4,954 guests

Pagkaubos ng mga drug addict, sino ang makikinabang?

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 235

On the beat

HINDI maikakaila na lumobo nang husto ang insidente ng pa­mamaslang, hindi lang sa lungsod ng Caloocan kundi sa iba pang karatig-lungsod mula nang ilunsad ang giyera laban sa iligal na droga.

Maraming mga politiko, human rights advocate, miyembro ng iba’t ibang sekta ng relihiyon at sektor ng lipunan ang umalma sa umano’y walang patumanggang pa­mamaslang sa mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga na humantong pa sa imbestigasyon ng Senado.

Dito lang sa Caloocan, hindi lilipas ang gabi ng walang nangyayaring pagpatay sa hinihinalang sangkot sa iligal na droga na kung hindi kagagawan ng sinasabing mga miyembro ng vigilante group, napatay dahil nakipagbarilan sa pulisya.

Pero kung ang pulso ng nakararaming residente sa Caloocan City ang aalamin, mas marami ngayon ang kuntento lalo na’t nabawasan ang pangamba ng mga magulang ng mga kabataang estudyante na ginagabi ng uwi.

Dati kasi, hindi lilipas ang magdamag nang walang nabibiktima ng pang­huholdap, snatching, akyat-bahay at iba pang uri ng krimen sa lungsod na kagagawan ng mga drug addict. Hindi nga sila takot kahit makuhanan pa ng close circuit television (CCTV) camera ang kanilang kabuktutan at kahit pa sa karamihan ng tao ay ginagawa nila ang panghuholdap.
   
Dito nga lang sa area ng Monumento, ilang beses na nakuhanan ng CCTV ang ginagawang panghuholdap ng mga drug addict sa mga kawawang estudyante pero hindi sila nanga­ngamba kahit makilala pa ang kanilang mga pigura.
   
Pinakamarami pa nga ang naiuulat ng panghuholdap, akyat-bahay at insidente ng panggagahasa sa area ng North Caloocan dahil talamak ang bentahan at paggamit dito ng droga kaya halos nabubuhay sa pa­ngamba noon ang maraming residente lalo na sa area ng Bagumbong, Tala, Camarin at Bagong Silang.
   
Pero kung dati ay namamayani ang takot sa mga tahimik na residente sa Caloocan City, kabaligtaran ngayon dahil pawang drug personalities at kilabot na holdaper at magnanakaw ang nangangaykay na sa takot bunga ng sunud-sunod na pagkaubos ng kanilang hanay.
   
Halos naglaho na rin ang pangamba ng mga magulang dahil kumpi­yansa na sila na kahit gabihin sa lansangan ang kanilang mga anak, si­guradong makakauwi nang ligtas ang mga ito.
   
Totoong tumaas ang insidente ng pagpatay sa Caloocan City at aminado naman dito ang hepe ng pulisya na si Senior Supt. Johnson Almazan pero kung susuriin ang rekord ng mga insidente ng iba pang uri ng krimen tulad ng panghuholdap, panghahablot, pagnanakaw at panggagahasa, mahigit sa kalahati ang ibinaba nito, kumpara sa kahalintulad na panahon kung saan hindi pa nailulunsad ang maigting na kampanya ng pulisya laban sa iligal na droga.
   
Ngayon, sino ang tunay na nakikinabang sa nangyayaring insidente ng mga pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kagagawan man ’yan ng pulisya o vigilante group? 
   
Maagang pagbati nga pala kay Senior Supt. Johnson Almazan na magdiriwang ng kanyang ika-52-taong gulang sa Biyernes, Nobyembre 18. Happy Birthday sir, Mabuhay ka!

QUOTA NG TRAFFIC ENFORCERS
   
Totoo kaya ang pahiwatig ng isang traffic enforcer sa Maynila na napupuwersa silang mangotong dahil may hinahabol silang quota na ibinabahagi raw sa ilan nilang tiwaling opisyal? Aba, eh kailangang paimbestigahan ito ni Manila Traffic and Parking Bureau head Dennis Alcoriza dahil pangalan niya ang mababatikan kapag nagpatuloy ang ganitong kostumbre.
   
Sa kabila kasi ng sunud-sunod na batikos na inaabot ng mga kotongerong traffic enforcer, tila wala pa rin silang tigil lalo na sa kahabaan ng Jose Abad Santos, mula C. M. Recto hanggang sa kanto ng Tecson St. sa harap ng Ospital ng Tondo.
   
Swerving ang laging ginagamit na dahilan ng mga kotongerong traffic enforcer sa oras na sitahin ang mga pribadong motorista na lumipat ng linya mula sa kaliwang bahagi patungo sa kanang linya ng Abad Santos. Pero kapag ang mga pampasaherong jeep ang lumipat ng linya mula kanan patungong kaliwa, dedma lang ang mga traffic enforcer dahil pasok na umano ang mga ito sa lingguhang lagay.
   
Hindi rin sinisita ng mga traffic enforcer ang mga tricycle na hindi lang counter-flow ang violation kundi binabale-wala rin ang traffic lights. May illegal terminal pa sila sa harap ng Ospital ng Tondo pero mukhang hindi ito nakikita ng mga traffic enfocrcer.
   
Ang mga inirerekla­mong kotongerong traffic enforcer ay matatagpuan sa mga kanto ng Abad Santos at Tecson, Abad Santos at Yuseco, Abad Santos at Tayuman, Abad Santos at Mayhaligue hanggang sa C.M. Recto.

* * *
   
Sa mga puna at reaksiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0915-6492023.