4,832 guests

Children’s Joy Foundation ni Pastor Quiboloy!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 238

NAIMBITAHAN tayo ng isang kaibigan para samahan ang traditional na ‘gift-giving’ ng kanilang pamilya sa isang bahay ampunan.

Nakiusap ang ating kaibigan na ’wag nang banggitin pa ang kanilang pangalan dahil wala silang planong ianunsiyo sa madla kung anong tulong ang ibinibigay ng kanilang pamilya sa mga mahihrap nating kababayan.
   
Nagkataon lang daw talaga na magkasama kami sa paglalaro ng golf sa Capitol Hills Golf Course noong Linggo ng umaga kaya mula imbitasyon sa masarap na pananghalian, samahan ko na raw sila sa gift giving  sa The Children’s Joy Foundation, Inc. (CJFI), na nasa No. 6 Brown Swiss St., Project 8, Quezon City.
   
Una nating bigyang pugay ang pamilya ng ating kaibigan.
   
Mula sa maganda, mabait at maasikaso niyang maybahay, hanggang sa apat na anak na buong suporta ang ibinibigay sa pagkakawang-gawa ng kanilang angkan.
   
Halos walong taon na nilang ginagawa ito at paiba-iba ng mga ‘orphanage’ nilang tinutulungan.
   
Kung minsan, laruan, damit ang kanilang ibinibigay na tulong pero sa pagbisita sa Children’s Joy ay  ‘groceries’ at bigas ang kanilang dala-dala na kung tatantyahin ko ay magagamit ng institusyon sa loob ng anim hanggang walong buwan.
   
Isusunod na lang daw ang damit ng mga bata dahil nakita na nila ang sukat ng kanilang katawan at posibleng makapagdala pa ng laruan bago mag-Pasko.
   
Ramdam ko sa mga bata ang kagalakan sa mga ibinigay na payak na tulong para sa kanila.
   
Naghandog pa nga sila ng mga Pamaskong Awitin na kung hindi man kayo kikilabutan sa galing nilang mag-perform ay tiyak namang maaantig ang inyong damdamin. Larawan sila ng mga batang pinagkaitan man ng kasaganahan at pagmamahal mula sa kanilang pamilya ay punung-puno sila ng pag-asa dahil sa tulong na rin ng Children’s Joy na itinatag ni Pastor Apollo Quiboloy noong June 15, 1998.
   
Ayon kay Mr. Rene Tagupa, deputy for operations ng CJFI, pitong ‘center’ mayroon na ang kanilang Foundation. Ang mga ito ay nasa Davao City, Butuan City, Cebu City, San Fernando City, Pampanga; Calamba City, Laguna; Imus, Cavite at Quezon City.
   
Sa ngayon, aabot sa 20 bata ang nakapisan sa kanilang center sa Quezon City. Sila ay nasa edad anim hanggang 18-taong gulang.
   
Malaya ang mga batang makalabas ng Center dahil sa labas din ang kanilang eskuwelahan na sagot ng pamahalaan.
   
Bukod sa libreng edukasyon, sagot ng CJFI ang  school supplies, sapatos, damit, libro, iba pang pangangailangan ng mga bata at higit sa lahat ang maayos na tulugan.
   
May mga lisensiyado at bihasang social workers ang CJFI na gagabay at aakay sa mga bata para sa pagdidisiplina mula sa mabuting asal, kaalamang pang-akademya, mahusay na paggamit sa makabagong teknolohiya, makabuluhang kaalaman sa musika at higit sa lahat ang pagpapalakas sa pananampalatayang ispirituwal, partikular na ang pagkilala at pagsunod sa mga bilin at utos ng Diyos Ama.
   
Sa kagalingang musika, kahanga-hanga dahil hindi lamang gitara at drums marunong gumamit ang mga bata  kundi may mga batang marunong ding mag-violin at lahat sila ay magagaling sumayaw at kumanta.
   
Nakaalis na ko mula sa ‘gift giving,’ hindi pa rin maalis sa aking isip ang sigla at giliw ng mga bata sa Children’s Joy. Sabi ko, pinagkaitan man ng pagmamahal mula sa tunay na pamilya, masuwerte na rin sila sapagkat may isang CJFI na anumang oras ay bukas ang  palad sa pagkalinga sa mga batang inabandona ng kanilang mga magulang.
   
Salamat at may mga foundation na katulad ng CJFI.
   
Salamat at may mga masisipag at matityagang social workers na boluntaryong gumaganap sa kanilang tungkulin at higit sa lahat, salamat sa iyo, Pastor Apollo Quiboloy.