5,042 guests

Epekto ng iligal na droga sa utak ng drug addict

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 742

On the beat

HINDI maikakaila na pumukaw ng pansin sa buong mundo ang maigting na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iligal na droga lalo na ang madugong pa­mamaraan ng pagsugpo rito na humantong pa sa napipintong pag-iimbestiga ng United Nations special rapporteur sa umano’y extra judicial killings sa susu­nod na taon.

Kung tutuusin, ang pinakamalaking puntos na ikinapanalo sa pampanguluhang halalan ni Pangulong Duterte ay ang kanyang pangakong sugpuin ang iligal na droga at katiwalian sa pa­mahalaan kaya’t ito nga­yon ang kanyang tinutugunan, magdulot man ito ng pagkamatay ng mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga.

Bagama’t makatuwiran lamang na kuwestiyunin at siyasatin ang sinasabing extra judicial killings o ang pa­mamaraan ng pagpatay sa mga hinihinalang drug pusher at drug user dahil posibleng maging daan ito para samantalahin ng ilang grupo para gumawa ng krimen at iugnay ito sa droga, mayroon namang tina­guriang “silent majority” na pabor sa pagkalipol ng mga sangkot sa iligal na droga, ano man ang uri ng pamamaraan.

Batid kasi nila ang masamang epekto ng iligal na droga, hindi lang sa mga gumagamit nito kundi sa kanilang pamil­ya, komunidad at lipunang kanilang ginagalawan.

Isang halimbawa rito ang pagkamatay ng isang buwang gulang na sanggol na si Mark Genesis Cornelio sa kamay mismo ng kanyang tiyuhing addict noong Miyerkules ng umaga sa BMBA Compound, 2nd Avenue, Caloocan City.
   
Lango umano sa iligal na droga si Ryan De Belen Cornelio nang pagsasapakin ang sanggol matapos mag-hallucinate na hinahabol siya ng mga naka-bonnet na lalaking papatay sa kanya kaya siya nanlaban. Nanga­ngahulugan na wala sa sarili ang suspek dahil sa epekto ng iligal na droga kaya’t napatay niya ang sariling pamangkin.
   
Noon ding araw ng Miyerkules, pinasok ni Elmer Galang, isa ring kilalang drug addict, ang kanyang kapitbahay sa Pinalagad, Malinta Valenzuela City na matapos pagnakawan ay hinalay pa ang ginang. Napatay ng mga pulis si Galang nang manlaban sa mga pulis na aaresto sa kanya.
   
Ilan lamang ito sa mga karumal-dumal na krimen na nagaganap sa iba’t ibang lugar sa ating bansa na dala ng epekto ng iligal na droga sa utak ng isang drug addict.  Maaaring sabihin na biktima rin ng iligal na droga ang mga drug user kaya’t dapat silang unawain at tulungan pero ang tanong ng marami, bakit sa kabila ng kaalaman na walang magandang idudulot ito sa buhay ng tao, patuloy pa rin nila itong kinahuhumalingan? 

SUMBONG NG READERS
   
Hindi pa rin daw natitigil ang ilang tiwaling pulis sa Caloocan City sa pangungotong sa ilang kaanak ng mga nahuhuling sangkot sa iligal na droga. ’Yun nga lang, maingat na raw ang mga ito mula nang mahuli sa entrapment operation ang dalawang pulis kamakailan.
   
May  sumbong din sa ilang tauhan ng District Anti-Illegal Drug ng Northern Police District (NPD) pero takot lumantad ang mga ito sa pa­ngambang lalong madiin at hindi na makapag-piyansa ang kaanak nilang nahuli.

* * *
   
Inireklamo naman ng mga motorista ang malalaking humps sa kahabaan ng D. Aquino St. at ang pag-okupa sa bangketa ng mga may negosyo ng car wash at resto bar kaya’t sa lansangan napipilitang maglakad ang mga pedestrian. Marami rin daw humps sa Caimito Road na alternatibong daan mula Samson Road patungong Mac-Arthur Highway kaya bumabagal ang daloy ng trapiko.

* * *
   
Sa Novaliches proper, wala pa rin daw tigil ang cutting trip ng mga pampasaherong jeep na biyaheng Blumentritt-Bayan kaya nais tawagan ng pansin ng mga commuter ang LTFRB at LTO para dito naman daw sana magsagawa ng operasyon.

* * *
   
Iligal na tupada naman ang sumbong ng mga taga-Flovie Homes sa Malabon City na kinukunsinti raw ng kapulisan at maging barangay officials. Sana raw ay makarating ito sa kaalaman ni Mayor LenLen Oreta. Nahahagip nga raw ng CCTV camera ang iligal na operasyon pero dedma ang mga awtoridad.

* * *
   
Sa Masagana Street malapit sa kanto ng Samson Road sa pagitan ng Barangay 73 at 74 sa Caloocan, nakatambay raw ang mga kabataang addict na nambabato ng mga pampasaherong jeep at nambabastos ng mga dumaraang kababaihan kapag kumagat na ang dilim. Wala raw aksiyon ang mga barangay official sa lugar kaya’t nais nilang ipabatid ito sa kaalaman ng pulisya, lalo na sa Police Community Precinct (PCP) 2 na nakakasakop sa lugar.

* * *
   
Sa reaksiyon, puna at suhestiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0915-6492023.