12,065 guests

PDU30’s independent foreign policy: A politics of substitution?

  • Written by Berne Mabalay
  • Published in Opinion
  • Read: 175

AYON sa isang kasabihan, “When elephants fight, it is the grass that suffers.” Sa kasalukuyan, may tatlong ‘global superpowers’ na masasabing nagse-set ng dominant economic policies na nasusunod naman sa pandaigdigang ekonomiya -- ang Estados Unidos, Europa at Tsina. Ang bawat isa sa tatlong ito ay may kani-kanyang paraan sa pagpapalawak ng economic, military and diplomatic power sa maraming bansa.

Kamakailan, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang speech sa panahon ng kanyang official state visit sa China, “Both in militar...economics also. America has lost...There are three of us against the world -- China, Philippines and Russia. It’s the only way.” Nagbigay ito ng implikasyon na pinuputol na ni Pangulong Duterte ang “military and economic ties” sa Estados Unidos pero hindi ito naging katanggap-tanggap sa karamihang ekonomista sa bansa.
   
Kaya, nilinaw niya na ang economic ties sa US ay mananatili, subalit paiiralin niya ang “more independent foreign policy” -- o ang foreign policy na hindi nakahilig sa Estados Unidos. Kung seryoso si Pangulong Duterte sa kanyang pahayag, ito ay may malaking kaugnayan sa kanyang naunang 10-point socioeconomic agenda. Sa nasabing socioeconomic agenda, nangunguna ang pagpapanatili ng macroeconomic policies gaya ng trade policies ng bansa na highly supportive sa US free trade or neoliberal policies. Dahil dito, ang nauna niyang pahayag tungkol sa ‘military and economic separation’ sa Estados Unidos ay hindi magiging compatible sa kanyang pinaiiral na economic policies.
   
May kasabihan na “Talk is cheap” kung hindi naman ito kayang isakatuparan. Ang kanyang pahayag sa Tsina na: “There are three of us against the world -- China, Philippines and Russia” ay may implikasyon na ang kanyang foreign policy ay nakahilig sa Tsina pero ito kaya ay kanyang mapaninindigan? Magdudulot kaya ng best interest sa bansa ang paglisan sa US free trade kapalit ng paghilig sa Chinese free trade?   
   
May pananaw na ang Estados Unidos at ang dominant free-trade policies nito ay nagdulot lamang ng pagbagal o paghinto sa pag-unlad ng ating bansa. Sa kabilang banda, may kakayahan kaya ang Chinese free-trade policies na magsulong ng inclusive growth sa bansa?
   
Ayon sa isang research, dapat isaalang-alang na sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina, ang level of economic inequality ng mayayaman at mahihirap ay mas malawak sa Tsina kumpara sa Estados Unidos. Mahalaga ito dahil sa Southeast Asia, ang ating bansa ang may pinakamataas na income inequality.
   
Noong taong 2012, naitala na ang combined worth ng 40 richest Filipinos ay katumbas ng 76% Gross Domestic Product ng bansa. Samantala, mahigit 25 milyong Filipino naman ang nagkakasya na lamang sa mahigit 40 piso para mabuhay sa bawat araw. 
   
Kung ang pag-alyansa sa Tsina ay magdudulot ng lalong pag-aaway o ‘quarrel between two elephants’ o global superpowers sa ating bansa, mas malaki ang tsansa na lalong magdusa ang ating bansa na hindi pa rin maka-take-off ayon na rin kay Pangulong Duterte.
   
Gayunpaman, ang mithiin ni Pangulong Duterte na isulong ang independent foreign policy ay isang long-overdue na diskurso na kailangang panindigan ayon sa tadhana ng Konstitusyon ng bansa. Ito ay isang foreign policy na hindi nakahilig sa kontrol ng Estados Unidos o ng Tsina, o sa iba pang imperial or global superpowers.
   
Hindi ito isang politics of substitution na magpe-perpetuate lamang ng patuloy na pagdurusa ng bansa. Kung ang paghilig sa Estados Unidos ay nagdulot lamang ng economic dependence or subservience, huwag nating hayaan na maging kasangkapan ang ano mang bansa upang ito ay muling maulit pa. Sa halip, ito ay independent foreign policy na batay sa soberenya at kapakanan ng bansa, at sa karapatang isabuhay ang self-determination ng mga Pilipino sa pag-ugit ng mapalad na pag-unlad o ‘blessed development.’
   
May isang talata sa Bibliya na nagsasabi, “It is for freedom that Christ has set us free. Stand firm, then, and do not let yourselves be burdened again by a yoke of slavery” (Galatians 5:1). Bagama’t ito ay nasulat sa panahon ng Roman Empire, ang prinsipyo ng kalayaan na nakapaloob dito ay isang mensahe para sa ating panahon.

* * *
   
Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang ‘Oras ng Pilipinas,’ sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / 0928-364- 2090.