6,871 guests

Walang bayaning nakalibing sa Libingan ng mga Bayani

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 550

Magkaisa para sa bayan

JOSE Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo H. del Pilar, Muhammad Dipatuan Kudarat, Juan Luna, Melchora Aquino, Gabriela Silang at Benigno Aquino, Jr.

Ano ang katangian at himlayang mayroon ang mga nabanggit na pa­ngalan?

Sila ay tinuturing na mga bayaning Pilipino at pawang hindi nakalibing sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Sumulat ako tungkol sa mga bayaning hindi nakalibing sa LNMB, dahil sa pagtutol ng iba’t ibang grupo sa utos ng Korte Suprema na ilibing si yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos sa LNMB sa dahilang hindi raw siya bayani.

Ang nasabing libingan na ang dating tawag ay Republic Memorial Cemetery (“RMC”) ay itinayo noong Mayo 1947, bilang himlayan ng 33,520 sundalong Pilipino na namatay  noong World War II (1941-45).

Ito’y itinulad sa Manila American Cemetery and Memorial, para sa mga Amerikanong sundalo na namatay sa na­sabing digmaan.
   
Noong Hunyo 16, 1948, pinirmahan ni President Elpidio Quirino ang  R.A. No. 289, An Act Providing for the Construction of a National Pantheon for Presidents of the Philippines, National Heroes, and Patriots of the Country, na ang Section 1 ay nagsasabi:
   
“To perpetuate the memory of all the Presidents of the Philippines, national heroes and patriots for the inspiration and emulation of this generation and of generations still unborn.
   
Noong Oktubre 27, 1954, pinangalanan ni Presidente Ramon Magsaysay ang RMC bilang Libingan ng mga Bayani at noong Mayo 28, 1967, inisyu ni Presidente Marcos ang Presidential Proclamation No. 208 na nagbigay ng 142 hektaryang lupa sa Fort Bonifacio para sa LNMB, na magsisilbing libingan, hindi lang ng mga sundalo, subali’t ng mga bayani.
   
Noong  Nobyembre 15, 1995, inirekomenda ng National Heroes Committee (NHC) sa Department of Education, Culture and Sports (DECS) na ituring na bayani  sina Rizal, Bonifacio, Aguinaldo, Mabini, Marcelo H. del Pilar, Sultan Kudarat, Juan Luna, Melchora Aquino at Gabriela Silang, subali’t hanggang nga­yo’y walang ginawang ak­syon ang DECS sa pangambang may makikiusap magdagdag ng mga ituturing na bayani at dahil sa kontrobersyang kinasangkutan ng mga na­sabing makasaysayang nilalang.   
   
Halimbawa, si Rizal bilang American-sponsored hero at Aguinaldo bilang nagpapatay kay Bonifacio, ayon sa ilang propesor ng kasaysayan. 
   
Sa ngayon ang mga kilalang pangalan na nakalibing sa LNMB ay sina dating Pangulong Elpidio Quirino, Carlos P. Garcia, Diosdado Macapagal at ang kalilibing na si Marcos, UN President Carlos P. Romulo, Pa­ngalawang Pangulo Arturo Tolentino at Salvador “Doy” Laurel,  Senador Blas Ople at AFP Gen. Angelo Reyes.
   
Noong kanilang kapanahunan, sina Quirino, Laurel at Reyes ay inakusahan ng matitinding kurapsyon. Si Quirino raw ay may gintong higaan at arinola sa Malacañang. Kinamatayan ni Laurel ang kaso sa Sandiganbayan, na di-umano’y nakinabang siya ng daang milyon sa centennial project sa Clark Air Base at si Reyes, ang heneral na nagpakamatay sa puntod ng kanyang ina, dahil sa pagsira sa kanyang dangal ni Senador Antonio Trillanes.
   
Bago ituring na bayani ang sinumang Pilipino, kinakailangan ideklara siyang bayani ng da­lawang kapulungan ng ating Kongreso. 
   
Sa ngayon, wala sa sinumang nakalibing sa LNMB, ang opisyal na idineklara ng ating Kongreso na bayani ng ating bansa at gaya ng nabanggit, ang DECS mismo ay hindi nag-apruba sa rekomendasyon ng NHC na ideklarang bayani sina Rizal, Bonifacio at iba pa.
   
Hindi ko binabawasan ng respeto ang mga nakalibing sa LNMB. Ang sinasabi ko’y ang mga kilala at tinuring na bayani sa ating kasaysayan ay hindi nakalibing sa LNMB at wala sa sinumang nakalibing sa na­sabing himlayan ang opisyal at deklaradong bayani ayon sa ating batas.
   
Kung ang sinasabing pumatay kay Andres Bonifacio at mga dating Pangulo, Pangalawang Pangulo at heneral ng AFP, na sa kanilang buhay ay pinaratangan ng kurapsyon ay pinahintulutang malibing sa LNMB, ay bakit kaila­ngang tutulan ang pagli­bing kay Marcos sa na­sabing himlayan?
   
Magiging bayani ba si Marcos sa kanyang pagkakalibing sa LNMB? Hindi!
   
Ang kabayanihan ng isang tao ay hindi nasu­sukat sa lupang pinaglagakan ng kanyang katawan, subali’t sa iniwan niyang pangalan sa ating kasaysayan.