6,711 guests

DA: ’Di totoo ang hoarding ng sibuyas sa Nueva Ecija

  • Written by Jun I. Legaspi
  • Published in Provincial
  • Read: 310

“WALANG katotohanan ang ibinibintang na pagtatago ng sibuyas sa mga  imbakan. Maayos ang mga magtatanim ng sibuyas ng Nueva Ecija. Walang katotohanan ang sinasabing krisis sa sibuyas.”

Ito ang reaksyon ni Serafin Santos, hepe ng Office of Provincial Agriculture, hinggil sa napabalitang hoarding ng sibuyas sa probinsya.

Ayon kay Santos, noong Agosto 2016 ay naubos na ang produkto ng mga magsasaka dahil ito ang panahon ng anihan at kasalukuyang nagtatanim na nga­yon ang mga magsasaka kaya hindi sila apektado ng mababang presyuhan sa ngayon ng sibuyas.

Paliwanag ng Agriculture Office, binuksan nila pansamantala ang ‘stop gap measure’ para maka­pag-import ng sapat na supply ng imported na sibuyas upang hindi magmahal ang presyo nito sa merkado, habang nagtatanim ang mga magsasaka.

“Ang talagang maaapek­tuhan nito ay ’yung mga trader at hindi ang mga magsasaka. ’Yung mga nakaimbak na sibuyas ngayon ay pag-aari ng mga trader at hindi ng mga magsasaka. Ganunpaman, hindi sapat ang supply para i-accommodate ang pangangailangan ng sibuyas kaya nagkaroon ng pag-aangkat,” paliwanag ni Santos.
   
Ang dahilan umano ng kakaunting supply ng sibuyas ay ang pamemeste ng ‘army worms’ na noong Setyembre (2016) pa na­na­nalasa sa mga sibuyasan, base sa ulat ng Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture.
   
Nanawagan naman si Governor Czarina “Cherry” D. Umali sa Malakanyang na tiyakin ang proteksyon sa mga magsasaka laban sa pamemeste at unos na pumipinsala sa kanilang kabuhayan.
   
Ayon kay Umali, ang Nueva Ecija ang panguna­hing producer ng sibuyas sa buong bansa dahil humigit-kumulang 1,577 ektarya ang sibuyasan ng buong probinsya.
   
“Nananawagan po kami kay Pangulong Rodrigo Roa-Duterte na sana ay bigyang prayoridad ang ating mga magsasaka. Kailangan po namin ng dagdag na tulong sa ating Agriculture Department at sa lahat ng sangay ng pamahalaan para mapa­ngalagaan ang ating sibuyasan,” wika ni Umali.