6,835 guests

Parents ni Lee, mamamanhikan kay Pokwang

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 523

Guesting ni Angel sa ‘Banana...,’ aprub kay Jessy

Mukhang malapit na talagang lumagay sa tahimik si Pokwang sa American boyfriend na si Lee O’Brien dahil sa darating na Enero 2017, pupunta sa ’Pinas ang parents ng Bf.

“Last March, na-meet-the-parents ko na,” sey ng komedyana sa presscon ng 8th anniversary ng Banana Sundae kahapon.
   
“Tapos itong January ulit, next year, darating sila rito, hindi ko alam kung ano ang mangyayari.”
   
Pamamanhikan na ba ’yun?
   
“Ayyy!” tila kinikilig niyang sabi, “maganda ’yung pamamanhikan, ’di ba? Pero huwag mag-assume, masama ’yun, ’di ba? Enjoy lang kung anong mangyari.”
   
Basta sa ngayon, masaya sila ni Lee at ini-enjoy ang kanilang relasyon.
   
“Sa ngayon, masaya kami, enjoy-enjoy lang kami ngayon kung ano ’yung meron kami ngayon. Sobrang masaya lang, ’yun ang importante, walang stress. Nakakadagdag siya sa akin ng inspirasyon, alam mo ’yun?
   
“Dati ang sungit-sungit ko sa trabaho ’pag ano, eh. Pero ngayon, siyempre... Ano lang, tingnan natin sa January, pagdating ng mga pamilya dito,” she said.
   
Gaano naman ka-supportive si Lee sa kanyang career?
   
“Ay sobra naman. Saka talagang ano sa akin ’yun, nagagalit siya sa akin kapag umaalis ako nang hindi kumakain.”
   
Sasabihin daw sa kanya ni Lee, “O, papasok ka, anong oras ka na naman uuwi, tapos walang laman sikmura mo.”
   
Pero siyempre, in English daw ’yun.
   
Kahit nga raw maging mag-asawa na sila’t magkaroon ng anak, hindi raw niya iiwan ang Banana Sundae.
   
“Sabi ko nga, ’pag nagkaanak na kami, ’yun ’yung mga next batch, ’yung mga anak-anak namin.
   
“Alam n’yo, hangga’t maaari, kahit ano pa siguro ang dumating kong proyekto dito sa ABS-CBN, hangga’t maaari, ayoko pong mawala sa Banana. Gusto ko, dito ako.
   
“Siyempre, the more, the merrier trabaho, ako lalo, ang sakit sa likod ng tuition ng anak ko, eh. So, kailangan ko po ng maraming trabaho. Pero ang Banana, hindi ko po pwedeng bitawan. Hindi lang po dahil sa trabaho kundi dahil sa mga katrabaho,” sey ni Pokey.
   
Sa Banana Sundae, napakarami nang sikat na personalidad na na-impersonate ni Pokey at pinaka-paborito raw niya sa mga ito ay si Mommy Dionisia, ina ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.
   
Marami pa raw siyang bagong ii-impersonate kaya abangan na lang.
   
Bilang pasasalamat sa fans sa walang sawang pagtangkilik sa gag show sa loob ng walong taon, isang anniversary show ang gagawin nila sa Kia Theater sa Nov. 17, Banana Sund8.
   
Magkakaroon ng maraming pasabog na production numbers ang barkada nina Pokwang, Angelica Panganiban, John Prats, Pooh, Jayson Gainza, JC de Vera, Jessy Mendiola, Jobert Austria, Sunshine Garcia at Aiko Climaco kasama ang surprise celebrity guests.

* * *

Si Jessy naman, natanong kung ano ang reaksyon sa napapabalitang guesting ni Angel Locsin sa Banana Sundae.
   
Ayon sa young actress, alam niyang naka-schedule  talaga itong mag-guest, pero hindi natuloy.
   
“Supposedly, magge-guest po talaga siya, nagkataon po yata, wala ako nu’ng day na ’yun,” sey niya.
   
So, okay lang sa kanya kung sakaling matutuloy na?
   
“Bakit naman po? Hindi naman po ako ’yung may hawak ng show, eh. Sumusunod lang po ako.”
   
Iwi-welcome ba niya ito?
   
“Why, yes, of course!” she said.
   
Matatandaang nagkaroon ng issue sa pagitan nina Angel at Jessy nang ma-link ang huli kay Luis Manzano,  ex-boyfriend ng una.
   
That time, may mga tsikang third party siya sa hiwalayan ng dalawa na matagal na rin niyang itinanggi.