinig sa Senado, may pahayag agad si Duterte na mas naniniwala siya sa bersiyon ng mga pulis na pumatay kay Mayor Espinosa, bagay na ikinataas ng kilay ng mga sumusubaybay sa mala- telenobelang war against illegal drugs.
   
Para sa akin, tingin ko rito’y naglalaro bilang ‘good cop’ at ‘bad cop’ ang Duterte administration. Ayaw palabasin ni Duterte na may paglalagyan ang grupo ni Marcos, pero iyon pala ay may paglalagyan sila sa mga susunod na araw.
   
At sana, ganito ang totoong pangyayari.
   
Ang catch ngayon, mukhang nakakuha ng butas si Senadora Leila de Lima na numero unong kritiko ng Duterte administration.
   
Diumano, si Special Assistant to the President Bong Go ang ‘kumpare’ na sinasabi ni Bato na tumawag sa kanya para i-reinstate si Marcos.
   
Ang bagay na ito ay itinanggi na ni Go, ngunit wala pang direktang pagtanggi si Bato kung ang ‘protegee’ nga ba ni Digong ang nakiusap sa PNP chief.
   
Sa ganang akin, naniniwala tayong seryoso, wagas at dalisay ang kampanya ni Bato laban sa droga.
   
Alam kong wala silang sisinuhin para hambalusin ang sinumang tao o personalidad na balakid sa kanilang giyera kontra droga.
   
Pero para patunayan ito, tungkulin ni Bato na tukuyin sa lalong madaling panahon kung sino ba talaga ang ‘kumpare’ na sinasabi niya para hindi na makahanap pa ng butas ang sindikato sa droga na ma-discredit lamang ang kanilang tuwirang kampanya.
   
Malaki ang pananalig ko na sa lalong madaling panahon ay papangalanan ito ni Bato at hindi na siya kailangan pang pukpukin  ninuman.