6,740 guests

Unexplained poverty ang kaso ni DepCom Lachica

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 373

NAKIKIRAMAY tayo sa pamilya ni Customs Deputy Chief for Administration Arthur Lachica na namatay sa ambush nito lang nakaraang linggo.

Nailibing na  nitong Linggo si Lachica. Hindi man natin siya kakilala, ako ay taos-pusong nakikidalamhati sa kanyang mga naulila.
   
Nagkainteres ako sa kasong ito hindi lang para makiramay bagkus ay mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay dahil may mga dumating sa ating impormasyon tungkol sa simpleng pamumuhay ng opisyal na ito.
   
Ayon sa ating source, natagalan ang burol ni Lachica dahil kailangan pang mag-ambagan ng mga kaibigan nito para lang maipalibing.
   
Ang transferable memorial plan na ginamit kay Lachica ay ipinahiram lang ng kanilang kapitbahay dahil nga sa kawalan ng pera.
   
Hindi ko naman ito kakilala pero nangilid ang luha ko habang isinusulat ko ito dahil hindi ako makapaniwala na isang Customs official ay mamamatay na puwede pang kasuhan ng unexplained poverty.
   
Ang Toyota Altis na kinasasakyan ni Lachica nang siya ay mapatay ay government property.
   
Hindi rin ako makapaniwala na hanggang sa huling sandali ng buhay ni Lachica ay nagbabayad pa rin sila ng housing loan para sa kanyang bahay.
   
May nakapagbulong sa atin na ilang araw bago ma-ambush si Lachica ay tinangka na itong sibakin sa kanyang posisyon subalit ipinaglaban niya dahil nga career official siya na hindi basta maaalis kung walang legal na batayan.
   
May nakasagutan pa umano si Lachica sa mga meeting dahil nga hindi ito sumasama sa “old boys club” o pangkat ng mga korap cum dorobo sa Customs.
   
Nanawagan tayo kay Finance Secretary Carlos Dominguez na paimbestigahang mabuti ang pagkamatay ni Lachica upang mabigyan ng katarungan ang kanyang sinapit.
   
Hindi rin pala tama ang kaisipan na porke’t taga-Customs ay korap na agad.
   
May mga Customs insider tayong nakakausap na nagpapatunay na matinong opisyal si Lachica kaya nakapanghihinayang ang kanyang pagkamatay.
   
Sana lang laliman ng NBI ang imbestigasyon sa kasong ito ni Lachica dahil ang pagkamatay niya ay huhudyat ng kapistahan ng mga magnanakaw sa Customs na ginamit na gatasan ang kanilang posisyon.

* * *
   
Para po sa mga hindi pa po nakakaalam, ang schedules ng ating kolum ay nalipat sa Martes, Huwebes at Sabado mula sa dating Monday, Wednesday at Saturday.
   
Salamat po sa patuloy n’yong pagtangkilik sa People’s Journal, People’s Tonight at sa iba pang  lathalain ng Journal group.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.