8,258 guests

Mga ipokritong nagmamahal kuno sa bayan!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 159

MARAMI nang Pilipino ang nilamon ng maling sistema.

Iyong ibang naririnig mong sumisigaw ng pagbabago noong panahon ni Marcos, nakinakaw din sa panahon ni Cory. Mas masahol pa nga marahil ang iba sa kanila.
   
Iyong ibang artista na akala mong matutuwid at walang kaimoralan sa katawan at bahid ng kahit anong dungis sa kanilang sarili, sila iyong pumapapel din na tumututol sa paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
   
Iyong mga magagaling sa pagpuna sa mali ng Marcos administration at mga nakikita nilang pagkukulang ng Duterte government  ay sila rin mismo ang sumamba kay Noynoy Aquino sa kabila ng pagiging hari ng sablay ang pamumuno.
   
Noong mga panahong napatay ang 17 Marine soldiers at dalawang pulis na magsisilbi lang ng warrant of arrest sa Al Barka, Basilan noong October 2011, wala naman tayong narinig sa mga grupo at taong ito.
   
Sinuportahan pa nila ang pagkastigo ni Noynoy sa mga sundalo natin dahil ang katwiran niya, bakit hindi raw nagpaalam sa MILF na papasok pala sila sa teritoryo ng mga ito.
   
Noong haluan nila ng pamumulitika bago tulungan ang mga biktma ng Yolanda sa Tacloban at iba pang lugar sa Visayas, walang kumibo sa mga ito.
   
Kahit binabatikos na ni Anderson Cooper ng CNN at ng iba pang international media ang kabagalan at kapabayaan ng Aquino administration na tulungan ang mga survivor, hindi man lang kumibo ang mga ito para sabihan ang kanilang noynoying leader na magtrabaho naman siya!
   
Nang mangyari ang Hacienda Luisita massacre na ikinamatay ng maraming magsasaka, sumigaw man lang ba ang mga ito para panagutin ang pamilya Aquino?
   
Maging ang Kidapawan massacre na  nangyari rin sa panahon ng Hari ng Sablay noong March 2016 ay hindi rin tayo nakarinig sa mga ipokritong ito na ipagtanggol man lang ang mga kababayan nating magsasaka na humihingi lang ng tulong sa gobyerno dahil nagugutom na sila dulot ng matinding El Niño pero pinagbabaril.
   
Pati sistematikong pagpatay  sa mga  Lumad na inaagawan ng lupa dahil sa gintong taglay ng kanilang mga teritoryo ay hindi rin bumatikos sa Aquino administration ang mga ito.
   
Ngayong nagsisisigaw sila sa pagtutol sa paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani, ang mga asta nila ay parang mahal na mahal nila ang bayan. Parang gusto nilang ipagtanggol ang lahat ng biktima ng martial law kaya pati grade schoolers ay ginagamit pa sa barikada.
   
Ang tanong, ganoon ba talaga ang timbangan n’yo ng pagmamalupit at walang pakundangang pagpatay?
   
Kapag nangyari sa panahon ni Marcos, wala talaga siyang kasing- sama kaya hindi dapat  mailibing sa Libingan ng mga Bayani?
   
Paano naman ang mga krimen at walang habas na pagpatay sa mga magsasaka at mga inosenteng kababayan natin sa panahon ni Noynoy? Ano ang tingin n’yo doon?
   
Nakakasuka ang mga taong ito dahil alam na alam mong madidilaw ang mukha pero kung umasta, parang mga tunay na nagmamalasakit sa bayan.
   
Magsitigil nga kayo baka tamaan kayo ng kidlat sa inyong mga kalokohan.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.