8,277 guests

2 babae, timbog sa pagnanakaw sa mall

  • Written by Cesar Reyes
  • Published in Provincial
  • Read: 289

ARESTADO ang dalawa sa apat na babae sa salang pagnanakaw bandang alas-3:30 ng hapon kamakalawa sa loob ng Surplus Shop, SM City Baguio, sa reklamo ng isang Mansour Jamil Domingo Antonio, 19, residente ng No. 19 Lower Kitma, Baguio City, at nagtatrabho bilang stockman sa nasabing shop.

Kinilala ang mga suspek na sina Rose Mia Noble Mahinay, 43, walang asawa, walang trabaho; at Arlyn Juarez Modia, 42, may-asawa, walang trabaho, parehong residente ng Bgy. Sumulong Street, Baguio City.
   
Ang dalawang hindi pa kilalang babae na kasabwat sa pagnanakaw ng mga damit na naka-display sa estante ng nasabing establisyemento ay nakatakas.
   
Ayon sa imbestigasyon, napansin ng nagreklamo na nawawala ang ibang display na mga damit sa estante sa nasabing lugar at nang tingnan ang CCTV footage, nakita ang dalawang babae na magkatulong na isinisilid ang mga damit sa loob ng dalang shoulder bag habang ang dalawang kasamang babae ay nagsilbing panakip at lookout.
   
Ang apat ay umalis nang hindi nagbayad sa mga nakuhang damit. Hindi pa nasiyahan ang mga suspek at bumalik ulit makaraan ang ilang sandali at kumuha ulit ng mga damit at agad na umalis sa lugar.
   
Pinagbigay-alam agad ng nagreklamo ang insidente sa security guard na naka-duty na kung saan ay nahuli ang dalawa sa loob ng SM Department Store at narekober ang ibang ninakaw pero ang tinangay  na  damit na nagkakahalaga ng  P12,888.75 ng mga kasama ay hindi na narekober pa.
   
Ang mga nasabing suspek ay nakaditine sa Baguio City Jail sa utos ni Inquest Prosecutor Ramsey Wynn Sudaypan.