4,613 guests

Nagpautang binayaran ng taga

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 166

Nauwi sa patayan ang paniningil ng utang ng isang buko vendor sa kanyang kabaro sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang nasawi na si Allan Diamante Madrigo, 41, ng Block 29, Lot 12, Faith St., Goodwill Subd., Bgy. Bagbag, QC.
   
Pinaghahanap naman ang suspek na si Antonio Ebora, 53, may-asawa, ng C4, Dupax Compound, King Alexander, ng nasabi ring barangay.
   
Sa ulat ni PO3 Alvin Quisumbing, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa harapan ng bahay ng suspek, alas-6:35 ng gabi.
   
Ang suspek, na isa ring vendor ng buko, ay humiram ng pera sa biktima dalawang buwan na ang nakakalipas.
   
Nang nasabing oras, nagtungo ang biktima sa bahay ng suspek para ko-lektahin ang pera. Pero sa halip na magbayad, nagalit umano ang suspek at nagtalo sila ng biktima hanggang sa mauwi sa suntukan.
   
Sa kainitan ng bakbakan, nagawang madampot ng suspek ang kanyang bolo at pinagtataga ang biktima sa ulo at katawan.
   
Agad tumakas ang suspek patungong Quirino Highway dala ang patalim habang ang biktima ay isi-nugod ng mga pulis sa Novaliches District Hospital kung saan idineklara itong patay alas-9:10 ng gabi.