4,977 guests

14 years ng martial law ni Marcos vs 12 years ng mga Aquino

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 418

Hala bira!

Congratulations US President-elect Donald Trump!

Kaya pala magaan ang loob ko sa iyo dahil ikaw na ang papalit kay Pareng Barack!
   
All eyes ngayon ang mundo sa mga magiging polisiya ng bagong US president.

Ang magandang abangan ay kung ano ang kahihinatnan ng relasyon ng Amerika at ng Pilipinas matapos ang pag-asim nito sa ilalim ni Obama at ni Pangulong Rody.

Abangan ang susunod na kabanata.

* * *

Matapos ang pagpabor ng Korte Suprema sa pag­libing kay FM sa Li­bingan ng mga Bayani, naglutangan na naman ang mga nagpapanggap na santo at santa na makadilaw.

Lahat na naman ng dungis ni Marcos ay inuulit-ulit na parang sila ay mga walang pagkakasala sa bayan.
   
Bilangin nga natin, 1972 nagdeklara ng Martial Law si Marcos, natanggal siya ng 1986. Ibig sabihin, 14 years. Hindi na nila binilang ang mga nagawa ni Apo Macoy, ang mga magagandang insfrastructure, ang mga super highways gaya ng South at North expressway (Nlex at Slex na ngayon na pareho nang pribado) ang Heart Center, ang Lung Center, ang Kidney Institute, PICC, CCP at ang marami pang monumental structures sa bayang ito.
   
Hindi na rin nila binilang ang mga programang inilunsad ni Marcos kaya stable ang supply ng ating pagkain noon tulad ng Masagana 99, Biyayang Dagat at Green Revolution.
   
Mayroon pa tayong Kadiwa na higanteng supermarket at Food Terminal na bumaba­lanse sa presyo at supply ng mga agricultural product. Hindi makaporma ang mga negosyanteng profiteer at hoarder dahil sa check and balances ng gobyerno.
   
Malawak din ang feeding program na anti-malnourishment program ni Macoy sa aming mga mag-aaral sa elementarya. Kumpleto ang gamot sa mga health center, puwedeng ma­nganak nang libre ang mga nanay, libreng vasectomy nila erpat, updated ang bakuna namin, anti-rabbies, anti-polio at malinis ang kapaligiran at mga katubigan.
   
Nakatatak sa aming mga puso at isipan ang pagiging makabayan, disiplinado kami sa lahat ng aming kilos, hindi kami tumatambay sa malayo sa aming bahay sa dis-oras ng gabi.
   
Mababa ang unemployment rate dahil karamihan sa mga tao noon ay may trabaho. Ang mga state university ay top of the line ang kalidad ng edukasyon, kumpleto sa lahat ng pangangailangan ng mga mag-aaral. One is to one ang ratio ng aming mga libro sa public school. Hinihiram namin iyon kapag pasukan at isinasauli bago magbakasyon.
   
Hindi ko na maalala ang iba pang nagawa ni Marcos pero kung gusto n’yo ng bilangan, ano ba ang achievement ng dilaw noong 1986 na magiging markado sa kanilang mga ipokrito?
   
Blackout, shortage sa tubig, nagtaasan ang pres­yo ng bigas, ang galunggong na dati ay sobrang mura, bago sila natapos, presyong ginto na.
   
Sa kanilang panahon din nagsimula ang contractualization kaya maraming manggagawa ang naging patay-gutom tuwing sasapit ang ikalimang buwan sa kompanya. Tanggal na agad!
   
May Mendiola massacre pa sila. May serye pa ng kudeta at ginawang family corporation ang gobyerno dahil puro kamag-anak ang nasa posisyon.
   
1986 hanggang 1992 iyon. Kumusta naman ang anak na naposisyon din mula 2010 hanggang 2016.
   
Ano ang kanyang nagawa, wala rin, zero rin! Pinabayaan ang lahat ng sektor, puro kaibigan ang pinag­lingkuran. Hindi pinansin ang mga biktima ng kalamidad gaya ng Yolanda. Binola lang lahat sila pati na ang biktima ng giyera sa Zamboanga.
   
Tumaas ang presyo ng lahat ng bilihin, tumaas ang lahat ng uri ng krimen, naging almost narco-state na tayo, tumaas ang unemployment rate, bumagsak ang lahat ng infrastructure projects dahil anim na taong tumunganga.
   
Talo niya si ina, dahil tambak ang massacre sa ilalim niya: Hacienda Luisita massacre, Al Barka, Basilan, Quirino Grandstand massacre at Mamasapano massacre.
   
So, kuwentahin natin, 6 years si ina, six years si anak, meaning 12 years sila ng mag-inang banal at 14 years naman si Macoy na sinasabi nilang masamang lider.
   
Kung susumahin nating mabuti, mas matindi pang pahirap ang dina­nas ng bansa sa labinda­lawang taon ng mag-ina kung ikukumpara sa martial law ni Marcos na 14 years.
   
Ngayon nagmamagaling ang mga talunang dilawan na parang sila lang ang may monopolyo at malasakit sa bayan. Feeling nila, hindi nila inapi ang bayan, feeling nila, sila lang ang tunay na mabuting lider!
   
Sana lang aprubahan na rin ng Korte Suprema na makapaglibing ng buhay sa Libingan ng mga Bayani dahil marami akong gustong unahin na akala mo kung sinong mga busilak ang puso na walang dungis at tunay ang pagmamahal sa bayan.
   
Bistado na kayo hoy!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.