4,666 guests

JC at Nathalie, maingat sa love scene

  • Written by Jun Nardo
  • Published in Showbiz
  • Read: 520

WALANG barubalang naganap sa lampungan nina JC de Vera at Nathalie Hart sa indie movie nilang Tisay. Hindi eksaherada ang halikan at lovemaking na nangyari sa kanila.

“Human ang pinortray namin. Hindi namin kailangang i-exagg(erate) ang mga love scene. Para kaming gumagawa ng buhay ng normal na tao. Minsan kasi ini-exagg natin, ’di ba?” saad ni JC nang huling makausap ng press.

Normal with love and passion ang description niya sa romansa nila ng seksing aktres. Hindi ba siya natakot kay Nathalie na kumpara sa kanya eh mas daring sa ganoong eksena?
   
“Ha! Ha! Ha! I don’t mind. Part of work. Gawin niya kung anuman ang kailangan niyang gawin,” rason ng aktor.
   
Kapwa  sila naging maingat sa maiinit na eksena.
   
“Basta binigay namin ang kailangan naming gawin sa story. Kung hindi naman talaga kailangan ni Direk Borgy (Torre), hindi namin gagawin,” sambit pa ng aktor.
   
“Passionate lang. Iba ’yung pagiging sensual sa passionate. Sa story kasi, ibinibigay niya (Nathalie) ang katawan niya para sa trabaho at sanay siyang… ’Yun ang pang-come on niya sa kliyente niya. ’Yung katawan niya, ganda niya. ’Yun ang ini-offer niya. Kaya siya nakakagawa ng magandang transaksyon,” paliwanag ni JC.
   
Paano niya inatake ang mga intimate scene?
   
“Like a normal person. Kung ano ang ginagawa ng normal na tao na hindi naman nagbabayad para sa pag-ibig,” sey niya.
   
Kumusta  naman si Nathalie bilang kapareha?
   
“She’s very professional. We’re both professional in that kind of scene. We did it as natural as we can,” katwiran pa ng aktor.
   
Anyway,  ngayong gabi ang premiere ng Tisay sa Trinoma Cinema.

* * *

ITINATAYO na ang bagong bahay ni Paolo Ballesteros mula sa katas ng kanyang paghihirap sa showbiz. Binisita ni Pao ang pinapagawa niyang bahay na kahit under construction ay yayamanin sa laki, huh!
   
Walang nakasaad na lokasyon ang bagong bahay ng TV host-actor. Pero sa comments ng followers niya, sa Antipolo ang location nito.
   
Kaya naman kakayod na sa paglalagare sa trabaho si Paolo. Trabaho sa Eat Bulaga sa tanghali at tanggap ng raket at pelikula sa gabi. Aba, tatlong movies ang gustong ipagawa sa kanya nina Mother Lily at Roselle Monteverde, huh!

* * *

SASABAK na sa concert scene ang baguhang singer na si Gio de Vera, ang Gio 1. Magaganap ito sa November 30, 2016 sa Hard Rock Café, Makati.
   
Kaya naman todo na ang rehearsals na ginagawa ngayon ni Gio. Siyempre pa, nasa repertoire niya ang hit song niyang Kailan na nakaka-LSS (last song syndrome) ang dating, huh!
   
Produkto ng boy band search na To The Top ng GMA si Gio. Nahasa nang husto ang talento niya sa pagkanta kaya naman after a year, heto’t siya’t palaban na sa concert stage, huh!