8,285 guests

Isunod na ang scalawag sa gobyerno

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 199

SIGURO panay ang dasal ng mga magnanakaw sa gobyerno na huwag munang matapos ang problema sa iligal na droga.

Alam nila na kapag natapos ang giyera laban sa ipinagbabawal na gamot ay sila naman ang isusunod ni Pangulong Duterte.

Pero marami ang naniniwala na “under control” na ang illegal drug problem bago matapos ang taon.
   
Ang tingin ng marami, hindi man tuluyang nalansag lahat ng sindikato ng mga ipinagbabawal na gamot, sa dami ng mga nahuli at sumukong pusher at adik, pilay na ngayon ang “distribution system” ng mga walang kaluluwang mga drug lord.
   
Ang problema ngayon ng gobyerno kung paano ire-rehabilitate ang mga sumuko at nahuli.
   
Sa totoo lang, nanginginig na sa takot ang mga sangkot sa iligal na droga, lalo na ang mga tulak na ngayon ay patagu-tago.
   
Alam nila na hindi nagbibiro sina Pangulong Duterte at PNP  chief Director General Ronald dela Rosa.
   
Tama lang na pagpasok ng 2017, isunod na ni Duterte ang mga scalawag sa gobyerno.
   
Isama na diyan ang mga kotong cop, traffic enforcer at mga ganid na negosyante.
   
Sila ang dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng mga gulay, isda, prutas at iba pang produkto. 

* * *
   
Alam natin na maraming opisyal ng barangay ang sangkot sa mga katiwalian.
   
Pero sa kampanya laban sa iligal na droga, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga mga ito, lalo na ang punong barangay.
   
Kaya nga sila ang laging napapag-initan ng mga taong sangkot sa illegal drug trade.
   
Ang masakit lang, napakaliit ng tinatanggap nilang biyaya mula sa gobyerno.
   
Kahit nagtatrabaho sila nang halos 24 oras araw-araw, hindi suweldo kung hindi honorarium lang ang bayad sa kanila.
   
Walang bakasyon, insurance, overtime pay at retirement benefit. Kawawang mga lingkod-bayan.
   
Sila lang ang lingkod-bayan na gumaganap bilang chief executive, legislator at hukom.
   
Ang mga opisyal ng barangay ay gumagawa ng mga ordinansa at umaayos sa mga gusot, away at iba pang mga problema sa komunidad.

Kaya tama naman siguro na gawin na silang regular na empleyado ng gobyerno.
   
Kung hindi puwede ay itaas naman ang kanilang sinasahod. Isa lang ang hiling natin, siguruhing masibak ang mga tiwaling barangay official.
   
Payag ba kayo Pangulong Duterte, Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez?

* * *
   
Mabuti naman at pinatatanggal na ni Pangulong Duterte ang mga fixed checkpoint.  Mas effective ang mga mobile checkpoints.
   
Matatalino ang mga kriminal.
   
Mas madali nilang nalulusutan ang mga fixed checkpoint.
   
Dapat lagi ring naka-uniporme ang mga pulis na kasama sa checkpoint.
   
Ang mga checkpoint ay naglalayong masawata ang mga kriminal at hindi gamitin para mangotong.
   
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).