9,427 guests

Tutok sa problema sa trapiko

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 167

HINDI na dapat pang palawakin ang katotohanang ito: may malaking negatibong epekto sa ating ekonomiya ang suliranin natin sa trapiko.

Kahit hindi na tahasang sabihin sa atin ng Japan International Cooperation Agency noong nagdaang taon na bilyun-bilyong piso ang nasasayang sa atin dulot ng masikip na daloy ng trapiko, alam naman natin ito.
   
Maraming negatibong epekto ang hatid sa bawat isa ng pinagdadaanan nating masikip na daloy ng trapiko araw-araw.
   
Halimbawa na lamang sa isang ordinaryong empleyado, alam natin na ang pagkahuli sa trabaho ay may kaukulang kabawasan ng kita; ang mahabang oras na inuukol sa kung tutuusin ay malapit lamang na paglalakbay ay may kaakibat na halaga; ang krudong nasasayang ay binibili ng pera; bumabagal ang komersiyo kapag nasasayang ang oras at enerhiya. Ilan lamang ito sa dulot ng masikip na daloy ng trapiko.
   
Ang pinagdadaanan nating problema sa trapiko ay marami nang solusyong nailalatag, mula sa mga nakaraang administrasyon hanggang sa kasalukuyang pamunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
   
May ilang solusyong pangmatagalan ang hangad at may  ilan namang pansamantala lamang.
   
Pero ang paulit-ulit na bahagi ng solusyon ay ang patuloy na pagdisiplina ng MMDA sa mga driver at publiko sa tamang paggamit ng kalsada. Pinalalawak ng pamahalaan ang kalsada kung hindi man dinurugtungan upang maging maginhawa ang paglabas-masok sa Kamaynilaan. Maraming bubuksang mass-transport system sa hinaharap na may rutang paloob at palabas ng masikip na Metro Manila.
   
Laganap at malawak ang problema. Manipestasyon lamang ang trapiko ng iba’t ibang suliranin tulad ng pabahay, trabaho, enerhiya, public works, komersyo. Maraming sektor ang dapat na involve upang masolusyunan ang problemang ito. Pinag-aaralang mabuti dapat. At dahil pinag-aaralang mabuti, madalas, matagal ang roll-out ng solusyon. Matagal bago ang implementasyon. Minsan, sa panahon ng implementasyon may bagong suliranin na naman na kailangan ng matagalan uling solusyon.
   
Hindi lamang simpleng pagpapagawa ng kalsada, hindi lamang simpleng pagpapatupad ng bagong alituntunin. Ang solusyon sa mga ganitong uri ng problema ay dapat na nakalapat sa mas malaking pagtataya sa kalagayan ng Kamaynilaan.
   
Malaking salik ang urban planning. At kapag sinabing urban planning, ilang lebel ng pagpaplano ang dapat gawin. Bawat sektor na maapektuhan ay dapat na ikinukonsidera.
   
Marami nang ganitong proyekto ang halos hindi pakinabangan nang maayos. Halimbawa nito ay ang mga nagkalat na overpass at elevated walkway sa loob at labas ng Kamaynilaan. Malaking pera ang ginugugol dito pero dahil sa kakulangan ng plano, hindi halos pakinabangan nang maayos ang mga daanan maliban sa sabitan ng tarpaulin ng mga politiko.
   
Sa implementasyon ng solusyon, hindi uubrang walang maapektuhan. Ang mabigat na daloy ng trapiko ay higit na bibigat dahil sa solusyon upang lumuwag ang daloy. Halimbawa ang konstruksiyon ng mga mass-transport system. Hindi ito magagawa ng ilang buwan lamang o araw. Taon ang bibilangin bago mapakinabangan ang mga tren na ito.
   
Epekto ng mga konstruksyong ito ay ang lalong paghihigpit ng daloy ng trapiko at maraming apektadong mga residente.
   
Kaya dapat ay nagiging partikular sa haba ng panahong gugugulin sa isang proyekto upang handa rin ang publiko at motorista sa magiging epekto nito sa kanilang pang-araw-araw na aktibidad.
   
Kaya sa lahat dapat ng proyekto ay masusing napag-aralan upang lahat ng sektor na involve ay makapaghanda.