12,223 guests

Tunay na sundalo si Makoy, kasama sa giyera laban sa Hapon

  • Written by ATTY. JAY DE CASTRO
  • Published in Opinion
  • Read: 275

KAHAPON ay inilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito ukol sa paglibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB). 

Sa botong 9-5, pinaboran ng Korte Suprema ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilibing ang dating pangulo sa LNMB. Isa sa mga dahilan ng Korte Suprema ay ang katunayan na si Marcos ay dating pangulo at Commander-in-Chief, dating Secretary of National Defense, retiradong sundalo, at beterano ng digmaan na nakapagkamit pa ng Medal of Valor.
   
Muli nating inilalathala dito ang kolum ng inyong lingkod ukol sa mga ebidensya na nagpapatunay na si Makoy ay dating isang tunay na sundalo na nakipaglaban sa digmaan laban sa mga Hapon.

* * *    

Bilang abogado, napakahalaga ng kongkretong ebidensiya na iharap sa korte upang patunayan ang katotohanan o kamalian ng isang kaso. Kung walang ebidensiya, dapat i-dismiss ang kaso.
   
Ang mahalagang usapin kung hahayaang ilibing si yumaong Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay kung naging sundalo siya o hindi.
   
Malungkot isipin na matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na naganap noong 1945, kailangang ipagtanggol ng pamilya Marcos at pamahalaan sa Korte Suprema na si Marcos ay naging sundalo.
   
Napakaraming opisyal na dokumento ang nagpapatunay na si Makoy ay naging sundalo noong nakaraang digmaan, mayroon opisyal na dokumento ngang nagpapakita na si Col. Ferdinand E. Marcos ay nagpamalas ng kabayanihan.
   
Ang mga ebidensiyang inihain ng Office of the Solicitor General (OSG), ang 11 dokumento na nagpapatunay na si Makoy ay naging sundalo, naging bayani noong giyera natin laban sa imperyalistang Hapon at nagkamit ng Medal of Valor,  ay ilan lang sa mga ebidensyang malakas na batayan na karapat-dapat ilibing si Marcos sa LNMB.
   
Narito ang mga dokumento at argumento ng OSG  na legal ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ihimlay ang mga labi ni Makoy sa LNMB.
   
Una, si Marcos ay ipinatawag ng United States Army Forces in the Far East (USAFFE) noong Nobyembre 15, 1941 na magsilbing sundalo. Iginawad sa kanya  ang ranggong “third lieutenant.” Umalis si Marcos sa Armed Forces of the Philippines (AFP) noong 1963 na may ranggong “colonel.”
   
Ikalawa, iginawad kay Marcos ang Medal of Valor dahil sa ginawa niya na  “prevention of possible decimation of withdrawing USAFFE troops in a ‘suicidal action against overwhelming enemy forces’, thus helping delay the inevitable fall of Bataan.”
   
Ikatlo, sa loob ng 5 araw -- mula Enero 22- 26, 1942 -- si Marcos at kanyang mga kasamahan ay hinarangan ang Salian junction sa Abucay Line upang pigilan ang agresibong paglusob ng mga Hapon. Ito ay nakasaad sa Annex 14 ng mga dokumentong ipinasa sa Korte Suprema na pumapatungkol sa 2-pahinang General Orders No. 167 na inisyu noong Oktubre 16, 1968.
   
Ikaapat, pinatunayan ang katotohanan nito ni Ret. Lt. Gen. Alfonso Arellano, naging AFP Chief of Staff, kung saan idiniin niyang mayroon lang “hundred fighting men against a regiment of about 2,000 highly-trained and well-equipped Japanese troops,” nang tapatan nina Marcos ang mga kalaban.
   
Ikalima, tseke mula sa Philippine Veterans Bank (PVB) at Land Bank of the Philippines (LBP) na inisyu kay Rep. Imelda Marcos noong 2003 at 2004.
   
Ang tseke ng PVB ay tungkol sa pensiyon ni Marcos bilang sundalo, samantalang iyong sa LBP ay bilang “payment of gratuity pay/medal of valor” kay Makoy.
   
Ikaanim, ang 2-pahinang certification ng AFP General Headquarters na nilagdaan ni Lt. Col. Antonio Martin, na naglalaman ng ganito: “Colonel Ferdinand E. Marcos, was recipient of a “Medal of Valor”, three “Distinguished Conduct Stars” and two “Distinguished Service Stars” at iba pa na inisyu noong Marso 4, 1986.
   
Sabi nina Kabayan party-list Rep. Harry Roque at Citizens Battle against Corruption (Cibac) party-list Rep. Sherwin Tugna, parehong abogado, magdedesisyon ang Korte Suprema kung kwalipikado ang sundalong si Marcos na ilibing sa LNMB.
   
Hindi magpapasya ang Korte Suprema sa isyu ng pagiging bayani, sapagkat walang batas na nagtatakda kung sino ang dapat na ituring na bayani sa Pilipinas.
   
Legalidad ang batayan kapag nagdedesisyon ang Korte Suprema, hindi kung ano ang nagawang mali at pagkukulang ng sundalo noong siya ay naging Pangulo ng Pilipinas.