9,678 guests

Si Ka Bart at Gen. Roland

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 236

BAGO ang lahat, tinatawagan ng pansin ng pamilya ng isang pasyente sa mata itong si ‘Dra. Sentosa’ ng Rizal Medical Center (RMC).

Aber, doktora, grabeng pahirap na umano ang inaabot sa mga kamay mo nitong pasyente mo na nanggagaling pa sa Sto. Tomas, Batangas. Maging propesyunal at responsableng doktor ka raw naman!

Kung totoo ang nakuha nating impormasyon, itong mga ganitong doktor ang dapat sampahan ng pormal na reklamo sa Professional Regulations Commission at Philippine Medical Association para maturuan ng leksyon.
   
‘Show some heart and concern to your patient, Dra. Sentosa.’
   
Sa madaling salita, maawa ka naman. Kung wala ka nito, aba’y hindi ka dapat naging doktor, period!

* * *   

Isa munang “masamang balita” sa mga kritiko at iba pang mga “hao-shiao” na wala nang ginawa kundi intrigahin at “bateryahin” ang mga lider at miyembro ng National Press Club.
   
Sa pangunguna ng inyong lingkod, sinimulan na noong Miyerkules ng NPC ang ‘drug test’ para sa mga opisyales nito, mga ‘staffer’ ng NPC at ilang miyembro kung saan sa 25 kumuha ng drug test, WALA KAHIT ISA ang nag-positibo sa paggamit ng shabu at marijuana, ayon na rin sa opisyal na ulat ng ‘JKART Laboratory’ na siyang ‘partner’ ng NPC para sa proyektong ito.
   
Ang resulta, sabihin pa, ay isang malaking sampal sa makakapal na pagmumukha ng mga taong wala nang alam kundi maghasik ng intriga sa NPC katulad ng paggamit umano ng iligal na droga ng ilang mga opisyal nito bilang ‘election issue’ sa nakaraang halalan ng ating samahan.
   
At katulad nga ng aking palaging sinasabi sa mga miyembro ng NPC, ang lahat ay kailangan na ngayong dumaan sa ‘drug test’ dahil ang rekisitos na ito ay gagawin na natin ngayong ‘MANDATORY.’ Kumbaga, ‘No drug test, No NPC membership.’
   
Ang patakarang ito ay pagpapakita na rin natin ng buong pagsuporta sa ‘anti-drug campaign’ ng gobyerno ni Pang. Digong at pagpapakita na rin sa kanya na walang adik sa hanay ng media, partikular na sa mga kasapi ng NPC.
   
Kaya nga, sa lahat ng press corps “ihanda” na natin ang ating buong kasapian para sa drug test na isasagawa sa inyong mga ‘press office’ sa mga susunod na araw, hane?
   
Sa proyektong ito, muli nating pinasasalamatan si Sen. Juan Miguel Zubiri, ‘who went out of his way,’ wika nga, upang tulungan ang NPC sa proyektong ito -- at hindi ka naman “napahiya,” Sen. Migs dahil nga wala kahit isang “adik” sa aming hanay, hehehe. Muli, mabuhay ka, Sen. Migs!

* * *   

Muling “nabuhay” ang aking dugong “palaban,” mga kabayan at Congress OSAA (at ex-Solcom chief) Roland Detabali, noong Miyerkules nang muli kong mayakap at makamayan nang mahigpit si Tirso ‘Ka Bart’ Alcantara, na isa sa mga panauhin sa ginanap na ‘peace forum’ sa National Press Club.
   
Kasama niya sa pagtitipon si Edilberto Silva na ilang buwan din na naging “OIC,” wika nga, ng Communist Party of the Philippines (CPP) matapos namang “masakote” ng militar sina CPP chairman Benito Tiamzon at kalihim Wilma Tiamzon noong 2014. “Nalambat” ng militar si Silva noon namang nakaraang taon.
   
‘Living legend,’ wika nga, sa rebolusyunaryong kilusan, partikular na sa buong Timog Katagalugan, si Ka Bart na ilang beses din naman nating nakapanayam nang ‘exclusive’ bago siya nahuli sa Lucena City noong 2011, sa panahong ‘Solcom chief’ si Gen. Roland Detabali.
   
Ilang beses na rin nating naisulat ang mga naging ‘exploits’ ni Ka Bart at kahit ang kanilang matagal na naging “away” ni Gen. Roland -- sapul pa noong brigade commander pa lang itong ating kaibigang opisyal kaya hindi na natin babalikan pa rito, mga kabayan.
   
Katulad ni Ka Bart na mataas ang respeto sa kanyang mga naging katunggali at kahit kailan ay hindi siya nagtanim ng personal na galit, natutuwa tayo na halos ganito rin ang pananaw at paninindigan ni Gen. Roland, katangian na hinangaan ko sa kanila.
   
Ang patunay nga dito ay si Gen. Roland pa ang naging “tulay” (read: gumawa ng paraan) kung kaya nabigyan naman ako noon ng permiso na madalaw si Ka Bart sa Philippine Army Hospital sa Fort Bonifacio at sa kanyang naging kulungan sa loob ng Intelligence Service Group (ISG) ng Philippine Army, matapos siyang mahuli.
   
At kung noon ay “dibisyon” at “batalyon” ng mga sundalo ang “hawak” ni Gen. Roland bilang Army area commander, ngayon ay batalyon pa rin -- mga “sikyu” nga lang sa Kongreso, hahaha!
   
Sa panig naman ni Ka Bart, kung dati ay kinakantyawan ko siya na sa lahat ng ‘spokesman’ na nakilala ko, “siya” ang bihirang magsalita at mahirap puntahan (sa Sierra Madre pa kasi), ngayon naman ay nasa ‘lecture series’ na ng NDFP peace panel si Ka Bart!
   
Kumbaga, he is almost everywhere, hehehe!
   
Muli, mabuhay ka, Ka Bart! Mabuhay ka, Gen. Roland! At kapit-bisig tayong lahat sa pagkakamit ng tunay na kapayapaan at tunay na pambansang kasarinlan at pagkakaisa!