7,301 guests

Buhayin ang sektor ng agrikultura

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 241

BINANGGIT ni former Senator, DILG Secretary at Laguna Governor Joey Lina sa kanyang programa sa DZMM na wala pang nakakagawa sa record ni dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada sa aspeto ng pagpapalago ng agrikultura.

Ayon kay Lina, pinakamasiglang produksiyon ng ating mga  magsasaka sa  ilalim ng Estrada administration dahil talagang ang pokus ng gobyerno noon ay pagpaparami ng pagkain.
   
Magmula noong 1998 hanggang 2001, hindi pa nabura ang record ni Erap sa isyu ng pagtutok sa kapakanan sa mga magsasaka, mangingisda at sa lahat ng mga nasa kabukiran kaya mas mura ang mga pagkain sa kanyang panahon.
   
Marami ang kumutya kay Erap noong Pangulo siya, lalo na nang matanggal sa puwesto matapos ang Edsa dos ng mga mayayaman. Pero sa totoo lang, sa panahon ni Erap nagkaroon ng pinakamagagaling na cabinet members na hindi kayang tapatan ng gabinete nina Gloria at Noynoy.
   
Ngayong panahon ni Pangulong Digong, kung matutuloy ang sinasabi niyang pagbuhay sa mga programa ni Marcos na Masagana 99, Biyayang Dagat at Green Revolution, naniniwala tayong maibabalik ang buhay ng ating agrikultura.
   
Mismong si Agriculture Secretary Manny Piñol ang nagbigay ng katiyakang libreng patubig sa mga irigasyon ang pakikinabangan ng ating mga magsasaka. Binabanggit ni President Digong na libreng traktora, binhi at mga suporta sa pataba ang ipagkakaloob ng gobyerno sa mga magsasaka.
   
Kung ganito ang sistema ng Duterte administration, posibleng mabigyan ng bagong pag-asa ang ating mga magsasaka. Kaya nga sa nakaraang administrasyon, mas gusto ng mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga kalabaw kaysa pagyamanin ang kanilang mga kabukiran.
   
Nakikipagsapalaran sa Metro Manila para humanap ng trabaho at inaabandona ang pagtatanim. Ang implikasyon nito ay sa mga consumer, lumiliit ang produksiyon sa bukid, lumiliit ang supply sa merkado at ang ending, tumataas ang presyo.
   
Nagtataka nga tayo kay Noynoy, talagang nilatigo nila ng kapabayaan ang sektor ng agrikultura sa panahon nila kaya kapansin-pansin na mas lumaganap ang kagutuman at kahirapan sa ilalim ng kanyang pamamahala.
   
Kunsabagay, kailan pa ba mauunawaan ng isang haciendero ang mga karaniwang sakada? Kaya nga may Luisita at Mendiola massacre!
   
Ang ating bansa ay nagtataglay ng magandang uri ng lupa. Dito sa atin, kahit saan ka magtulos ng talbos ng kamote o anumang halamang gulay at punongkahoy ay kusang mabubuhay. Hindi ganito sa maraming bansa buong mundo, lalo na sa Middle East o sa  Latin American countries na mabuhangin ang lupa kaya pihikan sa itinatanim na halaman.
   
Tamad na lang talaga ang magugutom dito sa atin dahil sa lawak ng lupa na puwedeng taniman at karagatang maaaring pangisdaan.
   
Suporta ng gobyerno tulad ng ginawa ni Erap at ginagawa ngayon ni Duterte ang huhudyat para hindi tayo masyadong umaasa sa importasyon ng  agricultural products.
   
Sagipin natin ang  mga magsasaka  at mga mangingisda na tunay na bayani ng ating lahi mula pa sa pagkasilang nating lahat ng mga Pilipino.
   
Mabuhay ang ating mga magsasaka at mangingisda!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.