5,936 guests

Andres Bonifacio, ’atapang ’a tao!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 328

MAGANDANG hakbang ang paghain ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ng House Bill 3376 na naglalayong gawing national hero at kauna-unahang presidente ng bansa si Gat Andres Bonifacio.

Sigurado ako, hindi lamang mga Rizalista ang magtataas ng kilay kundi pati na rin ang mga kamag-anak ni Emilio Aguinaldo na pinagbibintangang nagpapatay kina Bonifacio at kay Gen. Antonio Luna.
   
Kung pagbabatayan ang tunay na nangyari sa kasaysayan -- labas ang impluwensiya ng banyagang Amerika at Espanya -- nasisiguro kong higit na angkop sa Ama ng Katipunan ang pagiging pambansang bayani ng Pilipinas.

Aminin o hindi, malaki ang impluwensiya ng mga banyaga kung bakit nababaligtad kung minsan ang kasaysayan.
   
Tulad na lang ang pagkakaroon umano ng ‘sexually transmitted disease’ ni Apolinario Mabini na siyang Utak ng Himagsikan. Alam n’yo bang pilit itinatala ng mga banyaga sa kasaysayan syphilis o isang uri ng STD ang ikinamatay umano ng bayaning lumpo?
   
Hindi umano totoo na ‘cholera’ ang ikinamatay nito, base na rin sa maduduming ‘tsismis’ na impluwensiya ng Amerikano at Kastila.
   
Magkagayunman, naniniwala tayong mas malapit sa katotohanan na mas dapat na itanghal na pambansang bayani si Andres Bonifacio kaysa kay Rizal at higit lalo kay Aguinaldo.
   
Sinusugan ko ang sinabi ni Zarate na matagal nang inaral ng mga historian na si Bonifacio ang dapat na unang naging pangulo ng bansa na hindi naituro sa ating paaralan.
   
Base sa pag-aaral ng mga historian, Agosto 24, 1896, naitatag ni Gat Andres ang Kataas-taasang Kapulungan o kauna-unahang national government hanggang noong Mayo 10, 1897.
   
Sa pagkakatatag ng gobyernong ito ay nakapagpasa ng tatlong resolusyon si Bonifacio, ang armadong rebolusyon laban sa Espanya; ang pagtatag ng pambansang pamahalaan at ang paghalal ng mga opisyal na mamumuno sa bansa.
   
Matagal nang usapin kung sino ang mas magiting kina Bonifacio at Rizal. Matagal na panahon din tayong pinaniwala na higit na karapat-dapat si Rizal dahil sa angkin nitong katalinuhan.
   
Pero hindi magtatagumpay ang himagsikan kung wala ang tapang, galing  at talino ni Bonifacio.
   
Ipinagdiwang kamakalawa ang ika-153 taong kaarawan ni Bonifacio.
   
Matagal na panahon ding nagsakripisyo si Bonifacio.
   
Matagal na panahong pinagpasasaan ng mga ‘oligarch’ sa pulitika ng bansa ang pagiging pobre ni Bonifacio kaya hanggang eleksiyon sa pagitan nila ni Aguinaldo ay nilapastangan ang kanyang kadakilaan.
   
Hanggang kasaysayan ay nasa laylayan ni Rizal ang kanyang pangalan. Panahon na siguro para itama ang mali sa istorya ng ating bansa.
   
Sa pangakong ‘change is happening’ ng Pangulong Duterte, ngayon ang panahon para itama ang tunay na kasaysayan.
   
Si Gat Andres Bonifacio ay isang tunay na bayani at sadyang ’atapang ’a tao!